PROLOGUE

9.8K 201 0
                                    

NANGINTAB sa dilim ang patalim na hinugot ng isa sa mga masasamang loob habang nakatanghod sa lupaypay na estranghero. Nakalupasay ang biktima na waring tinakasan na ng malay-tao, hinang-hina sa suntok at sipa na tinamo mula sa tatlong bagamundo na nakapalibot dito.

Kilala ni Esang ang notoryus na grupo. Nakamasid siya sa sulok ng madilim na eskinita. Kitang-kita rin niya ang ginawa nitong pang-ho-holdap at pambubugbog sa lalaki.

Si Kulot ang pinaka-lider na madaling makilala dahil sa malapad nitong paliparan at buhok nitong mas matumal pa sa benta niya. Katulong nito ang dalawang alipores. Si Onyok na namumutok ang malaking tiyan. Ang isa pa ay si Pustiso na hindi maitikom ang bunganga dahil sa nakausling ngipin. Talamak na tirador ng shabu at holdper ang tatlo. Nakatira ang mga ito sa looban sa kanilang lugar sa Tondo.

Sapilitang itinayo ng dalawa ang biktima habang hawak ni Kulot ang mahabang balisong at akmang uundayan ito ng saksak. Hudyat iyon upang mangamba ang nakakubling dalagita. Lakas-loob na lumabas si Esang mula sa madilim na pasilyong pinagtataguan.

"Pulis! May paparating na pulis!" sigaw ng kinse anyos na dalagita.

Parang asong ulol na kanya-kanyang pulasan ang tatlo sa pag-alertong ginawa niya. Hindi naituloy ng mga ito ang masamang balak. Nang masigurong wala na ang panganib, nakahinga siya nang maluwag. Mabilis siyang kumilos at nilapitan ang walang malay na lalaki.

"Mister, okay ka lang ba?" niyugyog niya ang katawan ng nakadapang lalaki. Nang walang response na makuha mula rito, buong lakas niyang ipinihit ang katawan nito paharap. Tumambad ang kalunos-lunos nitong hitsura.

"Tulong! Mga kapit-bahay, tulong! May nabugbog dito." Malakas na sigaw niya upang tawagin ang pansin ng mga taong malapit sa bakanteng lote na kinaroroonan nila.

Muli niyang pinasadahan ng tingin ang walang malay na lalaki. Duguan ang mukha nito, putok ang nguso at may umaagos na dugo mula sa ilong. Hindi maipagkakailang may sinasabi ito base sa hitsura at pananamit. Mestisuhin dahil sa makinis at mamula-mulang balat na nabanaag niya sa pagtama ng ilaw sa nag-iisang lamp post na naroon. Sa tantiya niya ay hindi sila nagkakalayo ng edad.

Pinulsuhan niya ang lalaki.

Buhay pa naman, salamat sa Diyos.

Agad niyang kinalap ang identification card nito mula sa mga nakakalat na gamit sa bandang ulunan. Naroon din ang mailman's bag na pag-aari nito na sumambulat na ang mga lamang notebooks at kung anu-anong papel.

David M. Ferrer.

Kung gayon, David ang pangalan ng biktima. Base sa ID nito, HRM student ito sa University of Santo Tomas.

Pero teka, paanong napadpad sa Tondo ang isang ito? Hindi ba nito alam na pinasok na nito ang sarili sa tiya na kapahamakan dahil alam naman siguro nito ang reputasyon ng lugar nilang iyon lalo pa't mukha itong mayaman? Ang engot naman ng lalaking ito! Gwapo pero saksakan ng engot upang maglakad nang mag-isa sa madilim na eskinita.

"Uhh...uhh...p-please help me."

Tahimik na nirendahan ni Esang ang panghuhusga ng utak nang maulinigan ang mahinang pag-ungol at hirap na pagsasalita ng lalaki.

"Huwag kang mag-alala. Ligtas ka na... D-David Ferrer... ng UST."

Umibot ang mga labi nito. Mapula ang mga iyon, hindi dahil sa dugo na nakakalat mula sa sugat kundi sadyang mapula. Parang makopang hinog. Litaw na litaw sa maputi at makinis nitong mukha.

Nakapikit ang lalaki ngunit kahit bakas sa mukha nito ang iniindang sakit ng katawan, parang napaka-angelic pa rin nitong tingnan. His eyes were shut. May black eye ito sa gawing kanan ngunit batid niyang magaganda ang pares ng mga mata nito dahil sa malagong pilik na nakatabing dito.

Tumaas-bumaba ang dibdib ng lalaki. Hirap itong huminga at parang sumisipol sa tuwing huhugot ng hangin. Ikinilos ng dalagita ang kamay upang pigain at pahirin ang dugong nakabara sa matangos nitong ilong. Napangiwi ang lalaki sa ginawa niyang iyon. Umubo ito at kita niya na may kasamang dugo iyon. Gumapang ang pag-aalala sa kanyang dibdib.

Sana naman walang masamang mangyari sa engot na ito. Sayang at pagka-gwapo-gwapo pa mandin!

Sa ikalawang pagkakataon, sinawata niya ang pagkarengkeng ng kanyang pilyang utak. Oo nga at gwapo ito at sa isang dalagitang katulad niya, normal lang ang humanga. Pero dyusko, hindi naman sa pagkakataong ito!

Muli sanang hihingi ng saklolo si Esang ngunit hindi iyon itinuloy nang masilayan ang humahangos na grupo patungo sa kanilang kinaroroonan. Agad niyang nakilala ang mga tanod na umayuda sa kanila. Kasunod ng mga ito ang kapitbahay nilang kagawad ng brangay na si Mang Delfin.

"Ano'ng nangyari?" agad na tanong nito.

"Hinoldap at binugbog ho.." Engot kasi. Pero gwapo. "Muntik na hong masaksak. Ang grupo ni Kulot ang dumale."

Umiling-iling ang kagawad. "Buti buhay pa. May kalalagyan 'yang grupo ni Kulot. Hina-hunting na sila ng mga pulis dahil kagabi lang, may pinagnakawan sila. May ebidensya na laban sa kanila kaya sa kulungan ang derecho ng mga hinayupak na 'yan. Salamat ha, Esang, maasahan ka talaga."

Inutusan ni Delfin ang mga tanod na alalayan ang biktima. Bago ito pagtulungang buhatin ng mga naroon, nagmulat ng mga mata ang lalaki at tumingin sa gawi niya. Nagsalubong ang kanilang mga mata. Kahit hirap magmulat dahil sa pamamaga, tumunghay ang mga mata nito sa kanya na para bang nagpapasalamat sa ginawa niyang pagligtas sa buhay nito. Parang gusto pa nitong magsalita ngunit mabilis na itong inilayo ng mga tanod papunta sa direksyon ng barangay hall.

Kaalinsunod niyon ang tahimik na panghihinayang ng kanyang batang puso. Gusto niyang kagalitan ang sarili sa paghiling na sana ay muli silang magkita. Ngunit sa masamang karanasan nito sa kanilang lugar, mukhang suntok sa buwan na bumalik ito sa Tondo.

"Hay..." Iyon lang at naglakad na siya pabalik sa kanila. Mase-sermonan na naman siya ng kanyang ina.

David of New York Meets Esang ng TondoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon