[Part 1] KABANATA 3

55.5K 1.1K 59
                                    

"Miss!" sigaw ko sa babaeng kalalabas lang ng library. Kagagaling ko lang sa aking huling klase.

'Yun kasi 'yung babaeng lumapit sa akin noon sa library, para lamang balaan na layuan ko na si Nicole.

"O, Mr. Cuevas!" sabi ng matandang librarian na naglalakad naman papasok sa library. Kasalubong na kasalubong lamang niya ang babaeng hinahabol ko. "Sinong tinatawag mo?"

"Yung babaeng kasalubong niyo." Sinipat ko ang direksyon na pinuntahan ng babae. Bigla itong nawala.

"Kasalubong? Sinong kasalubong? Wala naman akong nakikitang kasalubong ah!" Lumilinga-linga ang librarian.

"M-May kasalubong po kayo kani—" Argh! Nevermind.

Tumalikod na lamang ako at umalis. Anak ng—huwag mong sabihing, multo rin 'yun? Lintek na mga mata 'to, kung bakit naman kasi sapul sa pagkabata'y ganito na 'ko. Kung anu-anong hindi naman dapat nakikita ng isang normal na tao, ang nakikita ko. Ang mahirap pa, kapag nakikita ko sila, hindi sila kakaiba, hindi sila katulad ng mga multong napapanood ko sa mga pelikula. Para lamang kasi silang mga normal na taong gumagala-gala. Exception siyempre 'yung pagpapakita ni Nicole sa amin ni Rhea sa kuwarto ko.

"Tristan!" Isang pamilyar na boses sa di kalayuan. Napalingon ako. Si Rhea ito. "Ops!" Sigaw niya. "Huwag kang mag-alala, hindi kita hahabulin, huwag ka nang tatakbo." Tatawa-tawa ito. "Binabati lang kita kasi masyado kang seryoso. Sige, bye!" Sabay talikod niya, akmang lalakad papalayo.

"R-Rhea, sandali." Halos madapa na ako sa bilis ng paglalakad ko. Hindi niya ako nilingon. Nagmamadali talaga siyang umalis.

Tumakbo na ako para maunahan siya at maharangan. Nang nagpumilit siyang tumalilis, ay no'n ko na rin nakumpirma na iniiwasan nga niya ako.

"Tamo ka!" Sabay hila ko sa braso niya. "Ako'tong unang binati mo, tapos ikaw din ang umiwas. Bakit Rhea? May problema ba tayo?"

Hindi siya nagsalita. Yakap-yakap lamang niya ang binder. Nakayuko.

Tiningnan ko siya pababa. At ngayon ko lamang napansin na nagbalik na siya sa dati niyang porma—'yung nakamahabang sayang pangmatanda.

"Eh kasi..." Tiningnan ko ang mukha niya—hindi na siya nakasalamin at naka-braces.

"E kasi, ano?"

"Hindi ako nakaporma." Sabay hawak niya sa long skirt niya. "Nakakahiyang sumabay sa 'yo."

Hindi ako nakapagsalita kaagad. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Kasalanan ko rin 'yun, ganun kasi ang sinabi ko sa kanya no'ng nasa high school pa lamang kami. Madalas ko kasi siyang nakakasabay noon sa corridor ng school. Naaalala ko pa...

"Hi Tristan, pwede bang sabay tayong mag-snack?"

"Hindi."

"Sige na, please?!"

"Ayoko!"

"Sige na, please? Ililibre kita!"

"Ayoko sabi eh!"

"Snack lang naman eh..."

Ang Babae sa Crossing [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon