Silay

6.7K 163 5
                                    


IISANG libro lang ang nagawang buklatin ni Besille mula nang dumating siya sa bahay ni Mr. Banaag—ang Sonnets From The Potuguese ni Elizabeth Barrett-Browning.
Kahit yata limang taon siyang magbasa lang nang magbasa, hindi niya matatapos basahin ang napakaraming libro sa silid. Sinlaki na yata iyon ng community library sa kanilang distrito. Puno ng mga hardbound books ang floor-to-ceiling book shelves sa apat na sulok ng silid.
“Hindi pa nababagay sa iyo ang librong ‘yan,” pukaw sa kanya mahigit pitumpong taon na matanda.
Biyudo na si Mr. Banaag, tatlo ang mga anak na lahat ay sa Amerika nakatira. Matagal nang pinasusunod ito roon ng mga anak ngunit ayaw nitong umalis ng Pilipinas. Isang mag-asawang katiwala lang ang kasa-kasama nito sa malaking bahay.
Napabaling siya ng tingin sa matanda. Hindi niya pinansin ang ikinomento nito. Nginitian niya lang ito. “Magaganda po pala ang mga sinulat ni Elizabeth Barrett-Browning.”
May inabot ito sa bookshelf na kaharap niya. “Ito na lang ang basahin mo,” sabi nito at kinuha sa kanya ang librong hawak niya at iyon ang ipinalit. “Mas may mapapala ka diyan.”
Malakas niyang binasa ang pamagat ng libro. “The Cry Of The Children.” Binuklat-buklat niya iyon. Nang malingat ang matanda, kinuha niya uli ang binabasa niyang libro kanina at ipinalit niya ang ibinigay nito. Kinipit niya iyon sa kilikili bago magpaalam. “Two months ko pong hihiramin itong libro, Mr. Banaag.”
Sinabi nito ang eksaktong petsa kung anong araw niya dapat isauli ang libro bago siya pumanaog.

NAUTUSAN si Besille minsan ni Lola Eufemia na bumili ng sinulid para sa hinahabi nito. Isa iyon sa maraming pinagkakaabalahan ng matanda. Nasa late sixties na ito pero napakasipag pa rin.
Malakas pa ito sa kabila ng katandaan. At nakakapagtaka na kaya pa nitong magsuot ng sinulid sa butas ng karayon tuwing magbuburda ito.
Nakasanayan na ni Besille na paminsan-minsan ay dalawin ito sa bahay. Kung minsan naman ay ipinatatawag siya nito kay Martina. Para na niyang tunay na lola si Lola Eufemia. Para rin siyang tunay na apo na pinaglalambingan nito. Palibhasa bihira lang itong dalawin ng mga kamag-anak.
Hindi lang siya ang malapit dito kundi pati buong pamilya niya. Madalas na dinadaluhan nito ang mga social gatherings sa kanila. Paborito ng mga magulang niya na imbitahan ang masayahin at palakuwentong matanda.
“Matututunan ko po kayang maghabi, Lola Fem?” sabi niya nang kuhanin dito ang listahan ng mga sunulid na ipinabibili ni Lola Eufemia. Nasa weaving room sila noon ng bungalow nito.
Napaliligiran ng glass window ang silid kaya napakaliwanag doon. Sa isang panig ng silid ay nakatayo ang antigong loom na ayon dito ay ginawa pa ng namayapa nitong asawa.
“Bakit hindi? Noon pa nga kita gustong turuan. Lagi mo namang ikinakatuwiran na hindi mo kaya,” pasumbat na sabi nito.
“Mapapagtiyagaan po kaya n’yo akong turuan kahit mahirap akong matuto?”
Natawa siLola Eufemia. “Batang ito, bakit hindi? Hindi ka naman bobo. Nasa isip mo lang na mahirap ang paghahabi. Ang kailangan lang, maging interesado ka.”
“Sige po, magpapaalam ako kaya Mommy. Tapos magpapaturo ako sa inyo pagkabili ko ng sinulid. Puwede po?”
“Isang oras araw-araw, nieta. Siguro naman, pagkalipas ng isang linggo, matututo ka na.”
Napangiwi si Besille. “Gano’n po kahirap?”
“Siyempre hindi. Kaya lang, may mga disenyo rin ang paghahabi na dapat mong matutuhan. Vamos! Bilisan mong bumili ng mga sinulid at magtuturuan tayo pagbalik mo.”
Excited siyang bumalik sa kanila para magpaalam. Sumakay na siya ng bisikleta pagkatapos. Katabi lang ng school nila ang tindahan ng mga sinulid. At hindi iyon gaanong malayo sa bahay nila.
Nakabili na siya at pasakay na ulit sa bike nang mapansin niya ang taong lumabas sa main gate ng kanilang school—si Robert. Anong ginagawa niya sa school namin?
Gusto sana ni Besille na makita siya nito. Kaya lang sa kabilang direksiyon ng kalsada ito patungo. May panghihinayang na nasundan na lang niya ito ng tingin. Pero kahit ganoon, naramdaman pa rin niya ang excitement dahil lang sa nakita niya ito.
Parang nagkapakpak ang mga gulong ng kanyang bike habang sakay siya niyon pauwi. Tila may ibinubulong ang mahinang tunog ng gomang humahagunot sa sa kalsada. Robert. Robert. Robert.

“Madali ka naman palang matuto, nieta. Tingnan mo nga, marunong ka na sa lahat ng designs na itinuro ko sa iyo.”
Malambing na niyakap ni Besille ang makunat at kulubot na braso ni Lola Eufemia. “Thank you po, Lola Fem. Sana lang may sarili akong loom sa bahay para makapag-practice pa ako.”
“Puwede ka namang mag-practice dito, ah. Hindi naman ako laging naghahabi.”
“Puwede po kahit sa hapon lang?”
“Batang ito. Kahit pati sa umaga. Sasabihin ko na lang sa iyo kung kailan ko gagamitin itong habihan.” Kinuha nito ang kumot na pang-single na natapos nila. “Iuwi mo ito sa mommy mo. Para naman matuwa siya at hindi ka pagbawalan na maglagi rito.”
“Talaga po na akin na ‘to?” excited na bulalas niya.
“Oo. Para naman hindi masabi ni Bethsaida na nag-aaksaya ka lang ng oras dito sa bahay ko.”
Nabawasan ang tuwa ni Besille. “Lola Fem, noon po ba mahigpit din kayo sa mga anak n’yo?”
“Naku, hindi, nieta. Maliliit pa ang mga anak ko noon, sinanay ko nang maging independent sila. Kaya nga yata nagkasungay agad ‘yong iba sa kanila. Pero naging responsable namang lahat.”
Tinapik-tapik ng matanda ang kamay niya na nakakapit sa braso nito. “Hindi man ako ayon sa kahigpitan ni Bethsaida sa iyo, alam ko na gusto ka lang niyang protektahan. Napakaganda mong bata. Hindi na baleng ikaw ang magpaiyak sa mga lalaki, huwag lang ikaw ang paiiyakin nila.”
Napangiti siya.
“Hala, sige, ituloy mo na ang paghahabi at iidlip muna ako.”
Iniwan na nga siya ni Lola Eufemia. Naging sobrang abala na niya sa paghahabi ng mga sumunod na sandali. Bumibilis na ang mga kamay niya sa pagbaba at taas sa heddles.
Nasa ganoon siyang ayos nang bigla siyang kinabahan. Natigil siya sa ginagawa. Hindi niya alam kung paano niya naramdaman na parang may ibang tao roon gayong wala naman siyang narinig na kaluskos o ingay. Sigurado lang siya na hindi na siya nag-iisa sa weaving room.
Pagpaling ng ulo niya sa gawi ng pintuan ay naroon at nakasandal sa door jamb habang nakangiti sa kanya; ang guwapong lalaki na araw-araw nang laman ng isip niya. 

Besille & Robert COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon