chapter 4

3K 77 5
                                    


CHAPTER FOUR

SABI NI MARICEL, MGA ISANG LINGO DAW BAGO MATANGGAP NI JAMES ANG sulat niya. Pero simula nang ihulog niya ang sulat, araw-araw na siyang umiistambay sa lumang istasyon. Minsan, may naabutan pa siya doon na babae at lalaki, ginagawa iyong kagaya ng ginagawa ni Vicky pag may kasamang lalaki sa barong-barong.

Tatawa-tawa pa ang dalawa, binigyan siya ng perang berde. Limang piso.

Naupo siya nalalabi pang sahig ng istasyon. Lunes niya inihulog ang liham. Lunes na ulit kaya isang linggo na ang lumipas. Hindi siya nagtinda sa araw na iyon. Maghapon siyang maghihintay sa lumang istasyon. May baon siyang biskwit at tubig.

Ang umaga ay naging tanghali. Ang tanghali ay naging hapon.

Hindi na ba darating si James? Natanggap ba ang sulat niya? Baka hindi? Pasusulatin na lang ulit niya si Maricel.

Kinain niya ang huling pakete ng biskwit. Ininom ang hulig lagok ng baong tubig. Kung hindi nakarating si James, siguro , may dahilan. Hindi siya lalayuan ni James kahit pa sinabi ng mommy niyon.

Alam niya iyon. Sigurado siya doon.

Dahil mabait si James.

At ganoon na lang ang tuwa niya nang marinig ang tinig nito. Pabulong. Tila hindi sigurado.

"Larcy?"

Sa sobrang tuwa niya, namalayan na lang niya na umiiyak siya, "James! Nandito ako!"

Sumilip siya sa gibang dinding. Lilinga-linga sa dako pa roon si James, halatang hindi sanay sa kakahuyan.

"Larcy!" Tumakbo ito sa kanya. "Ba't ka umiiyak?"

"Kala ko hindi mo natanggap ang sulat ko—kala ko, hindi tayo magkikita—"

"Noon ko pa natanggap—Wednesday. Kaso, hindi ako makatakas—ang dami kasing project sa school, finals na kasi. Tsaka—hindi ko alam kung saan 'to. Nagtanong pa 'ko. Half-day kami ngayon kasi may practice para sa school fair, tumakas na lang ako."

"Baka malaman ng mommy mo—"

"Hindi. Ako na'ng bahala. Kumusta ka na?"

"Pumasok ka dito, maganda dito—"

"Nabasa ko 'to sa library. Panahon pala ng 'merikano 'to tinayo, tapos nasira nung gera , nawala na 'yung tren—ang kasunod nito na istasyon, Dagupan na."

Pakialam ba niya? Pero maski ano'ng sabihin ni James tungkol sa kung anu-ano, pakikinggan niya. Dahil lang gusto niyang makinig sa boses nito.

Hinila niya ito papasok sa istasyon. Wala na iyong pinto, hindi na malalaman kung saan ang pinto. Mga guhong bahagi na lang ng pader ang daaanan.

"Tingnan mo ang materials, o—matibay ito. Bricks. Sayang, sana, na-preserve."

"Anong preserb?"

"Iingatan. Aalagaan para hindi masira."

"Gusto ko 'yun." Aniya. "Preserb. Gusto ko preserb ka."

"Verb 'yun. Ginawa mong noun."

"Anong berb at nawn?"

"Yun ang mga salitang ginagamit natin. Verb, sa mga kilos. Noun, mga pangalan."

"Ang dami mo nang alam, ano?

"Gusto kong maging writer—manunulat, kagaya ni Uncle Bert ko. Kapatid 'yun ni Mommy, meron s'yang publication. Yun 'yung gumagawa ng mga dyaryo, editor s'ya, magaling s'ya magsulat tapos kung saan-saan s'ya pumupunta para magsulat ng news. Gusto ko gano'n din ako paglaki ko—" nagkibit ito ng balikat.

WickedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon