Isang Mukha ng Buhay OFW (ikalawang bahagi)

367 1 0
                                    

Bakit nga ba maraming Filipino ang nagnanais maghanap buhay sa ibang bansa?

Kung isa ka sa katulad kong nangangarap ng masagana at matiwasay na buhay, iisa lang ang magiging kasagutan natin, "ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating pamilya." Marahil ay hindi na bago sa inyong pandinig ang rason na ito, kumbaga masyado ng gasgas. Pero aminin mo maaring ikaw ay gumamit din ng sagot na ito noong ikaw ay naghahanap ng trabaho. Dahil sa kultura nating mga Filipino, hindi mo maiaalis ang kahalagahan ng pamilya sa buhay ng bawat isa.

Para sa karamihan ito ang nagtutulak sa kanila upang makipagsapalaran at magsakripisyo sa pagasang nasa ibang bansa ang katugunan sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Sabihin na natin na higit na mas malaki ang sinasahod ng mga OFW kumpara sa kanilang kinikita noong sila ay hindi pa umaalis. Pero naisip ko lang, bakit marami pa ring OFW ang naghihirap?

Bago ako magdesisyong mangibambansa, halos pitong taon akong nanilbihan sa isang department store sa Taguig. Maayos na sana ang aking karera noon, regular sa trabaho, maganda ang posisyon, sumasahod ng sapat at maayos ang benepisyo. Subalit, sa araw araw na umiikot ang aking mundo sa  aming kompanya ay napapaisip ako kung hanggang kailan ako makukuntento sa kung ano ang mayroon ako sa mga panahong iyon. Matayog ang aking pangarap sa buhay ngunit dahil sa bagal ng asenso sa Pilipinas at kung ang tanging ipon ko lang ay ang makapal na "pay slip" parang napaka imposibleng maabot ng mga iyon. At matapos ang mahabang pagdedesisyon ay narito ako ngayon sa Dubai upang unti unting bigyang katuparan ang aking mga pangarap.

Akala ko noong una ay magiging madali lang ang lahat para umpisahan ang aking mga plano. Aaminin ko higit na mas malaki ang aking kinikita dito sa Dubai kumpara sa buwanan kong natatanggap sa Pilipinas. Mapalad ako na maayos ang kompanyang napasukan ko kahit hindi ito ang linyang aking nakagisnan hindi ko naman nararanasan ang pagka delay sa sahod at nasa oras kung ako ay makapagpadala sa Pilipinas. Magkaganoon man, hindi naman maaalis na sa paglaki ng iyong kita ay lumalaki rin ang gastusin sa Pilipinas. Isantabi natin ang aking sitwasyon at himayin ang karaniwang dahilan kung bakit nga ba maraming OFW ang hirap pa rin.

Kung ikaw ay isang responsableng OFW at pamilya ang palaging pinaglalaanan ng kinikita, mas uunahin mong matugunan ang kanilang pangangailangan sa araw araw. Una, ang magkaroon ng sapat na pagkain sa hapag kainan at kung paminsan minsan ay hindi masama na maghanda ng pagkaing tuwing may okasyon lang natitikman kahit normal na araw. Ikalawa, masuportahan ang gastusin sa pagaaral ng mga anak, hindi biro ang magpaaral lalo na kung ang iyong sinusustentuhan ay nasa kolehiyo. Ikatlo, ang pang araw araw na gastusin sa bahay gaya ng tubig, kuryente, at idagdag na natin ang internet para pangkomunikasyon sa ating pamilya. Ilan lamang ito sa mga pangunahing pangangailangan na pinatutunguhan ng ating sinasahod sa pagkayod sa ibayong dagat. Dahil na rin responsable ka ay uumpisahan mo na ring magpundar ng unti unti gaya ng maliit na negosyo, lupang sakahan at kahit anong bagay na lumalaki ang halaga sa pagdaan ng panahon.

Ang sarap sana sa pakiramdam kung ganito ang bawat OFW sa tulong na rin ng kanilang mga pamilya. Hindi man ganoon kabilis ang asenso ay nakikita mo naman ang pinatutunguhan ng iyong paghihirap at pagpupursige. Napaka positibo hindi ba? Pero sa realidad hindi naman lahat ng OFW ay ganito ang gawain. Marami sa atin ay nawawalan ng saysay ang tunay na dahilan ng pagsasakripisyo dahil sa hindi tamang pag gasta ng kanilang kita.

Tuwing araw ng Biyernes, maraming Filipino ang namamasyal sa mga malls sa Dubai. Ito kasi ang pinaka weekend dito na kahit saan mo ilingon ang iyong paningin ay nagkalat ang mga Filipino sa bawat sulok ng mga pasyalan. Dahil ako ay nasa linya ng retail syempre hindi ako maaring mag day off tuwing weekend dahil iyon ang pinaka abalang araw. Dahil dito, ibat ibang pagkatao ng mga OFW ang aking nakikita at kung minsan ay sinusubukang basahin ang kanilang pagkatao at pamumuhay base sa kanilang kilos at pananamit. Sinu sino sila? Heto at ating alamin:

Isang Mukha ng Buhay OFWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon