Paupo na sila sa ilang silyang bakante sa harapan nang umiyak ang isang bata. Kinuha at kinarga ni William ang bata na marahil ay nasa dalawa ang edad. Inalo nito ang bata habang siya ay nakamasid lamang. Tumigil naman sa pag-iyak ang bata. Pagkatapos niyon ay naupo na sa tabi niya ang binata kalong ang bata na noon ay sinusupsop na ang hinlalaki nito. Sa entablado ay nagsisimula ng magtanghal ang ilang bata. Kumakanta ang mga ito.
"Gusto mo siyang kargahin?" ani ni William sa may tainga niya.
"Hindi. Hindi ako marunong humawak ng bata." Baril, granada, patalim, at kung ano-anong bagay na kayang kumitil ng buhay lang ang kaya kong hawakan. Sigurado si Alessandra na magiging isang mabuting ama si William pagdating ng panahon. Pumait ang panlasa niya kaya nag-iwas siya ng paningin.
"Dapat ay magsanay ka na sa paghawak ng bata. Magiging in aka rin sa hinaharap."
Tumigas ang ekspresyon ni Alessandra. Gusto niyang ibalibag ang ano mang mahahawakan niya. Mariing ikinuyom ng dalaga ang kanyang mga kamao. Hindi ako magiging isang ina, Hindi na! gusto sana niyang isigaw sa pagmumukha ng binata. Kinalma ni Alessandra ang sarili. "Ito ang una at huling pagkakataon na ipakikilala mo ako sa sino mang kapamilya mo, William. Huwag na huwag mo na uli itong gagawin. Huwag nating idamay ang ibang tao. Pareho nating alam na may hangganan ang kung ano mang meron tayo," sabi niya sa lakas na sapat lamang para makarating sa pandinig ng binata. Pagkaraan ng ilang sandali ay tumayo siya "Excuse me, pupunta lang ako sa comfort room."
Agad natunton ni Alessandra ang kinaroroonan ng banyo base sa deriksiyong itinuro ng madre na napagtanungan niya. Nagkulong siya roon. Binuksan niya ang gripo at naghilamos nang naghilamos. Gusto niyang manulay hanggang sa kaibuturan ng mga buto niya ang lamig na hatid ng tubig. Pagkuwa'y tinitigan niya ang kanyang sarili sa salamin.
Hindi na siya magiging ina. Wala na siyang kakayahang magdalang-tao. Dahil minsan ay nagbunga ang panggagahasa sa kanya. Nabuntis siya at ipinalaglag ang kanyang anak na labag sa kagustuhan niya. Ang sabi ng doktor ay may na-damage daw sa bahay-bata niya at dahil doon ay wala na siyang kakayahang magkaanak. Histerikal na tumawa siya noon at umiyak. She was so helpless. She was so lost. At isa iyon sa mga sugat na patuloy na nagnanaknak sa buong pagkatao niya. At patuloy pa rin niya iyong itinatago sa kaibuturan ng pagkatao niya kung saan walang nakakakita. Kaya ngayong kaya na niyang ipagtanggol ang kanyang sarili, wala ng makakapanakit pa sa kanya. Papatayin niya ang sinumang mananakit sa kanya ng walang hesitasyon.
YOU ARE READING
Alessandra-A Femme Fatale's Story (completed)
RomanceWalang-hanggang pagdurusa. Magdurusa ka dito sa lupa at sa impyerno. Daranasin mo ang walang katulad na sakit at pighati. Nakatadhana kang mamatay nang paulit-ulit--- Iyon ang sabi kay Alessandra ng isang manghuhula.