PAGKATAPOS ng photoshoot nila ay agad na dumiretso si John Lee sa ospital kung saan tinakbo kaninang umaga si Lai. Pagdating niya doon ay naabutan niya itong natutulog. Nakita niya doon ang Lolo at Mommy nito.
"Good Afternoon po," bati niya pagpasok ng silid.
"Oh, hijo. Narito ka na pala," anang Lolo nito.
"Kumusta na po si Lai?" tanong niya.
Gaya ng dati ay pormal ang mukha na tiningnan siya ng Mommy ni Lai. "She's okay now. Salamat at nadala mo siya agad sa ospital," walang kangiti-ngiting sagot nito.
"Wala pong anuman," anito.
Marahan tumawa si Lolo Ben. "Itong batang ito, wala pa rin pinagbago," anito na tinutukoy ay si Lai. "She's very stubborn. Kahit may sakit ay ayaw magpapigil basta ikaw ang pupuntahan."
"Ewan ko ba diyan at nagpakabasa ng husto sa ulan. Alam naman niyang madali siyang magkasakit kapag nauulanan siya," aniya.
Napangiti siya ng maalala ang mga kalokohan ni Lai habang hindi alintana na nababasa ito ng ulan. Hindi ito nahihiya na ipagsigawan ang damdamin nito para sa kanya. Palibhasa'y bata pa kaya wala itong pakundangan gawin ang nais nito. Alam niya na hindi ito seryoso sa damdamin nito para sa kanya. Nasanay lang ito na siya ang nasa tabi nito. Sa kabila ng busy niyang schedule, hindi pa rin ito nagsasawa na manatili sa tabi niya.
"Maraming Salamat hijo," Anang Lolo nito.
"Para saan po?" tanong niya.
"For making her happy. Nang pumanaw ang Daddy niya noon ay nawala ang sigla ni Rosilee. She was a Daddy's girl. Pero nang makilala ka niya ay bumalik ang saya sa mga mata niya. Kaya mula noon ay hindi na siya umalis pa sa tabi mo. Sinasabi pa nga niya sa akin na pagdating ng araw ay ikaw daw ang lalaking gusto niyang pakasalan," sagot nito.
"Lolo Ben, you know her. Palagi naman niyang sinasabi iyon kahit kanino. Pero kung ako po ang tatanungin, I want her to meet a good man, someone who will have time for her. Someone who will take care of her and be with her anytime," sabi niya sabay sulyap sa Mommy ni Lai na nakataas pa rin ang kilay habang nakatingin sa kanya.
"You are a good man. Bakit? Hindi mo ba gusto si Rosilee?" tanong nito.
Hindi niya maintindihan kung bakit kumabog ang puso matapos niyang marinig ang tanong na iyon. "I like her, Lolo. She's so dear to me. Pero ayokong lagyan ng ibig sabihin ang kung anong mayroon kami ngayon. Bata pa si Lai at gusto kong i-enjoy niya ang mundong ginagalawan niya," paliwanag niya.
Tumango-tango ang matanda. "Naiintindihan kita," anito.
Naputol ang pag-uusap nila ng magising si Lai. Mabilis pa sa alas-kuwatro na pumunta siya sa tabi nito. "Lai, kumusta ka na?" tanong niya agad dito.
"Oppa? Nasaan ako?" sa halip ay tanong din nito.
"Nasa ospital ka, nawalan ka ng malay kanina sa studio. Kagabi ka pa pala may sakit sabi ni Lolo Ben," sagot niya.
Kahit na may sakit ay nagawa pa rin nitong magpatay-malisya. Alam kasi nitong sesermunan niya ito. "Ay alam mo? Napanaginipan kita," biglang pag-iiba nito sa usapan sa kabila ng nanghihinang tinig.
Natawa ang Lolo nito. "Sa palagay ko ay bubuti na ang kalagayan nito," anang matanda. "O siya at iiwan ko muna kayong dalawa."
Nang maiwan silang dalawa doon ay bigla niya itong pinitik sa noo.
BINABASA MO ANG
Seasons of Love Series Book 1: Blame It On The Rain
RomansaIsa sa pangarap ng bawat fangirls ay mapansin ng kanyang iniidolo. Minsan, mas mataas pa sa "mapansin" ang pangarap natin, dahil ang totoo, gusto natin maranasan na masuklian ang damdamin na binibigay natin sa kanila. Ang mahalin din tayo nila Oppa...