"Ma'am Loren, telepono ho. Paredes daw ho," magalang na pambabasag ni Aling Curing sa katahimikan ng dalawa.
Napatingin si Jebu sa matandang katulong at saka binalingan ang nagmamadaling tumayo na si Loren.
Makaraan ang ilang sandali ay bumalik si Loren, nasa anyo ang pagkalito. "Oh, Jebu, If I could just get my mind working again. Nahihirapan akong tanggapin ang pangyayaring ito."
"It takes time to get over the shock," konsola niya sa hipag. "Huwag kang mag-alala, hindi ako aalis hangga't hindi naisasaayos ang lahat ng ito."
"Please, Jebu, huwag mo kaming iiwan. We badly need you here," anito sa tonong nagsusumamo.
Nakauunawang tumango na lang siya.
"Hindi ko alam kung bakit kailangan pa nilang patagalin ang pag-release sa bangkay ni Nick." Kumurap-kurap si Loren para pigilin ang nagbabantang pagluha. Tuluyan na itong nawalan ng ganang magpatuloy pa sa pagkain. "Why do they have to go over and over the whole thing? I mean, can't the police see what happened? Obvious namang pinaslang ang asawa ko! At hawak na nila ang suspect. Ano pa ba'ng gusto nilang mangyari?"
"The obvious isn't always the truth," pagrarason ni Jebu.
Napatitig sa kanya si Loren, wari'y pinag-iisipan ang sinabi niya.
"I can't do this alone. Please come with me. 'Yong kausap ko, siya ang humahawak sa kaso ni Nick. Kailangan daw akong magtungo sa himpilan ngayon."
Nang mga sandaling iyon ay gusto na sana munang magpahinga ni Jebu. Pero nang marinig niya na may kinalaman sa kaso ng kanyang kapatid ang pupuntahan nila, muling umigting ang galit sa kanyang dibdib.
"Masasamahan mo ba ako?" untag ni Loren sa pananahimik niya.
"Of course," sagot niya at mabilis na sinaid ang laman ng baso.
Bago tuluyang lumabas ng bahay ay tinapunan ni Jebu ng sulyap ang oras sa grandfather clock. Pasado alas-diyes na ng gabi.
MALIIT lamang ang himpilan ng pulisya na sa unang tingin ay mukhang lumang bahay na kailangan na talagang ipa-renovate.
Papasok na sina Loren at Jebu sa loob ng opisina ni Paredes, ang hepe ng Central Police Station. Ang naturang pulis ay nasa mahigit kuwarenta anyos ang edad, kandidato na sa pagkakalbo at maaari na ring pumalit kay Santa Claus sa pagkabundat ng tiyan. Bagama't ganoon ang pisikal na kaanyuan ng lalaki, mababakas naman dito ang kompiyansa at awtoridad.
"Mrs. Santos! I'm sorry to have asked you to come over here at this hour," bungad nito nang makalapit ang dalawa sa mesa ng hepe.
Nagkibit lamang ng mga balikat si Loren at naupo sa katapat na silya. Ganoon din ang ginawa ni Jebu.
"By the way, this is Jebu, the only brother of my husband." Ipinakilala siya ni Loren dito.
"Mabuti naman at kasama mo siya ngayon," ani Paredes na mataman ang pagkakatitig sa kanya habang inilalahad ang kamay.
Tinanggap naman iyon ni Jebu na lihim na pinag-aaralan ang lalaki.
Mayamaya ay bumukas ang pinto ng tanggapan ng hepe at iniluwa ang isang babae na may hawak na micro cassette, nakasampay sa balikat ang body bag at tuloy-tuloy na pumasok sa loob. "Hi!" masiglang bati nito. "Hello, Paredes!"
"'Andito ka na naman, Ruth!" tila naiinis na sabi ng pulis.
"Yeah! Alam mo naman kung ano ang kailangan ko, 'di ba?"
BINABASA MO ANG
Midnight Blue Society Series 2 - JEBU -
Lãng mạnJebu wanted revenge at any price... hanggang sa makaharap niya si Janelle. Namalikmata siya nang makita na ang babae ay nagtataglay ng maamong mukha. Natagpuan na lang ni Janelle ang sarili sa mga bisig ni Jebu, kapatid ng lalaking nagdala sa...