LLI: Quince

11.5K 259 14
                                    

Ang kanyang kaibigan

-------------------------

Iyak nang iyak si Aling Nena nang ibalita ni Kiko at Aya ang nangyari kay Darren. Muntik pa itong himatayin at mabuti na lamang at naroon sila at hindi ito iniwan hanggang sa kumalma ito.

Habang si Aya, tahimik lang ito matapos nitong tumahan. Ibinalita niya sa pamilya ni Gabby ang nangyari rito. Galit na galit ang mga ito sa kanya at siya pa ang sinisi sa nangyari kay Gabby. Kung hindi raw sana nito dinala si Gabby sa bayan nila, hindi ito mawawala sa kanila. Iyak nang iyak si Aya nang sabihin ng mga ito sa kanya mula sa telepono. Pinagsisihan at sinisi niya rin ang sarili niya sa nangyari kay Gabby.

"H'wag na h'wag kang magpapakita sa amin at mas lalong h'wag kang dadalaw sa burol at libing ni Gabby. Kinamumuhian ka namin! Mamatay tao ka!"

Naalala na naman niya ang bawat salitang binitiwan ng ina ni Gabby. Mahal na mahal ng ina ni Gabby ang anak nito at buong puso pa nitong tinanggap ang pagsalungat nito sa tunay nitong kasarian. Naramdaman na naman niyang tutulo ang kanyang luha kaya agad niyang pinunasan ito para hindi makita ni Kiko na ngayo'y pinapakalma si Aling Nena. Nasasaktan siya sapagkat hindi man lang niya makikita ang bangkay ni Gabby. Nang ibinalita niya kasi ito sa mga magulang nito ay agad na kinuha ang bangkay ni Gabby na dapat ay pag-iimbestigahan pa ng mga pulis gaya ng ginagawa ngayon sa bangkay ni Darren.

Isang Linggo na ang lumipas at nailibing na rin si Darren. Walang napala ang mga pulis sa kanilang pag-iimbestiga. Hindi nila malaman-laman kung sino ang may sala. Bigo rin sila sa pag-iimbestiga kay Rosario sapagkat kakaiba ang mga isinasagot nito at ang ilan sa mga pulis ay natatakot na lapitan ito. Kaya nagdesisyon si Kiko at Aya na maglakas-loob na puntahan si Rosario sa bahay nito at sila mismo ang magtanong dito.

Nasa harap na sila ng bahay ni Rosario. Biglang nakaramdam ng takot si Aya at napakapit ng mahigpit sa braso ni Kiko. Tinapik naman ni Kiko ang kamay nito at nginitian ito ng matipid. Tumango naman si Aya. Kakatok pa lang sana si Kiko nang biglang magbukas ang pintuan at bumungad sa kanila si Rosario na nakangisi.

"Maligayang pagdating sa aking munting tirahan. Tuloy kayo. Matagal-tagal din akong hindi nagkaroon ng panauhin," nakangising wika ni Rosario at saka iginaya papasok sila Kiko. Sinamaan lang naman siya ng tingin ni Kiko at saka sila pumasok ni Aya sa loob.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Rosario. Anong kinalaman mo sa pagkamatay nila? Ikaw ba ang pumatay sa kanila?" wika ni Kiko pagkapasok na pagkapasok pa lang nila ni Aya sa bahay ni Rosario. Sinara muna ni Rosario ang pintuan ng kanyang bahay at saka nakangising tumingin sa mga ito.

"Gusto niyo ba ng maiinom o kaya makakain?" alok ni Rosario habang nakangisi pa rin. Mas lalo siyang sinamaan ng tingin ni Kiko na ikinatuwa naman niya.

"Hindi ako pumunta rito para dyan, Rosario. Anong alam mo?!" pasigaw na tanong ni Kiko. Tumawa naman ng parang baliw si Rosario na ikinatakot ni Aya kaya nagtago ito sa likuran ni Kiko.

"Marami. Marami akong alam. Ay, hindi... Lahat pala alam ko. Haha," wika nito na parang baliw. Naglakad ito at umupo sa isang lumang sofa at saka tinignan ulit sila Kiko.

"Ayaw niyo bang maupo muna?" may halong pang-aasar na wika nito at saka tumawa ulit.

"Hindi kami nakikipaglaro sa'yo, Rosario. Tigilan mo kami! Sino ang pumatay sa kanila? Alam kong, alam mo at baka nga ikaw pa ang may gawa no'n. Hindi na nakapagtataka sa dami ng pinatay mo noon na inilibing mo sa likod ng bahay niyo," bulalas ni Kiko rito. Bigla namang sumeryoso ang mukha ni Rosario at tinitigan ito sa mata at saka lumipat ang tingin kay Aya.

"Si Aya," seryosong wika ni Rosario. Nagtataka namang tumingin si Kiko kay Rosario at niyakap si Aya'ng natatakot.

"Si Aya ang pumatay. Kasi, dala niya ang sumpa. Inuwi niya ang sumpa sa bayan. Ibinalik niya ang laro, ang larong kasumpa-sumpa kaya si Aya ang pumatay," seryosong wika ni Rosario habang titig na titig sa mga natatakot na mata ni Aya. Napapikit si Aya at napayakap ng mahigpit kay Kiko.

Langit, Lupa, ImpyernoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon