Sa Likod ng Ating mga Ngiti

266 1 0
                                    

"Ang mga may pinaka magagandang ngiti ay ang mga pinaka malulungkot......."Napulot ko ang salawikaing ito mula sa isang kaibigan na halos sampung taon ko ng hindi nakikita ng personal. Ganoon pa man ay hindi nagiging sagabal sa aming komunikasyon ang distansya at agwat ng oras dahil sa taas ng antas ng teknolohiya ng ating henerasyon. Normal lang sa magkakaibigan ang magkamustahan, subalit, naging makahulugan ang naging huling usapan namin. "Ok ka ba jan kuya bong? Mukha kang masaya sa pictures?" pambungad niyang tanong sa akin. Sinagot ko iyon ng pawang katotohanan at walang pagkukunwari, "naku sa pictures lang yan, ang totoo hindi ako masyadong masaya at gusto ko ng umuwi diyan." na mabilis niyang sinagot ng may pagmamahal sa isang kaibigan, "Nagandahan kasi ako sa ngiti mo kaya nagalala ako. Tama ako hindi ka masaya, pero sigurado ako na darating yung punto na ngingiti ka dahil maligaya ka na" at doon na nagsimulang lumalim ang aming usapan.Habang naguusap kami ay naalala ko ang mga bagay na nagpapalungkot sa akin. Para sa katulad ko na bahay at trabaho lang ang iniikutan ng mundo ay talagang malungkot at boring ang magiging buhay sa ibayong dagat. Tanging ang cellphone at mp3 nito ang palagi kong kasama sa oras oras. Tatlo lang kami sa pinapasukan kong kiosk, madalas kaming tatlo lang ang nagkakaututang dila na halos alam na nga namin ang buong istorya ng aming mga buhay. Nagkakaroon lang ako ng bagong kakilala kapag may mga Pilipino akong nakakasabay sa bus o di naman kaya ay sa mga kalapit naming shop o kiosk. Dito maliban sa aking mga kapatid ay kakaunti lang ang matatakbuhan ko sa oras ng pangangailangan. Iilan lang ang maituturing kong kaibigan at iniingatan ko talaga dahil sila lang ang mayroon ako. Dito puro trabaho, pagkauwi ko pa lang ng bahay ay didiretso na agad sa higaan upang makahabol kahit apat na oras na tulog dahil maaga pa ulit kinabukasan. Winning moment ko na lang ang makatulog kahit isang oras sa bus dahil mahigit dalawang oras ang aking binabyahe bago makarating sa pinapasukan. Hindi katulad sa organisasyong kinabilangan ko noon sa Pilipinas na ilang daan ang empleyado. Sa pitong taon ng serbisyo ay naging ikalawang tahanan ko iyon at naging ikalawang pamilya ang mga kasamahang naging Ate, Kuya at Bunso ng aking buhay manggagawa. Maliban sa aking pamilya ito ang ikalawang bagay na nagpapalungkot sa akin. Mabuti na nga lang at mayroon ng Skype, Facebook, YM at Cellular Phone na puwedeng iroaming ang numero kaya nananatili akong konektado sa aking pamilya at mga kaibigan.Naisip ko rin na hindi lang naman ako ang hindi masyadong masaya o sabihin natin talagang hindi masaya sa nagiging takbo ng buhay habang malayo sa pamilya at sa tinubuang lupa. Ilang mga kakilala na katulad ko ay may kaunting pagsisi sa naging desisyon na iwan ang Pilipinas at ipagpalit sa isang banyagang bansa na hindi mo alam kung hanggan kailan ka kakanlungin. Sila yung mga taong palagi kong nakakasabay sa tawanan pero alam ko na defense mechanism lang nila iyon para maging masaya at panandaliang malimutan ang kalungkutan.

Una na riyan si BUBOY, ang pinaka matalik kong kaibigan dito sa Dubai. Siya yung hinahangaan ko sa pagiging propesyonal sa lahat ng bagay. Maganda ang posisyon nya noon sa nauna niyang kompanya dahil sa hindi magandang pagpapatakbo ng kaniyang amo ay napilitang humanap ng panibagong trabaho hanggang sa makapasok kami sa iisang kompanya. Masyado siyang masayahin, lahat dinadaan sa biro. Noong una akala ko napaka seryoso at istrikto pero ilang araw pa lang ang nakakalipas mula ng kami ay magkakilala ay lumabas ang pagka kalog. Nakagaanan ko siya ng loob hanggang sa unti unti ay ibinabahagi na niya ang kanyang buhay. Bata pa lang siya ng mamatay ang kanya ina. Sa murang edad ay namulat na siya sa realidad ng totoong buhay dahil salat siya sa pagkalinga ng isang ama. Lumaki siyang malayo ang loob sa kanyang ama at sa tulong ng isang kakilala ay nakapag tapos siyang Cum Laude sa kolehiyo. Lima silang magkakapatid subalit malalayo rin ang kanilang loob sa isat isa at sa ngayon ay watak watak. Ito yung nagpapalungkot sa kanya dahil ang tangi nya lang pangarap ay makitang buo ang kanyang pamilya at ang magkasundo sila ng kanyang ama. Minsan nga nasabi niya sa akin na kaya siguro hindi pa siya nagiging matagumpay dito sa Dubai ay dahil baka tuluyan nyang makalimutan ang kaniyang pamilya sakaling maabot na niya ang kanyang ambisyon. Doon ko siya hinangaan dahil gumawa siya ng paraan. Unang hakbang para magkalapit sila ng kanyang ama ay sinimulan niya sa madalasang pag ooverseas call at regular na pagpapadala. Ganoon pa man, kahit nagkakausap na sila ay alam kong hindi pa rin lubos ang kanyang kasiyahan dahil hindi pa sila nagkakaroon ng pagkakataon na magkasama sama. Pero sabi nga ng kaibigan ko "darating din yung puntong ngingiti siya dahil maligaya na siya."

Si TINA, classmate ko sa bus stop, doon kami unang nagkakilala. Una ko siyang binati noon upang tanungin kung anong oras ang dating ng sunod na bus. Dahil may kadaldalan din siya ay nagkagaanan din kami ng loob at madalas ay sabay kung umuwi. Maganda siya, mukhang artista at mukhang bata tignan. Hindi mo nga aakalain na mas matanda siya sa akin ng limang taon. Masayahin din syang tao at madalas tuwing sahod at pagkababa ng bus ay dumadaan kami sa cafeteria upang kumain ng shawarma. Paminsan minsan ay ibinubulong niya ang kanyang mga sinasabi sa akin lalo na kung ito ay tungkol sa kanyang mga anak. Mahal na mahal niya ang dalawa niyang anak. Akala ko noon nahohome sick lang siya kaya siya nalulungkot pero nalaman ko mula sa kanya na napilitan lang naman siyang umalis ng bansa. Naging biktima siya ng matinding karahasan sa Pilipinas na naging usapin sa diaryo. Para makaiwas sa mapanghusgang lipunan at makatakas sa eskandalo ay tumakbo siya dito sa Dubai ng walang kalaban laban. Baon ang pagasang muling makakabangon sa pagkakalugmok kahit ang kapalit ay ang mawalay sa mga anak. At alam ko na "darating din yung puntong ngingiti siya dahil maligaya na siya."

Si MARIA, siya ang ate namin sa trabaho. Sa edad na limampu ay hindi mo maitatago sa kanya ang pagiging maasikaso at mapagalala sa aming mga kasamahan niya. Madalas siya ang nagpaparaya sa aming schedule para lang hindi ako mahirapan sa paguwi dahil alam niya kung gaano kalayo ang aking tinitirhan. Marami na siyang karanasan sa buhay at siya ang aming taga payo. Hindi ka makakaramdam ng pagkailang sa kanya dahil kaya niyang makipagsabayan sa aming mas nakakabata. Maging sa biruan ay game na game sya at madalas ay kasabay pa namin sa tawanan. Malalaki na ang kanyang mga anak at parehas silang magasawa na kumakayod sa ibang bansa para mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Aminado siya noon na sa loob ng labing apat na taong pananatili sa Dubai ay nalulong siya sa pag gamit ng credit card at kabi kabilaang loan na inaalok ng mga bangko. Pero hindi luho ang pinatunguhan ng kanyang mga utang. Bilang panganay sa kanilang magkakapatid (higit pito yata sila) ay siya ang nagpaaral sa mga mas nakakabata sa kanya. Nang magkaroon ng pamilya ay inuna niyang mabigyan ng maayos at komportableng tahanan ang kanyang mga anak. Ang kapalit, kahit gusto na niyang umuwi ay hindi pa maari dahil anim na buwan pa ang kailangan niya para matapos bayaran ang kanyang pagkakautang. Doon ako bilib na bilib sa kanya dahil kung tutuusin ay maari naman niyang takasan iyon, pero gusto niyang maclear ang lahat kung sakaling uuwi man siya. Gusto niyang malinis ang kanyang pangalan kahit na gustong gusto na niyang makapiling at magabayan ang mga anak na parehas na babae. Isa pa, siya ay nasa edad na kung saan mahirap para sa isang OFW na nandirito pa rin at hindi naeenjoy ang sarili bilang isang ina. Pero naniniwala ako na "darating yung puntong ngingiti na siya dahil maligaya na siya.

"Minsan kahit anong saya nating tignan sa ating mga larawan ay hindi natin maitatago ang kalungkutan na ating nadarama. Parang showbis lang, sa harap ng camera ay ipinapakita natin na maayos tayo. Pero sa likod ng istorya ng larawang kuha sa atin ay may tunay na nagkukubli, ang kalungkutan. Parang pag magkakasama tayo ng mga katrabaho at kaibigan natin dito ay nagkakasiyahan tayo pero pag ikaw na lang magisa ay napapaluha ka dahil hindi ka naman pala tunay na masaya sa iyong kinalalagyan. Buti na nga lang at tayong mga Pilipino ay magaling pag dating sa pakikisama kaya sa kapwa natin tayo humuhugot ng lakas ng loob habang malayo sa pamilya. Nais kong ibahagi ang ipinayo sa akin ng aking kaibigan na sa tingin ko ay magsisilbing gabay sa akin at sa ating lahat upang maging tunay na masaya. Hindi na kailangan ng aking opinyon para sa ibinahagi kong istorya na nabanggit sa itaas dahil lahat ng kasagutan ay nilalaman na ng kanyang payo.Ito ang kanyang sinabi........

"Ako Kuya Bong masaya ako. Una, buhay ako, pangalawa may pamilya ako, may damit, pagkain at bahay. May kaibigan. Kahit paano may trabaho, hindi lahat kasing swerte ko. Madaming mga bagay na dapat ipagpasalamat at ikasiya. Ang tanong, lahat ba thankful? Ang pinofocus lang ng mga tao ay yung mga bagay na wala sila kaya sila malungkot. Palagay ko lang naman yan, ikaw pa din ang hari ng sarili mo. Pero kasi galing din ako sa ganyang estado, yung dapang dapa ako at dilim na dilim sa buhay ko. Natutunan ko na kailangan mo masaktan paminsan minsan para marealize mo ang mga bagay bagay na meron ka at isipin na may mas matindi pa ang pinagdadaanan kesa sayo. Ang mga bagay ay panapanahon lang Kuya Bong, maniwala kang aayos din ang lahat at magtiwala kang alam ni Bossing ang ginagawa niya. Maniwala at magtiwala, dasal lang Kuya aayos din ang lahat."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 07, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Isang Mukha ng Buhay OFWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon