LLI: Dieciocho

12.1K 276 18
                                    

Ang muling pagdanak ng dugo

-------------------------

Nakaupo lamang si Aling Nena sa isang sofa habang hawak-hawak ang litrato ni Darren. Ganito ang lagi niyang ginagawa sa t'wing gigising siya sa umaga. Magluluto siya ng agahan at saka uupo sa sofa habang tinititigan ang litrato ng yumao niyang anak. Masakit para sa isang ina ang mawalan ng anak. At ang sakit na ito ay dadalhin niya habambuhay.

"Nay, lalabas na muna ako," paalam ng bunsong lalaki ni Aling Nena rito. Dalawa lang naman ang kanyang anak at pareho itong lalaki kaya tuwang-tuwa siya nang mapadpad si Chrismae sa kanila.

"Kailan ka pala babalik sa Maynila, Warren?" tanong ni Aling Nena rito bago ito lumabas. Sa Maynila ito nag-aaral at nandito lamang sa Sta. Evilia dahil bakasyon.

"Hindi na po ako babalik sa Maynila, nay. Dito ko na lang po ipagpapatuloy ang huling taon ko sa high school. Tumawag na rin ako kila Tita na hindi na muna ako uuwi do'n dahil sa mga nangyari at sumang-ayon naman siya. Sasamahan po muna kita rito," paliwanag ni Warren. Mangiyak-ngiyak namang tumitig si Aling Nena sa kanyang bunsong anak. Dahan-dahan siyang lumapit dito at biglang niyakap.

"Salamat, anak. Maraming salamat," paulit-ulit niyang sambit. Ilang saglit lang at bumitaw din siya rito at saka ito hinatid sa pintuan.

Hindi maalis ang matatamis na ngiti sa labi ni Aling Nena dahil sa kanyang narinig mula sa kanyang anak. Kinuha niya ang litrato ni Darren na nakalapag sa sofa at saka ito inayos at itinabi. Naglinis lang siya at dumiretso naman siya sa kwarto ni Darren na ilang linggo nang hindi nila binubuksan dahil sa sakit na kanyang nararamdaman. At ngayon, may lakas na siya ng loob na pasukin ito.

Sa pagpasok niya sa kwarto ng kanyang anak, amoy na amoy pa rin niya ang amoy ng kanyang anak. Pakiramdam niya'y kasama pa rin niya ito. Nagtungo naman siya sa cabinet nito at inayos ang iba nitong kagamitan. Niyakap niya ang mga damit nito pati na ang uniporme nito. Pakiramdam niya'y yakap-yakap niya ito. Ibinalik naman niya ang mga gamit nito nang may makapa siyang envelope sa pinakadulo ng cabinet. Buong pagtataka niya itong kinuha at saka lumabas ng kwarto ni Darren.

Tinitigan lang ni Aling Nena ang envelope habang nakaupo siya sa isang upuan. Nagtataka siya kung bakit parang tagong-tago ito at ayaw ipakita sa iba. Binuksan niya ang envelope at kukunin na sana ang laman nito nang may biglang kumatok sa kanilang pintuan. Tumayo siya at binuksan ito.

"Kiko, napadalaw ka?" bungad niya rito.

"Nay, pwede ko bang makita ang kwarto ni Darren?" paalam ng binata. Buong pagtataka namang pinatuloy ni Aling Nena ito at pinahintulutang makita nito ang kwarto ng anak dahil matalik naman itong kaibigan ni Darren.

"Bakit?" takang tanong nito.

"Naalala ko po ang huli naming pag-uusap ni Darren bago siya mamatay." Gulat namang napatingin ang ginang dito.

"Huling pag-uusap?"

"Opo. Bago siya mamatay, tinawagan niya ako at ang sabi niya, hanapin ko raw ang hidden office niya at doon masasagot ang ilan sa mga katanungan ko," paliwanag ni Kiko. Naguluhan naman ang ginang. Hindi niya alam na may hidden office ang kanyang anak. Hindi rin niya alam kung nasaan ito. Oo nga't malaki-laki ang kanilang bahay ngunit kabisado niya ang bawat sulok nito kaya hindi siya makapaniwalang may tagong silid pa ito.

Dumiretso naman si Kiko sa kwarto ni Darren. Halos sumakit na ang ulo niya sa kakaisip kung saan ba ang tinutukoy nitong opisina. Ngayon, mas lalo siyang bumilib sa talino ng kanyang yumaong kaibigan.

Tinignan niya ang bawat sulok ng kwarto nito at binuksan din ang mga cabinet nito upang suriin kung may mga mahahalagang papel na makakatulong sa kanya. Ngunit, bigo siya at walang nakitang kahit na ano. Sa sobrang pagod at sakit ng ulo niya'y marahan siyang napaupo sa kama nito at sa pag-upo niya'y siya na namang pagkahulog ng bola ni Darren na nasa lamesa nito na madalas nilang gamitin sa laro ni Kiko.

Langit, Lupa, ImpyernoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon