Chapter 3

978 35 3
                                    

December 15, 2011

Isang kometa ang tila sasabay sa pagsi-celebrate natin ng Pasko. Ang kometang pinangalanang C/2011 W3 o Comet Lovejoy na nadiskubre ng Australian astronomer na si Terry Lovejoy ay kasalukuyang masisilayan natin sa ating kalangitan. Inaasahang mas lalo pa itong kikinang sa ating kalangitan kapag dumaan na ito sa araw bukas, December 16, 2011.

Maingat na kinokortehan ni Odessa gamit ang eyebrow pencil ang kanyang kilay habang nakikinig sa balita mula sa telebisyon. Tuwing agahan ay ganoon ang kanilang routine na mag-anak. May pa-news and current events habang kumakain ng agahan.

"Oy Odessa, mababasag na iyang salamin sa sobrang pagpapaganda mo. Halika na rito at nang makakain ka na. Mali-late ka na niyan sa eskwela," may bahid ng katotoohanang biro sa kanya ng amang si Ricky. Pero sanay na siya sa mga hirit na iyon ng ama. Narinig niya minsang ayaw nitong sobra siyang nagpapaganda dahil baka raw maaga siyang makapag-asawa.

"Naku, 'Pa! Alam niyo namang kailangan kong maging maganda always. Mahirap na at baka may makasalubong akong talent agent at hindi pa ako mapansin dahil mukha akong Haggardo Versosa. Alam niyo naman, pangarap kong mag mowdel." Nginitian niya nang pagkatamis-tamis ang ama. Nakita niyang umiling-iling ito at saka tumawa.

"Hayaan mo na 'yang anak mo, Ricardo," sabat ng kanyang Lola Lina. Galing ito sa kusina at may dalang isang plato ng ginisang kanin. "Mana lang 'yan sa akin sa kagandahan. Baka nakakalimutan mo ako ang-"

"Binibining San Mateo 1955." Ang kanyang ama na ang nagpatuloy sa gustong sabihin ng kanyang lola. "Hindi ho namin nakakalimutan, Ma."

"Kaya ka nga na-in love sa akin ang iyong namayapang ama. Sumalangit nawa siya," sagot ng kanyang lola na namumungay ang mga mata. Kahit 74 anyos na ito ay 'di pa rin nawawala ang pagiging mapagbiro nito. Mas tila lumala pa. Kumpara sa kanyang ama ay ito pa ang mas konsintidor sa mga trip niya. Lalong lalo na ang tungkol sa pagmomodelo. Higit isandaang porsyento ang suporta nito sa kanya.

"Tama naman si Lola, Pa. Kanino pa ba ako nagmana? Siyempre sa sexy at maganda kong Lola. 'Di ba, La?" Nginitian niya ang abwela at kinindatan naman siya nito.

"Opkors, my beautiful apo! Kaya naman may gift ako sa'yo." Inabot ng lola niya ang isang supot mula sa bulsa nito.

Nang buksan niya ang supot ay nanlaki ang mata niya nang makita ang isang piraso ng lipstick.

"Inutang ko 'yan kay Pacing. Avon 'yan apo. Branded!"

"Aba't may pa-branded branded pang nalalaman ang lola ko! Pero infairness La, ha? Mukhang maganda ang shade nito. Ang aga namang Christmas gift ito, 'La!" Binuksan niya ang lipstick at sinubukan iyon. Pagkalagay ay umawra siya sa harap ng pamilya. "Bagay po ba?"

"Bagay na bagay apo!" magiliw na sagot ng kanyang lola.

Nakita naman niya ang ama niyang naiiling na lang. "Ewan ko sa inyong mag-lola."

Natawa na lang siya sa reaksyon ng kanyang ama. Ganoon talaga iyon kapag nagpapaganda siya. Ito lang naman ang ayaw na ituloy niya ang pagmomodelo niya. Ang gusto nito ay gamitin niya ang pinag-aaralang kurso ng business management at makapag-trabaho pagkatapos. Hindi ito sang-ayon sa kanyang pangarap.

I believe that if you dream, you dream big! At lulubos-lubsusin na rin niya ang pangangarap. She wanted to become a fashion model. Hindi lang basta model kung hindi ay isang elite model sa the beautiful city that never sleeps.

New York City! Nandoon ang Elite Model Management at IMG na nais niyang mapasukan.

Just the thought of becoming a fashion model excites her. Kapag natuloy ang pagmomodel niya sa New York, may chance nang makita niyang muli ang kanyang ina. Ang nanay niyang nasa Amerika ngayon at isang TNT. Hindi makauwi-uwi ang kanyang ina dahil kapag umuwi ito ay hindi na ito makakabalik pa roon para makapagtrabaho. Sa loob ng sampung taon ay ang nanay niya lang ang sumusuporta sa kanilang mag-anak.

TIMELESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon