chapter three

2.3K 54 19
                                    


PANAHON pa raw ng mga Amerikano itinayo ang simboryo. Sa katunayan daw, Amerikano ang nag-donate ng pampatayo niyon. Parang salakot ang bubong ng simboryo noon—nakita ni Bechang sa lumang pictures ni Mamay Berto. Gawa sa kahoy, kawayan, pawid, at sawali. Pero napakatibay raw ng simboryo, ayon pa sa Mamay Berto. Ang mga kahoy raw na ginamit ay yakal, molave, narra. Sa paglipas daw ng panahon ay nanakaw na ang mga iyon at tuwing ire-repair ay napapalitan ng mga segunda-manong klase ng materyales.

Kuwento pa ng kanyang mamay, hanggang 1986 daw ay gumagana ang simboryo pero nagkaroon ng People Power, napalayas ang diktador at apektado pati ang operasyon ng simboryo. Loyalist daw ang may-ari ng simboryo at ipinasara na iyon ng bagong mayor na hindi loyalist.

Nalungkot ang mamay. May picture pa ito na kuha noong huling tupada sa simboryo, kasama ang mga kabarkada. Parang class picture pero tig-iisang hawak na tandang. Nakatalungko sa unahan ng picture ang kanyang mamay na medyo bata pa noon.

Nagagalit si Inay Biring kapag tinatawag na simboryo ang sabungan. Wala raw galang sa tahanan ng Diyos ang Mamay Berto dahil ang ibig sabihin daw ng simboryo ay simbahan.

Tuwing Linggo, nagsasabong ang Mamay Berto at mga kapwa nito sabungero. Ang sabungan daw ang simbahan ng mga iyon. Kaya ang lumang sabungan, binansagang Lumang Simboryo.

Simula noong 1986, sa kabilang bayan na 'nagsisimba' ang Mamay Berto. Hindi na raw pinipigilan ng Inay Biring dahil, "Sakit na 'yan ng matandang iyan. Kamamatayan na!"

Naiisip ni Bechang ang lahat ng iyon habang nakatalungko sa harap ng balite, may hawak na patpat at nagdo-drawing ng Super Saiyan sa alikabok. Sa ganoong ayos siya naabutan ni Dok Raul.

Nagulat siya at bigla ring nakaramdam ng galit. Hindi niya makakalimutan kahit kailan kung paano siya nito hinaltak sa braso, sinigawan, tinakot. Sinabihang tanga.

Magsasalita na sana siya pero naunahan ng doktor. "Ineng, ang iyong mamay, nasa inyo ga?" Nakangiti ito, parang nakalimutan na ang nangyari noong Bagong Taon.

Nasa paligid lang naman ang Mamay Berto, nangunguha ng mga dahong pantapal at narinig na yata ang boses ng doktor, sumagot. "Wala ako doon. Narine. Ano ga ho iyon?" Nagpunta ito sa harap, hawak ang bayong ng mga dahon at ang talisayin na ilalaban sa Linggo—ginawang scratching pen ang paligid ng balite, baka sakali raw basbasan ng mga engkanto.

"Mamay!" bati ni Dok Raul, magiliw na magiliw, daig pa ang nakakita ng matalik na kaibigan. "'Gandang umaga ho. Ako lang ho ay mangungumbida sa inyo—"

"May ano ga?" Halatang mas interesado pa rin sa tandang ang Mamay Berto, panay ang himas sa balahibong kakaiba ang kulay sa karaniwang tandang. Hindi iyon pula o dilaw. Puti na nagge-gray, may silver-silver. Talisayin.

"May kauntian laang ho sa bahay mamayang gab-i. Pupunta ho kayo, ha. Isama n'yo ang nanay at areng si Bechang." Nginitian uli siya ng doktor. "Papasok ka na ga, ineng?"

Hindi ga obyus? sa loob-loob ni Bechang. Nakauniporme siya—asul na palda at puting T-shirt, sapatos na itim, walang medyas dahil hindi mahanap ni Inay Biring. May katabi siyang bag na hindi na maisiper sa dami ng libro. Nandoon lang siya sa balite dahil hihingi siya ng baon sa kanyang mamay. Hindi na niya ito mahintay umuwi, pinuntahan na sa likod ng simboryo. At doon naman siya pinaghintay.

Kainaman ang mamay.

"Ay, siya sige," sabi ng Mamay Berto. "Magaling at makakalibre ng hapunan."

"Oho, ipagbabalot ko pa kayo. 'Wag ho kayong mawawala, ho. Pasabi na laang ho sa nanay." At kay Bechang, "May baon ka na ga?" Dumukot sa bulsa. "O, are—" Inabutan siya ng pera.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now