Ikaw at Ako'y Isang Bula

1 1 0
                                    

Ating balikan ang nakaraang 'di pinaglaban
Na s'yang minsan kong pinabulaanan
Ang pagsabog ng bula nang sa akin ay dumurog.

Tandang-tanda ko pa ang mga alaalang tuliro.
Nagsimula sa hirit mong "magkakasundo tayo"
Buhat nang ipinagdikit tayo ng paborito nating kulay: asul.
Sinundan ito ng mga matatamis na palitan na akalain mo'y dinaig ang timpla ng asukal?
Pagsanib ng mga salita'y kulang na lang langgamin.
Dama ko ang kilig na iyong dama rin
Na tila ba'y niyeyelo tayo sa maapoy na disyerto ng pagmamahalan.

Sariwa pa sa aking isip at puso
Ang kampante kong sabi na ikaw sa akin ay babagsak.
Pa-misteryoso mong tinanong kung paano iyon mangyayari
At wika ko "Magiging akin ka!"
Hanggang sa humantong sa punto na ika'y binalot na rin ng kilig na tila ako'y kiniliti.

Ang tamis ay nahaluan ng titibok-tibok na pangamba
Nang ibinigkas ko ang linyang "Hindi kita iiwan".
Ako'y napabuntong hininga nang ipinagtapat mong ika'y minsang iniwan din.

Dugtungan ng mga himig ay nagpakilig
Sa gabing balot ng nag-uumapaw na lamig.
Ang bala kong "Kung tayo, tayo talaga",
Ay hinigitan mo ng "Ikaw at ako, tayo'y pinagtagpo".

Ewan ko ba't napakalakas ng loob ko-
Isigaw sa buong mundo ang bawat salita
Na nagdulot ng kislap sa aking mga mata.
Ang "Gusto kita" ay binalikan ng "Gusto mo 'ko?",
At nagpatuloy ang palitan ng kiligan.

Nagpamalas ang takipsilim ng lagim
At ang tamis ay nagunaw nang mabilisan.
Ika'y aking nilisan ako nang marahan
At ako'y nagpaalam nang walang paalam.
Tinali ko ang sarili sa iba kahit 'di ko siya ramdam-
Dahil sa palagay ko, wala sa 'yo ang dugtungin ang nasimulang kuwento.

Ako'y kumawala sa tanikalang ako mismo ang kumalas.
Mga pakpak ay iwinasiwas at lumipad patungo sa 'yo.
Nagbalik ako na may positibong pananaw sa pag-ibig
Ikaw at ako'y muling nagsama
Ngunit tahimik na distansya'y mapusok
At tumigil ang mundo, kaakibat ang malayang pagsuko.

Kung hindi tayo, hindi talaga.
Ikaw at ako, tayo'y 'di itinadhana.
Gising na. Tahan na. Suko na.
Ikaw at ako'y isang bula-
Na kumawala at tuluyang lumaya
Sa pag-iibigang 'di na maitutuwid pa.

UNSPOKENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon