elehiya para sa kalungkutan

13.5K 33 7
                                    

noon, ngiti'y walang palya
katuwaa'y walang sawa
tawa'y walang daya
mata'y walang lawa

noon, simple lang ang buhay
kakaunting problema't bagay-bagay
isang solusyo'y isang lakbay
isang lakbay, isang tagumpay

noon, ako'y kuntento
kinakailanga'y hindi luho
araw-araw may pagbabago
umaga hanggang gabi, ganado

noon, pagmamahal ay pinaniniwalaan
isang kasiyahang walang hanggan
karanasan sa nakaraan
bagay na hindi malilimutan

noon, lahat binibigyang halaga
nararapat na atensyon at aruga
kasintahan, kaibigan, pamilya
naroon sa masasayang alaala

noon, walang halong pananakit
damdami'y malayo sa binggit
walang kinakatakutan sa dilim
sa gabi'y walang naglalagim

noon, malinis, hindi marumi
walang nagkalat na hati
'di iniisip ang araw na nalalabi
kamataya'y hindi hingi

ilang taon nga ba ang kailangan
upang matanggal ang kasiyahan
'o baka nama'y isang buwan
ang nakakabura ng nararamdaman

ilang problemang kinahaharap
ang makakasira ng pangarap
'o baka nama'y hindi paghihirap
kundi'y pagmamahal na nawalan ng kislap

ilang pagkakanulong ipararanas
ang magreresulta sa pagwawakas
'o baka nama'y walang lunas
upang pagkakaibiga'y mailigtas

ilang luhang kailangang mapatak
para kalamnan ko'y umiyak
'o baka nama'y buhay ko'y matagal nang wasak
ngunit pinili ko paring itahak

ilang karanasan ng pang-aabuso
hanggang sa lumukot ang puso ko
'o baka nama'y sira na pala ito
subalit ngayon lang napagtanto

ilang sikreto ang dapat itago
hanggang sa mabaon sa puso't isip ko
ilang pagtulak ng mga mahal ko palayo
hanggang sa ako'y mapag-isa sa aking mundo

ilang beses dapat marinig ang aking hiyaw
ilang beses dapat tumama ang mga hataw
ilang beses dapat sa araw-araw
ilang beses dapat ako aayaw

hanggang sa tuluyan na akong nagbago
hanggang sa ang dating ako ay gumuho
haqnggang sa makikita ang pagod sa mukha ko
hanggang sa hindi na ako ang makulay na paro-paro

ngayon, ngiti ay may palya
sa katuwaa'y sawa na
pati tawa ay dinadaya
lawang-lawa ang aking mga maya

ngayon, magulo ang aking buhay
problema ang lahat ng bagay
walang solusyon, hindi nakakalakbay
nananatili sa dulo ng tulay

ngayon, tinatanong ang sarili ko
paano nga ba maging kuntento
kung ganito ang aking kwento
walang saya, dehado

ngayon, marami akong katanungan
pagmamahal pa ba'y paniniwalaan
gayong kasiyahang walang hanggan
nasaan ang dapat kong mararamdaman

ngayon, sarili'y wala nang halaga
walang espesyal na pag-aalaga
kaya'y mga mahal ko'y nawala
sa noong masasayang alaala

ngayon, hindi na bago ang pasakit
sa binggit ng tulay nakakapit
takot malaglag sa dilim
kung saan higit pa sa sakit ang naglalagim

ngayon, sobra pa sa marumi
buong katawan, puso't isipa'y hati
nagbibilang hanggang kailan maglalabi
tila sa kamataya'y binibigay ang sarili

bakit nabigyang pagkakataon
sa pag-inom ng lason
bakit nabigyang rason
upang ako'y hindi na bumangon

bakit nagkaganito ang lahat
bakit kasuklaman ay kumalat
bakit dating saya'y hindi naging sapat
bakit hindi na lang naging tapat

kaya ito sana'y pagtatapos
sabay ng sulating kalunos-lunos
kasabay ng luha kong paubos
at lakbay na makakapos

paalam sa kasiyahang hindi malilimutan
sa buhay kong aking naranasan
paalam sa kahirapang naramdaman
sa tagumpay kong aking napanalunan

Poems, tula.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon