Isang taon na ang nakalilipas mula ng ako ay panandaliang magpaalam upang subukin ang aking kapalaran sa ibayong dagat. Isang taon ng pakikidigma laban sa kalungkutan at pangungulila sa aking mga mahal sa buhay. Dahil apat na oras ang agwat ng oras ng Pilipinas at UAE, madalas naiisip ko "Ano kaya ang ginagawa ng mga nasa Pilipinas ngayon?", "Malamang nakatutok sina Mama at Alex sa mga teleserye ng Syete ngayon", "Yung mga kasamahan ko naman dati sa trabaho panigurado masaya silang nanananghalian," Sila sa Pinas mahimbing na ang tulog, ako dito sa Dubai kakauwi pa lang", ito ay ilan lamang na oras oras ay aking itinatanong sa bawat minuto na umiikot ang aking mundo malayo sa Pilipinas. Subalit higit sa lahat, ang katanungang palagi kong hinihintay ang sagot ay "namimiss o naaalala rin kaya nila ako?"
Mahirap ang mawalay at malayo sa mga taong importante sa ating buhay. Ngunit dala ng kakapusan at tawag ng pangangailangan marami sa ating mga kababayan ang napipilitang lumabas ng bansa at sumusugal upang mabigyan ng katuparan ang kanilang mga pangarap. Sa una pa lang alam kong hindi madali ang buhay ng isang manggagawa sa ibang bansa. Noong nasa elementarya kasi ako, inggit na inggit ako sa mga kaklase ko na ang isa sa kanilang mga magulang ay nagtatrabaho sa ibang bansa, una palaging bago ang kanilang gamit pang eskwela, pangalawa, naibibigay sa kanila kung ano man ang gusto nila at pangatlo, nakakakain sila ng masasarap na pagkain higit tatlong beses sa isang araw. Pero ang kapalit naman noon ay ang kanilang pangungulila sa pagkalinga ng kanilang magulang. Doon pa lang ay namulat na ako, paano pa kaya yung mga ama o ina nila na tiniis ang mapalayo sa kanilang kabiyak at mga anak para lang mabigyan sila ng magandang kinabukasan? Ang hirap siguro noon?Taliwas sa akala ng nakararami, ang alam nila kapag ikaw ay nagtatrabaho sa ibang bansa ay marami kang pera dahil higit na mas malaki ang iyong sahod. Pero ang katotohanan, ito ay maling paniniwala ng mga hindi pa nasusubukan ang mangibambansa. Noong umuwi ako buwan ng Setyembre, maraming nagulat dahil ang bilis ko naman daw makauwi sa Pilipinas at kasunod ng pagkagulat nila ay ang tanong na "Siguro ang yaman yaman mo na? Madami ka na sigurong ipon?" na siya namang mabilis kong sinasagot ng "Hindi po no!".Bakit nga ba ganoon ang unang tanong na ibinabato ng mga Pilipino sa mga nagbabalik bayan? Himayin natin yung naging sitwasyon ko. Eksaktong isang taon akong nawala at saka bumalik. Sa isang taon na iyon ay ilang buwan din akong naghanap ng trabaho at naghintay na lumabas ang working visa dahil visit visa lang ang gamit ko noong nagpunta ako ng Dubai. Nakapagsimula ako halos patapos na ang buwan ng Nobyembre, lumalabas na siyam na buwan pa lang akong sumasahod bago muling bumalik sa Pilipinas. Sa siyam na buwan na iyon hindi naman kaagad makakaipon ang isang OFW ng malaking halaga. Bakit? Dahil uunahin nilang bayaran ang mga ginastos nila para lang makapagabroad. Kung dumaan sila sa agency malamang ipinangutang nila ang pang placement fee, maliban pa doon ang ginastos nila sa medical, processing fee, ibang requirements at mga pamasahe sa pagpapabalik balik sa agency na malamang ay kanilang ipinangutang din. Kung sa kagaya ko naman na visit visa, syempre ako ang bibili ng sarili kong visa at plane ticket. Eh kung wala akong pera at may nagsponsor sa akin syempre hindi naman libre yung ipangaabono nila. Dito pa lang ay nababawasan na kaagad ang kita ng isang baguhang OFW. Paano pa kaya yung mga may pamilya, walang sariling bahay, at nagsisimula pa lang itaguyod ang kanilang kabuhayan?Nagkaroon ako ng pagkakataon na makipagkwentuhan sa iba kong kasamahan noong dumalaw ako sa dati kong kompanya. Ganoon din ang paniniwala nila, kapag nasa ibang bansa ka at bumalik ka ng Pilipinas ay marami kang pera. Hinihingian nga nila ako ng pasalubong. Pero sinasabi ko ang totoo, "Naku! hindi ako mapera at wala akong dalang mga chocolates." Syempre hindi sila maniniwala dahil oo nga naman dolyares o dirhams ang sinasahod ko sa Dubai. Sinamantala ko ang sandali na iyon upang isa isang ikwento sa kanila kung bakit hindi lahat ng Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa ay hindi mapera. Nilubos ko ang pagkakataon upang ipaalam sa kanila na hindi dapat ganoon ang iniisip nila sa mga OFW. Sa kabutihang palad ay nahimok ko sila.Ano ang sinabi ko sa kanila?Dahil personal kong nakikita ang ibat ibang sitwasyon ng mga OFW dito sa Dubai at kasama na rin ng aking mga karanasan ipinabatid ko sa kanila kung gaano kahirap ang kumita ng pera. Hindi naman kasi lahat ng OFW malaki ang sahod, mayroon na kakarampot lang ang kinikita na sakto lang padala sa kanilang pamilya at may matitira lang na kaunting allowance. Reward na nga lang sa kanilang sarili ay kung may matitira sa kanilla pambili ng shawarma. Ginawa kong halimbawa ang dati naming kasamahan na nasa Saudi at kumikita ng 1700 riyals (mahigit kumulang labing walong libong piso) libre na ang bahay at transportasyon. Meron man o walang asawa syempre may magulang siya at mga kapatid na papadalhan sa Pilipinas (alam ninyo naman ang tradisyong Pinoy). Ipagpalagay natin na 1000 riyals ang ipapadala niya na allowance ng kanyang pamilya kasama na ang lahat lahat (tubig, kuryente, bahay, pagkain at matrikula syempre kulang iyong 1000 riyals sa katotohanan). 700 riyals na lang ang natitira sa kanya (huwag ninyong iconvert sa peso), ibabawas pa niya doon ang pangkain nya sa loob ng isang buwan na ipagpalagay natin ay 300 riyals (todong tipid na iyan). Swerte na makakapagtabi sya ng 200 riyals na ipon at yung 200 riyals ay ipagpalagay natin na ipapahabol nyang ipadala sa Pilipinas dahil kapos ang nauna nyang ipinadala o ibibili niya ng personal na gamit gaya ng sabon, toothpaste, deodorant, cologne atbp. Iyong 200 riyals na naitabi nya ay padamihin sa 24 na buwan lalabas na mayroon syang naipon na 4,800 riyals katumbas ng humigit kumulang limampung libong piso. Idagdag pa natin ang kanyang separation pay sakaling hindi na sya magrenew ng kontrata. Maaring ang isang OFW na dalawang taon na nagtrabaho sa Saudi na kagaya niya ay makakapaguwi ng humigit kumulang 70 libong piso (gaano ito tatagal?). Syempre kung ako ang OFW at walang hanap buhay sa Pilipinas mas uunahin ko na ang makapagsimula ng negosyong pagkakakitaan. Sa Pilipinas pa naman hindi mawawala ang pagpapainom at panglilibre dahil sa pakikisama. Oo nga naman galing ako sa ibang bansa.Isa ito sa katotohanan na sinasapit ng isang OFW kapalit ng kanyang sakripisyo at paghihirap. Isipin na lang natin na dalawang taon syang nagtrabaho subalit hindi naman ganoon kalaki ang kanyang maiuuwing salapi. Paano pa iyong kanyang nais na maipundar? Ang hirap ng hindi ba? Hindi na nga lang ipinapaalam ng marami sa kagaya ko kung gaanong pagtitipid ang kanilang ginagawa upang makapagpadala lang ng malaking halaga. Mas mabuti pa nga siguro ang buhay nila noong hindi pa nakakaalis ng Pilipinas, malamang mas madalas silang makakain sa Jollibee o kaya ay nakakanood ng sine tuwing sahod. Samantalang dito sa Dubai ang iba ay halos araw araw sardinas ang inuulam. Yung isusubo na lang nila ay itatabi na lang nila at ipapadala sa Pilipinas. Idagdag pa natin ang lungkot at pangungulila na kanilang nararansan.Ito ang ikinuwento ko sa kanila.....Marami sa atin ang naiinggit sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa dahil akala nila masarap ang buhay. Lalo na kapag nakikita nila ang mga masasayang mukha sa larawan ng mga OFW. Maganda ang kapaligiran samahan pa ng masasayang tawanan. Ang hindi nila alam ay sa likod ng mga sayang iyon ay nagkukubli ang kalungkutan at pangungulila at gusto ng pabilisin ang takbo ng oras. Hindi natin dapat kainggitan ang mga OFW, dahil ang totoo, sila ang naiinggit sa mga naiiwan sa Pilipinas. Mas higit na maswerte ang mga nananatiling may hanap buhay sa Pilipinas dahil hindi na nila kailangang magpakalayo. . Sakto man ang sahod o kahit minsan ay kinakapos ang mahalaga hindi mo kailangang magpaalipin sa mga banyaga. Higit sa lahat ay kasama at malapit ka sa mga mahal mo sa buhay. Mind torture sa isang OFW ang isipin ang kanyang mga mahal sa buhay dahil milya milya ang kanilang pagitan. Sabi nga nila di ba," THERE'S NO PLACE LIKE HOME"
BINABASA MO ANG
Isang Mukha ng Buhay OFW
Short Storyhindi ito istoryang pampakilig na paborito ng masa.....ito ay isang bahagi ng buhay ng mga OFW na dapat nating malaman...at nararapat lang na bigyang pansin.....