Chapter 1

1.1K 41 0
                                    

April 11, 1901

Hindi alintana kay Lucas ang dugong umaagos sa kanyang balikat. Natamo niya iyon matapos tumalon sa ilog ng San Mateo. Tumama siya sa isang matulis na bato dahilan para masugatan siya. Pero wala siyang nararamdamang anumang kirot. Ang tanging bumabalot sa buong katawan niya ay ang matinding galit at pagkamuhi.

Nilingon ni Lucas ang pinanggalingang kweba. Kahit dalawang daang dipa na ang layo niya mula doon ay rinig na rinig pa rin niya ang malalakas na putok ng baril. At alam niya sa loob-loob niya kung sino ang mga tinatamaan ng bala noon. Walang iba kung hindi ang hukbong kinabibilangan niya-pinamumunuan niya.

Pabalik na siya noon mula sa pagpupulong kasama ang ibang mga insurekto laban sa mga Amerikano nang malamang natuklasan na pala ng mga puti ang kanilang kuta. Ang kuta kung saan nagpapahinga ang kanyang mga sundalo. Sinubukan niyang saklolohan ang mga ito pero huli na ang lahat. Nakita niya ang unti-unting pagkaubos ng kanyang hukbo. Siya man ay hinabol din ng mga Amerikano kaya naman walang magawa kung hindi isalba na lamang ang sarili sa pamamagitan ng pagtalon sa rumaragasang ilog.

Kaya naman parang sinasaksak ang kanyang puso habang naririnig ang bawat putok ng baril at hiyawan ng mga sundalo niya. At siya, si Teniente Lucas del Castillo, ay wala man lang nagawa para tulungan sila.

Ilang sandali pa ay nawala na ang mga alingawngaw ng putok. Ang natitira na lamang ay ang sigawan ng pagbubunyi ng mga sundalong Amerikano.

Puta!

Nais niyang bumalik sa kweba at isa-isang pagbabarilin ang mga mananakop. Kung namatay man ang mga sundalo niya para sa bayan ay handa hindi siyang sapitin ang parehong kapalaran. Pero hindi siya papayag na mamatay mag-isa. Dapat kasama niyang mamatay ang mga Amerikano!

Hingal niyang tinahak muli ang ilog pabalik sa kweba. Pero nakailang hakbang pa lang siya ay naramdaman niyang may humila sa kanyang mga braso.

"Teniente! Huwag po!"

Natigilan si Lucas at napatitig sa mukha ng pumigil sa kanya. Ang musmos pala iyon na siyang tagapaglinis ng kanilang mga pinagkainan sa loob ng kweba. Sa pagkakaalam niya ay anak ito ng kusinero. Mula sa liwanag ng buwan ay bakas sa mukha ng batang mukhang wala pang sampung taong gulang ang takot. Pinasadahan niya ang hitsura ng bata. Duguan pala ang kamison nito at mga kamay.

"May sugat ka ba?" agad niyang tanong habang iniinspeksyon ang katawan nito.

"Wala po Teniente. Dugo po ito ng aking ama. Binaril po siya ng mga Amerikano."

Inalis ko ang aking braso mula sa pagkakahawak niya pero imbes na lumayo ay yumakap pa sa kanya ang batang lalaki.

"H-huwag na po kayong bumalik doon. M-mapapaslang po kayo," pumipiyok ang boses na sabi nito akin. Hindi maikakaila ang pag-iyak nito.

"Julian. Hindi ba't ikaw si Julian? Ang anak ng kusinero?" tanong niya.

Tumango ito.

"Makinig ka. Sundan mo ang ilog na ito at mararating mo ang simbahan. Humingi ka ng tulong sa padre doon. Tutulangan ka nila."

Akma na siyang tatalikod na pero mas lalo pang humigpit ang yakap ng bata sa kanya. "Wala na pong natitirang buhay sa loob ng kweba. Huwag ka na pong bumalik doon. Papaslangin ka po nila," mangiyak-ngiyak nitong siwalat kay Lucas.

Parang binudburan ng asin ang kanina pang sugatan niyang puso. Kung mayroon mang kapareho ng kanyang nararamdamang sakit ay ang batang si Julian na iyon. Nawalan ito ng ama dahil sa mga mananakop na Amerikano. Siya naman ay nawalan ng hukbo. Parehong nawala ang mga bagay na mahalaga sa kanila.

Hindi maaari. Kung mamamatay siya ngayong gabi ay hindi niya lubusang maipaghihiganti ang nangyari sa kanilang dalawa ni Julian. Tama ito. Mapapaslang lang siya. At hindi niya makakamtan ang katarungan kung kasama siyang ililibing ngayon.

Napatingala sa langit si Lucas at saka pumikit. Ipinanalangin niyang makukuha niya ang hustisyang nararapat para sa kanilang dalawa ni Julian. Nang iminulat niya ang mga mata ay isang kometa ang bumungad sa kanya. Isang napakaliwanag na kometa. Mayroon itong mahabang ginintuang buntot na sadyang nakamamangha.

Itinuring niyang isang pangako ng langit ang pagpapakita ng kometang iyon sa kanya. Makukuha niya ang kanyang inaasam na paghihiganti. Ngayon ay kailangan niya munang makauwi. Kailangan niyang mapagplanuhan ang lahat.


TIMELESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon