9
"ANG CUTE-CUTE naman ng baby mo, cousin." Nasa ospital noon si Besille. Dinalaw niya ang kapapanganak pa lang noon na si Jackie. Lalaki ang sanggol na iniluwal nito. Kaya naman todo ang pagmamalaki ni Mig. Nagpamudmod pa ito ng tabako sa ospital, ayon na rin sa tradisyon na sinusunod ng ama nito kapag may panganay na lalaking ipinapanganak sa pamilya.
"Magaling kaming mag-assemble ni Mig, eh," pabiro at natatawang sagot ni Jackie na inirapan niya naman. "Sorry, I forgot. Virgin pa nga pala pati tenga mo."
Nilukutan lang niya ng ilong ang pinsan. Itinuon niyang muli ang pansin sa sanggol na noon ay pinadedede ni Jackie sa bote. Wala pa raw kasing gatas na lumalabas sa dibdib ng pinsan niya. Plano pa rin daw naman nito na mag-breast-feed kapag mayroon na.
Mas mabuti raw ang ganoon, sabi nito. Para daw lumaki ang anak nito na asal-tao at hindi asal-hayop, kung ang mga nakalatang infant formula ang ipaiinom. Hindi niya alam kung totoo ang sinasabi nito o nagbibiro lang ang pinsan niya.
Ganonpaman, tinandaan niya ang lahat ng tips nito tungkol sa pag-aalaga ng sanggol at maging noong buntis pa lang ito.
Nakuha ng baby ang mata, bibig at hugis ng mukha ni Jackie. Kay Mig naman ang ilong, baba at kulay ng bata, na napakagandang kombinasyon ng mag-asawa. Naisip tuloy ni Besille na kung sakaling magkakaanak din siya, tulad sa baby ni Jackie, gusto rin niyang maging kombinasyon nila ng magiging asawa ang mukha ng bata. Lumitaw bigla ang image ni Robert sa isip niya. Napailing siya.
"O, bakit bigla kang nalungkot," ani Jackie na sumeryoso.
"May... may balita pa ba si Mig kay Robert?" Tiningnan niya ang pinsan sa tahimik na pagsasabi rito na kung may magandang balita ay gusto sana niyang marinig. Pero hindi na niya gusto pang malaman kung makakasakit lang sa kanya ang ibabalita nito.
Umuunawa ang tingin sa kanya ni Jackie. "Everytime na magkikita sila ng asawa ko, kinukumusta ka sa kanya ni Robert. Inaalam lang niya ang lagay mo pero wala na daw ibang binabanggit tungkol sa relasyon n'yo. Doon pa din siya nagtuturo."
Malungkot na tumango lang si Besille. Kung madudugtungan pa ang relasyon nila ni Robert in the future, ito na ang dapat na gumawa ng next move. Nawawalan na siya ng pag-asa na muli pang mabubuo ang relasyon nila.
Natapos ni Besille ang high school na parang normal na estudyante. Siya lang ang nakakaalam sa malalim na lungkot na dulot ng paghihiwalay nila ni Robert. Sa paghihiwalay nila, hindi na niya maramdamang buo siya. Ayaw nang mawala ng hungkag na pakiramdam. Isiniksik niya ang kahungkagan sa pinakasulok ng puso niya. Sa lugar kung saan tanging si Robert lang ang makakapagpuno.MAY NAMATAY raw silang kapitbahay ayon sa ina ni Besille kaya pinapipitas siya nito ng mga bulaklak.
"Sino po, Mommy?"
"Si Mr. Banaag."
Parang may mabigat na bagay na bumundol sa dibdib ni Besille sa narinig. Ayaw niyang paniwalaan. "N-nandito na siya pero p-patay na?"
Nag-aalala na inakay siya ng kanyang ina hanggang sa makaupo siya. "Close ka nga pala sa matandang 'yon."
"Paano-bakit-a-anong ikinamatay niya, Mommy?"
"Prostate cancer daw. May sakit na pala siya no'ng nandito pa lang sa Pilipinas. Sa States siya ipinagamot ng mga anak niya pero siguro talagang oras na niya."
Nalungkot man nang husto ay nagawa pa rin ni Besille na pumutol ng mga bulaklak sa hardin nila. Habang ginagawa niya iyon ay parang eksena sa pelikula na nanumbalik sa isip niya ang mga pagpunta-punta niya sa malaking bahay kapag humihiram siya ng libro kay Mr. Banaag. Tila naririnig pa niya ang istriktong boses nito kapag may ipinaliliwanag na bahagi ng libro na kanyang binasa.
Napaluha siya. Hinayaan niyang pumatak at tumulay ang mga butil ng luha sa kanyang pisngi. Mas mainam nang ngayon siya umiyak at magdalamhati para sa matanda kaysa sa harap pa ng ataul o puntod nito. Baka magtaka ang mga kamag-anak ni Mr. Banaag kapag nakitang ngumunguyngoy siya sa harap ng bangkay nito.
Patuloy sa pamimitas ng rosal si Besille nang may kamay na humawak sa basang pisngi niya. Nagitla siya sabay tingin sa may-ari ng kamay. Nanlaki ang mga mata niya. Bumilis ang tibok ng dibdib niya nang makilala ito. "R-Robert?" sabi niya, pabulong.
"Malungkot ka... umiiyak pa, bakit?"
Hindi na siya nakasagot. Lalo siyang napaiyak pagkakita rito. Nakasuot lang ang kamay nitong humahawak sa pisngi niya sa pagitan ng mga siwang sa steel fence na naghihiwalay sa mga bakuran na kinaroroonan nila.
Inilapit niya nang husto ang sarili dahil nahihirapan itong umabot. Hinawakan niya ang kamay nito na nakasapo sa kanyang mukha. Idiniit niyang lalo ang pisngi sa palad nito.
"Tahan na, please."
"B-bakit ngayon ka lang nagpakita?"
"Dahil hindi pa panahon, Besille. Nagpakita lang ako sa 'yo ngayon para magpaalam."
"Saan ka pupunta?" natatarantang tanong niya. Dagdag na kabigatan na naman sa puso niya ang sinabi nito. "Lilipat ako d'yan. D'yan tayo mag-usap."
"Makikita ka ng mommy mo 'pag lumabas ka sa gate," sabi nitong nag-aalala. "Nasilip ko na nasa garden set siya."
Ibig niyang maghimutok. Lagi na lang bang ganoon ang kanilang relasyon? Walang pagkakataon, walang puwang? "Pero saan ka nga pupunta?"
"Babalik na ako sa Cebu."
That was the biggest blow. "Bakit babalik ka do'n? Di ba mas gusto mong magturo kaya ka nag-stay dito sa Manila?"
"Nag-expand ang negosyo ng papa ko. Nakiusap siya ulit sa akin na tumulong ako. Anyway, hindi na rin siguro masama ang dalawang taon na pagbibigay nila sa akin para magturo."
Hindi siya makakibo. Parang ano mang oras ay bubulalas siya ng iyak.
"Ayoko nga sanang umalis dito. Ayokong mas mapalayo sa iyo. At least dito, kapag nami-miss kita nang sobra, puwede kitang tanawin kahit sa malayo."
"Kaya pala natiis mo 'kong di makita ng dalawang taon," sumbat niya kay Robert.
"Who said so? Hindi mo lang alam, madalas akong dumalaw kay Lola para lang makita ka kahit sa malayo."
"Totoo?"
"Totoo. Itanong mo pa kay Lola. Sa gabi nga lang ako madalas pumunta dito. Tanaw kasi mula dito ang room mo. Nakikita ko kapag nag-aaral ka sa harap ng study table mo."
"Ang daya mo. Tapos hindi man lang kita makita. Hindi ko alam na minsan pala nasa malapit ka lang."
"Nasabi ko na sa sulat na mas makakabuti sa iyo ang ganito. Besille, ayokong maging dahilan ng pagkasira ng pag-aaral mo."
Narinig niya na tumatawag ang mommy niya. Bigla siyang nataranta. "Buti pa mamaya na tayo mag-usap. Pupunta kami sa lamay ni Mr. Banaag mamaya pero hindi na ako sasama kina Daddy at Mommy. Lilipat ako d'yan 'pag umalis na sila. Sige na," pagtataboy niya kay Robert. "Baka makita ka pa ni Mommy."
Mabilis itong lumayo sa bakod. Namimitas na siyang muli ng mga bulaklak nang lapitan siya ng kanyang ina.
"Umiiyak ka ba, Besille?"
Sinulyapan lang niya ang ina pero hindi siya umimik.
Kinuha ng mommy niya ang basket na pinaglalagyan niya. "Sige na. Ako na lang ang mamimitas ng mga bulaklak. Magpahinga ka na sa kuwarto mo."
Ibinigay niya ang ginagamit na gunting at walang imik na iniwan ito. Pero bago iyon, pinasadahan muna niya ng tingin ang front porch nina Lola Eufemia. Nakahinga siya nang hindi na makita roon si Robert.
Pagkatapos ng kanilang hapunan, gumayak na ang kanyang mga magulang sa pagpunta sa bahay ng mga Banaag. Pinuntahan niya ang mga ito sa master's bedroom.
"O, bakit hindi ka pa bihis?" tanong sa kanya ng ama nang makitang nakapambahay pa rin siya.
"Hindi na lang po ako sasama, Daddy."
"Aba'y bakit? Hindi ba't close kayo ng namatay?"
"Pabayaan mo na ang anak mo," pamamagitan ng kanyang ina. "Kanina nga umiyak na 'yan. Affected talaga siya sa pagkamatay ni Mr. Banaag. Hayaan na lang natin na mahimasmasan muna siya."
Tiningnan siyang mabuti ng kanyang ama. "Hindi kaya may secret crush ka kay Mr. Banaag kaya ganyan na lang ang pagdadalamhati mo?"
Nangingiti man ay iningusan niya ito. "Si Daddy talaga."
"Nagtataka lang kasi ako sa 'yo. Maganda ka naman. Pero pagkatapos ng eskandalong nangyari sa inyo ng apo ni Tita Eufemia, wala na akong nabalitaan na nanligaw sa iyo."
"Juancho, ano ba 'yang pinagsasasabi mo? Bata pa ang anak mo, ah," kunot-noo na saway ng kanyang ina.
"Alam ko 'yon. But don't you think it wasn't healthy na hindi na maranasan ng anak mong maligawan dahil sa kahigpitan natin? Bethsaida, college na sa pasukan itong si Besille. Samantalang no'ng ligawan kita, eh, nasa high school ka pa lang."
"Kaya nga hindi ko pa natatapos ang course ko itinanan mo na ako," sikmat ng mommy niya rito.
Naaaliw na siya sa itinatakbo ng usapan ng mga ito.
"Pero nakapagtapos ka din naman kahit na maaga tayong nag-asawa."
"Ayokong mangyari ang gano'n sa anak natin, Juancho," pagmamatigas ng mommy niya. "Magpapaligaw lang si Besille pagtungtong niya ng eighteen-"
"At puwede lang siyang makipag-boyfriend kapag tapos na siya sa pag-aaral," dugtong ng kanyang ama. "Case closed." Nagkibit-balikat na lang ito at tumingin sa kanya.
Pinatirik niya ang mga mata at pina-ikot ang eyeballs. "Sabi na nga ba."
Pero napangiti na si Besille nang makababa na ang mga magulang niya. Kahit paano, bukas na ang isip ng kanyang ama tungkol sa love life niya. Sana nga maging kakampi niya ito in the future.HININTAY lang ni Besille na makalayo ang kotseng sinakyan ng kanyang mga magulang at bumaba na siya. Nasa tapat pa lang siya ng garden set sa harapan ng bahay ay nakita na niya sa labas ng gate ang pigura ni Robert. Tinatamaan ng liwanag na nagmumula sa dalawang lamppost sa harapan ang kaguwapuhan nito. Patakbo siyang sumalubong kay Robert.
"Nakita ko na nakaalis na ang parents mo kaya-"
Hindi na pinatapos ito ni Besille. Niyakap niya agad ito.
Mas mahigpit na yakap ang iginanti ni Robert. Parang singtagal ng kailanman ang pagyayakap nila. Hindi maibsan ang pangungulila nila sa isa't isa. Nagduduweto sa mabilis na tibok ang kanilang puso Dalawang taon. Dalawang taon na wala silang communication. Dalawang taon na hindi niya narinig man lang ang boses ni Robert.
Isiniksik nang husto ni Besille ang mukha niya sa leeg ni Robert. She missed his scent. She missed his nearness, his warmth. Wala namang patid ang paghalik ni Robert sa kanyang buhok at sentido.
"I missed you so much, my pretty... So much..." anas nito sa pagitan ng paghalik.
Hindi niya magawang magsalita. Parang maiiyak na naman siya. Sa loob ng dalawang taon na hindi sila nagkikita ni Robert, kung ano-ano na ang sumagi sa isip niya. Akala niya nakahanap na ito ng iba. At ayaw na nitong magpatuloy pa ang relasyon nila. Ang totoo pala nagsakripisyo lang ito para sa kanyang kapakanan.
Nang sa wakas ay maghiwalay sila, kinuha ni Robert ang kanyang palad, dinampian ng masuyong halik. Magkahawak-kamay nilang binaybay ang distansiya ng gate at ng garden set. Hindi nito binitiwan ang kanyang kamay kahit nang pareho na silang nakaupo.
"Magkikita pa ba tayo 'pag umuwi ka na ng Cebu?"
Pinakatitigan muna siya nito bago sumagot. Parang isinasaulo nito ang bawat detalye ng kanyang mukha. Gaya ng pag-aaral ng isang pintor sa kinokopyang mukha.
Malaya rin siya na pagmasdan ang guwapong mukha ni Robert. Halos wala itong ipinag-iba mula sa huli nilang pagkikita. Kung mayroon man, baka dahil lang sa mas lalo pang gumuwapo ito. Mas nagniningning ang mga mata nito ngayon. Mas naging bagay sa mukha nito ang maliit at matangos na ilong.
"Alam mo na hindi na ako makakatiis na hindi ka makita. Kaya lang..." Sumagap at nagbuga muna ito ng hangin. "Matatagalan siguro bago tayo magkita uli."
"Bakit? Sa tingin mo ba hindi din ako magugustuhan ng parents mo?"
Pinadaan nito ang mga daliri sa mukha niya, pinalis ng kamay ang alinlangan na makikita roon. "Hindi naman sa gano'n. Alam ko na kahit sinong babae ang piliin ko, igagalang nila ang magiging disisyon ko. Ikaw pa din ang inaalala ko, Besille. Apat na taon pa ang hihintayin natin para maging free na tayo na masabi sa parents mo ang relasyon natin."
"Sabi naman ni Mommy puwede na akong magpaligaw 'pag nag-eighteen na ako. Two years na lang ang hihintayin natin."
"Matagal pa din 'yon."
"Alam ko. Pero puwede naman tayong magsulatan, di ba?"
"At magtawagan," dagdag nito. "Pero iba pa din 'yong nakikita kita. Baka kasi pag nasa college ka na, makakita ka ng mas cute at mas bata sa akin at ipagpalit mo 'ko sa kanya."
Inirapan niya ito. "Parang sira po 'yan."
"But it's a possibility. Hindi mo naranasan na ma-in love sa ibang lalaki other than me kaya siguradong dadating ang oras na magiging curious ka. How does it feel to be courted by other guys."
Inilapit niya rito ang sarili. Puno siya ng kombiksiyon nang magsalita. "Alam mo, Mr. Zafra, no'ng first time kitang makita, alam ko na sa sarili ko ikaw lang ang papayagan kong maging partner, lifetime partner, 'pag dumating na 'yong time na payagan akong magpakasal ng parents ko. Two years ang dumaan pero hindi nagbago ang pakiramdam na 'yon. Kahit nga binale-wala mo 'ko no'n at hindi ka nagpakita sa 'kin."
Lumapad ang ngiti ni Robert, parang kinikilig. "Magkaka-heart attack yata ako. Nakalobo na sa maximum level ang puso ko." Kinuha nito ang kamay niya at masuyong hinalikan ang daliri na may suot na singsing. Ang singsing na bigay nito noon. "But to set the record straight, kahit kelan hindi kita binale-wala. Lagi mo sanang iisipin na kung inilalayo ko man ang sarili ko sa iyo, dahil lang sa kailangan kong magsakripisyo. Kapag kasi nand'yan ka lang, ganito kalapit sa 'kin, parang gusto na kitang ilayo at itanan. Para hindi na nila tayo mapaghiwalay kahit kelan."
Nabasa ng luha ang mga mata ni Besille dahil sa pahayag nito. Naisubsob na lang niya ang mukha sa malapad na dibdib nito. Agad naman nitong pinagsalikop ang mga bisig sa kanyang katawan. Naroon na naman ang pag-uunahan ng mga tibok ng kanilang dibdib.
Nasa ganoong ayos sila nang biglang bumukas ang pedestrian gate at lumitaw ang galit na mukha ng mommy niya.
"Mga walanghiya! At dito pa kayo naglalampungan!"
BINABASA MO ANG
Besille & Robert COMPLETED
Fiksi RemajaMy Lovely Bride Phr book imprint Published in 2002 Unedited