CHAPTER ELEVEN

14.2K 349 27
                                    

Naging madali kay Jebu na tuntunin ang kinaroroonan ni Rommel Salazar, ang dating operator ng makina sa pabrika ni Nick Santos.

Sa isang slum area sa Pasig niya natagpuan ang lalaki. Ikinagulat pa nito ang bigla niyang pagsulpot sa bahay nito.

"Rommel Salazar," paniniyak ni Jebu.

Bumakas ang rekognisyon sa anyo ni Rommel kaya alam ni Jebu na natatandaan pa siya nito. May ilang taon din ito sa serbisyo sa pabrika at tiyak niyang nakikita siya nitong pumapasyal.

"Alam kong nabalitaan mo na ang nangyari kay Nick Santos," walang-ligoy niyang simula. "Puwede ba tayong mag-usap sa labas?"

"Tungkol saan?"

"May mga bagay lang akong gustong linawin sa 'yo."

Lumingon muna ito sa babaeng nakasuot ng duster, pagkuwa'y nagpaunlak naman. "Hindi ako magtatagal," paalam ni Rommel.


HUMANTONG ang dalawang lalaki sa isang class na restaurant. Tig-isang beer at pulutan ang in-order ni Jebu.

"Ano'ng pag-uusapan natin?" hindi nakatiis na tanong ni Rommel.

Sumimsim muna sa mug si Jebu bago nagsalita. "Ano ang totoong dahilan at umalis ka sa kompanya ni Nick?"

Tumiim ang anyo nito.

"Patay na si Nick, walang dahilan para itago mo kung anuman ang nalalaman mo tungkol sa kanya," kumbinsi niya kay Rommel.

Humugot muna ito ng malalim na hininga. "Nagbabagong-buhay na ako. Ayoko nang balikan pa sana ang—"

"Hindi mo naman siguro gugustuhing madamay pa sa kaso ni Nick," putol ni Jebu. "Bakit hindi mo ipagtapat sa akin ang lahat? Tinitiyak ko sa 'yong tapos na ang papel mo sa sandaling magsalita ka. Wala nang gagambala sa 'yo pagkatapos nito."

Sumimsim muna ito sa mug bago pinawalan ang laman ng isip. "May... may relasyon kami ni Nick."

Nagkislutan ang mga ugat sa leeg ni Jebu nang marinig iyon.

"Bisexual si Nick. Maniwala ka sa akin."

Pinag-aralan ni Jebu ang anyo nito kung nagsasabi ng totoo.

"Ilang buwan din niya akong hawak. Hindi ako makapiyok noon. Tinakot niya ako na mawawalan ako ng trabaho at maba-blacklist. Kaya niyang gawin iyon, alam ko. Samantalang kapag umayon ako sa... sa mga ipinagagawa niya sa akin ay... ay sasagana hindi lang ako pati na ang pamilya ko."

Napabilis ang pag-ubos niya sa laman ng mug. Muli niya iyong sinalinan ng panibagong beer.

"Nagalit ako nang sabihin niya sa akin na doon daw muna ako sa kanyang kaibigan. Ireregalo niya ako sa kaibigan niya. Hindi na niya ako kailangan, mas kailangan daw ako ng kaibigan niya."

"Sinabi niya sa 'yo ang pangalan ng kanyang kaibigan?"

"Raul lang ang narinig ko. Pero hindi na umabot sa... sa ganoon dahil nakipagtalo na ako sa kanya. Nagalit siya at tinakot ako. Pero pinanaig ko ang galit. Ayoko na. Nang araw na iyon ay umalis na ako sa pabrika at hindi na muling nagpakita sa kanya."

"Gaano mo kakilala si Janelle Soliva?"

Nag-isip muna ito. "Bago lang siya sa pabrika. At tsismis nga na natitipuhan daw ni Nick." Isang nangungutyang tawa ang pinawalan nito. "Kung alam lang nila..."

Nagtagis ang mga bagang ni Jebu. Hindi siya makapaniwala na ganoon ang pagkatao ni Nick. All these years, malaki ang respeto niya rito.

"'Yang si Janelle, naniniwala akong kaya niya pinatay si Nick ay dahil sa kahayupang ipinagagawa sa kanya. Hindi niya siguro masikmura ang mga kababuyan ng baklang iyon!"

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 04, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Midnight Blue Society Series 2  - JEBU -Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon