Sampung Saknong ng Pag-asang Umasa

5 0 0
                                    


10-26-17
Sampung Saknong ng Pag-asang Umasa
Akda ni Sir B

Ikaw. Oo, ikaw.
Ikaw, na tila ihip ng hanging dumaan sa aking mga kabanata.
Hawakan mo ang aking mga nanlalamig na kamay, wala ng maramdaman,
samahan mo akong balikan ang mapaglarong pantasya ng pag-ibig.

Ako’y lantang lanta sa init ng maapoy na Linggong araw,
ngunit ika’y malinaw na nasilayan,
nakatayo sa sulok na aking patutunguhan.
Ayun! Hinaplos at dinakip ako ng matamis mong tingin.

Naaalala ko pa ang araw
na hindi ko maintindihan pahiwatig ng damdamin,
habang palihim na nakikinig sa awit mong puno ng pangako.
Wala akong hinala kung para kanino ang iyong himig handog,
pwera sa akin na patagong kinikilig.

Naaalala ko pa, oras ng kainan,
ninais kong kumain ngunit ako’y nahuli sa pila.
Ako’y iyong nasilayan at tinitigan,
ngiti’y may kislap na taglay
sa pag-abot mo pa lang ng plato ay busog na ako.

Gabi. Tayo’y nagkatabi.
Ako’y balisa, takot at kilig ay nagpainit
sa gabing pinalibutan ng hanging nagyeyelo.
Di kalaunan mga mukha ay nagkalapit,
mga pulang labi’y tinigilang magkaisa
ng mga ilong na ang tangos ay abot langit.
Sa kabila nito’y natunaw ang malamig na sipol,
Pinainit ang gabi ng iyong romantikong hininga.
Ito yung mainit na simoy na ninais malasap at madama.

Sa dalampasigan, nag krus ang mga anino.
Mga kamay ay nakagapos habang sumasabay sa indayog ng mapaglarong alon,
ang ginaw ay nasalinan ng kaaya-ayang init.
Ang alat ay iwinasiwas ng mga ngiti at bungisngis na kay tamis.
Saksi ang matang lawin, ang mga malalambot na alapaap,
hinangad kong manatili dahil baka hindi na muling maulit.

Maghahating gabi. Sa karamihan,
hawak mo ang mailap na mikropono at bumagsak ang sulyap sa akin.
Tumigil ang pag-ikot ng mundo sa pag-awit mo ng “It Might Be You.”
Palipat lipat ang direksyon ng mga mata ko dahil sa tensyong di maintindihan.
Pero, ang alam ko, kita ko sa iyong nakaw titig, para sa’kin ang awitin.

Ang panibagong umaga ay nahaluan ng lumbay.
Ilang beses mong tinawag ang taong ayaw ko marinig, lumitaw.
Poot at pangamba’y hinaplos ang aking pusong pigil sa pagluha at pagsigaw.
Ang tanging alam ko, akin ka. Pero, akala ko ba road to forever na?
Yung moment na nag-ooverthink ka na
kasi kung kelan masaya na tayo may pumapel pa!

Binalikan ko rin ang mga masalimuot na pahina,
muli’t muli ako’y nabalot ng selos.
Mga mata’y nanginginig habang tanaw na kayo’y magkasama.
Ilang beses ba kita niyapos nitong mga paalala,
na nagbigkas ng aking pighati na may saplot ng selos?
Mahigit kulang kulang lang naman.
Alam mo na hindi ko gusto ang mga pangyayaring hindi tungkol sa’tin.
Hanggang isang araw, lumala ang gusot ng dalawang litong mga puso
at ito’y nag udyok sa puntong tila tayo’y mga aninong bulag, pipi at bingi.

Ika’y aking kinausap upang linawin ang mga tanong na pagkalabo-labo.
Isa-isang binalikan ang mga matatamis at maririkit na alaalang itinanim na iyong isinantabi.
Ako’y huminto sa paghabol sa iyo dahil pagod na pagod na ang pusong
patuloy ang pagdanak sa agos ng luhang dulot ng sakit na naipon.
Ang sa akin na lamang ngayon, ipakilala mo ako sa katotohanan.
Ang iyong sinabi: “Pinaniwalaan mo pala ang lahat ng iyon?”
Ayun, boom! Malupet! Saklap! At tumigil ang pagtibok ng sugatang puso
dahil sa di makapaniwalang ang buhay na ilusyon ay naging patay na emosyon.
Ang galing diba? Nangyayari din pala ito sa tunay na buhay?
Oo, ako’y isang hamak na nananaginip lamang.
Binuksan ang mga mata dahil sa wakas at aking naramdaman
na pinaglaruan lang pala ang nabihag na damdamin.
Gayunpaman, titiisin ko pa rin, babalikan ko pa rin,
dahil mahal kita, ikaw na nagpaasa.
Ako naman, ako, na umasa.
Ikaw, ikaw na nagturo sa akin … na may pag-asang umasa.

Salamat sa pag-iwan mo sa’kin sa ere ng walang ikaw at ako.

---Sir B

UNSPOKENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon