CHAPTER I

9.5K 187 1
                                    

HINDI pa man sumisikat ang araw ay gumayak na si Ysabela Manayon o mas kilalang Esang sa kanilang barangay sa Tondo. Ayaw niyang suungin ang nakakairitang trapik mula Barangay 128 papuntang Pasay. Nakatakda ngayong araw ang kanyang buwanang pagbisita sa mga pinsan at Auntie Letty. Nag-iisang kapatid ito ng kanyang yumaong ama. Syempre, bukod sa pangungumusta ay bitbit rin niya ang ilang damit at sapatos na ibe-benta sa mga pinsan. Brand conscious ang mga ito pero gagamitin niya ng estratehiya sa pag-salestalk na siyang gamay na gamay niya.

Aba naman, anak na yata siya ng Divisoria para hindi mahasa ang galing sa pagbebenta!

"Esang, idaan mo kay Botong ang bayad sa pwesto paglabas mo. Kunin mo na rin ang permit para sakaling maligaw na naman ang grupo ni PO2 Corpuz, hindi tayo mapalayas at manakawan ng paninda. Aba, ang laki nang nawala sa atin noong kinulimbat ang mga paninda natin noong nakaraan. Ang hirap na nga ng buhay, pinagsasamantalahan pa tayo ng mga kotong cops na 'yan." Reklamo ng ina na abala sa pagluluto sa kusina.

"Sige ho, ma. Gigisingin ko lang sina Yumi at Yvan para may makatulong kayo sa pwesto mamaya." Aniya saka itinigil ang pag-eempake ng mga dadalhin saka nagtuloy sa maliit nilang kwarto.

May maliit silang pwesto ng mga RTW, sapatos at kung ano-anong abubot sa tapat ng 168 Mall. Mula nang makulong at masaksak sa loob ng Manila City Jail ang kanyang ama mahigit anim na taon na ang nakararaan, ang inang si Joy ang sumalo ng responsibilidad na naiwan nito. Kabilang na nga roon ang pamamahala sa maliit na tindahang naipundar nila.

Ang ina rin ang solong nagtaguyod sa kanilang tatlong magkapatid. Siya ang panganay. Si Yumi ang pangalawa at kasalukuyang nasa third year high school. Ang bunsong Si Yvan naman ay grade five na.

Kumukuha siya ng two-year computer secretarial course sa AMA Computer University matapos matengga nang matagal na panahon pagkatapos ng high school. Sa kasalukuyan nga ay patapos na siya sa kurso sa kabila ng paudlot-udlot na pagpasok. Magtu-twenty four na siya sa susunod na buwan kaya pinipilit niyang maigapang ang pag-aaral sa kabila ng kakarampot nilang kita.

Bukod sa pagtitinda sa kanilang pwesto ay kaliwa't kanang raket din ang pinapasok ng dalaga upang makapag-ipon ng pang-tuition at makatulong sa pamilya. Naroong nagpe-personal selling siya ng kung ano-ano: hulugang underwear, silver jewelries at clone gadgets na kino-consign naman sa kanya ng mga negosyanteng kontak sa Divisoria.


TULOG-MANTIKA ang dalawa niyang kapatid kaya sapilitan pa ang ginawa niyang pagpapabangon sa mga ito. Palibhasa ay maagang nagsara ang klase sa hayskul at elementarya kaya bumabawi nang husto sa pahinga.

"Esang, huwag kang magpapaabot nang maghapon sa mga pinsan mo. Sasamahan mo pa akong kumuha ng ibabagsak na supply sa Divisoria mamayang alas-siyete. Maaga tayong pupunta para naman hindi iyong napagpilian na ang matira sa atin."

"Oho. Mabilis lang naman ho ang sadya ko kina Fiona." Pakli niya nang makalabas ng kwarto at mabungaran ang ina na naghahain na ng almusal. Bumalik si Esang sa pagsisinop ng mga dadalhin sa kanyang pag-alis.

"Kumain ka na muna bago lumarga. Kung nagmamadali ka, magpalaman ka na lang ng pandesal."

Kumilos ang dalaga saka nagtungo ng hapag. Eksaktong lumabas ang dalawang kapatid na pupungas-pungas pa at kinukusot ang mga mata. Kumagat siya ng pandesal saka humigop ng kape.

"Yumi, Yvan, tulungan n'yo si mama sa paghakot ng paninda mamaya, ha? Lalo ka na Yvan, baka kung saan-saan ka na naman mapadpad. Tigil-tigilan mo na ang pagsama sa grupo nina Macmac. Sa halip na maglakwatsa at nasasama ka kung kani-kanino, magtinda ka na lang." malumanay na sermon niya rito. Napahimutok ang bunsong kapatid, busangot ang pagmumukha.

David of New York Meets Esang ng TondoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon