Untitled Part 58

559 19 0
                                    


KASUKLAM-SUKLAM ang anyo ng mga harpa ngunit kailangang pakisamahan ni Layna. Pansamantala. Tulad ng mga Amulaki, ang mga harpa ay pinagkaitan din ng maraming pribilehiyo dahil sa limitasyon ng mga ito. At anyo. Kaya naman mas malakas ang Malus sa mga ito. Hinanakit, inggit, habag sa sarili, iyon ang nasa damdamin ng mga Harpa.

Sa ngayon ay kailangan pa niya ang pakikipagtulungan ng mga ito. "Salamat at pinagbigyan mo ako, Elekia," sabi niya sa harpa. Sa kalaliman ng Dilim, naroroon siya sa Dagtum sa halip na nagpapahinga.

"Walang anuman, Layna," patuya nitong sagot. "Ano ang maipaglilingkod ko?"

"Basag na ang salamin. Malaya na ang alaala ni L'aq'n at hindi ko na siya masusubaybayan."

"Nangangamba ka na magbalik ang prinsipe."

"Oo," amin niya pero kalkulado. Para lalong makuha ang simpatya ng mga harpa, nakatutulong ang pag-amin ng kahinaan. Gusto iyon ng mga harpa. Ikinatutuwa ng mga ito ang kahinaan ng iba.

"Sa iyong palagay ay matutulungan kita," saad ng harpa.

Tumango si Layna. "Nais kong makatiyak na kung makabalik man si L'aq'n at makuha niya ang trono, hawak ko pa rin siya sa leeg."

"Talagang tuso ka. Alam mo na ang gagawin," wika ng harpa.

Tumango siya at inilahad ang dalawang kamay kay Elekia.


MAHAL na reyna, labis kaming nag-alala," wika ng tagapagsilbi sa palasyo.

"Namasyal lang ako, Umi. Gusto kong mapag-isa."

"Sa Dagtum?" Nakatingin ito sa laylayan ng kanyang damit. May mga nakadikit pa roong pinong batong-puraw.

Ipinagpag niya ang kasuotan. "Oo. Tumatahimik ang aking isipan sa kadiliman ng dagtum at sa kislap ng mga batong-puraw."

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now