The Cursed Healer: The Meeting

1.2K 36 9
                                    

Photo (c): owner

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Photo (c): owner

Author's Note:

First ever  book ko sa Phr Gothic ang The Cursed Healer. Bata pa ako noon sa writing. Published, 2011. Di ko na maalala kung 2010 story. Gusto ko lang talagang nag-e-experiment. Sinubukan ko lang kung kaya ng powers ko. Hindi rin sa akin ang plot, sa mga boss. (Salamat po!) Hindi ko naisip dati na hahaba ang Fedeo myth. Wala naman talaga akong balak na mas i-extend pa ang The Masked Man pero dahil ang dami ng PM na hindi daw sila maka-move on sa book na ito, ipinakilala ko ang tatlong apo ng Orihinal

Pinaka-memorable book ko ang The Cursed Healer. Iba 'yong experience ko sa story na ito. Pinakamaraming comments at feedback sa mga books na naisulat ko. Nakakagulat. Lalo na ang isang PM na nagsabing nasa parehong sitwasyon sila ni Crystal. Pagkabasa niya daw sa book, alam na niya ang tamang gawin. 'Di ko expect. Windang si self!

Pero kung may positive, may negative rin. 'Yong iba nga sa mismong mga "kakilala" ko pa galing (hindi nila alam na umabot sa 'kin, haha! Medyo nakakaloka ang part na ito pero tawa na lang ako.) May pakpak kasi talaga ang balita, hehehe.

Pero sa lahat  ng 'yon, mahal ko si Father Raze/Chase. Kung wala siya, wala ang VA Gothic na nababasa n'yo ngayon. Siya pa rin ang favorite hero ko! :)

Happy reading!

---- :) -----

"Handa na ba ang hapag?" tanong ni Hermana Ligaya pagpasok nito sa kusina.

"Handa na po," sabay-sabay na sagot nilang tatlo.

Ngumiti ang Hermana. Nasa anyo nito ang tuwa nang makitang nakaayos na ang hapag-kainan. "Eli, Crystal, nasa loob na ng simbahan si Padre. Salubungin n'yo at ipasok sa silid ang mga gamit niya."

Kaagad silang tumalima ni Eli. Magkasunod silang nagtungo sa pintuan sa kanan ng altar. Doon sila dumaan para salubungin ang bagong dating na pari.

"Magandang araw ho, Father," bati ni Eli.

Nagtaas ng mukha si Crystal. Naudlot ang dapat sana ay pagbati rin niya nang madako sa mukha ng pari ang tingin. Isang babae at isang lalaki ang kasunod nito na siyang may bitbit sa mga gamit pero wala sa mga ito ang atensiyon niya. Hindi niya alam pero sa mga mata ni Father Raze na natatakpan ng dark sunglasses natutok ang mga mata ni Crystal. Kahit hindi niya nakikita ang mga mata ng pari, pakiramdam ng dalaga ay sa kanya ito nakatitig.

"Tutulungan na ho namin kayo," sabi ni Eli. Kinuha nito ang bitbit ng pari, pati ng babaeng katabi nito.

Dapat ay ganoon din ang ginawa ni Crystal sa isa pang kasama ni Father Raze pero tila nahipnotismo siya sa kinatatayuan kaya hindi niya magawang kumilos. Sumunod na kay Eli ang dalawang kasama ni Father Raze pero hindi pa rin niya magawang tuminag sa may altar. Noon niya napagtanto na pamilyar ang kabog sa dibdib niya; katulad iyon ng kabog sa kanyang dibdib tuwing nakikita niya ang anino sa panaginip.

Humakbang si Father Raze. Gustong umurong ni Crystal pero hindi sumunod ang mga paa niya. Hindi iisang beses na napalunok siya. Hindi naman pala siya ang sadya ng pari kundi ang altar. Humalik ito roon bago marahang bumaling sa kanya. Nakaawang ang mga labi ni Crystal habang nakatingin siya sa mukha nito. Hindi talaga niya kayang ipaliwanag ang pakiramdam na iyon. Bakit ganoon ang pintig ng puso niya?

"Magandang araw," bati ng pari sa kanya sa mabait na tono.

Saka pa lamang bahagyang natauhan si Crystal. "M-magandang araw po, Father." Yumuko siya bilang paggalang. "Tumuloy na po kayo sa loob. Hinihintay na po kayo ni Hermana Ligaya."

Tumango si Father Raze at ngumiti.

Sa isip ni Crystal ay bagay rito ang piniling propesyon. Maamo ang mukha ng pari. Kung hindi siguro ito naging pari ay malamang na naging modelo o kaya ay artista.

Humakbang na si Father Raze para pumasok sa pinto sa kaliwa ng altar pero pagkatapos ng tatlong hakbang ay huminto at nagtanggal ng salamin bago lumingon sa kanya. Nagtama ang mga mata nila. Nasapo ni Crystal ang dibdib dahil sa pagsikdo ng kanyang puso. Bakit ganoon ang epekto sa kanya ng mga mata ni Father Raze?

Hindi kayang ipaliwanag ni Crystal ang naramdamang iyon. Hindi niya maintindihan ang kakaibang pakiramdam na dulot sa kanya ang mga mata ng pari. Parang may tahimik na puwersang nag-uugnay sa kanila. Kung tama ang kutob ng dalaga ay hindi lamang siya ang nakaramdam niyon—dahil tinitigan din siya ni Father Raze.

"Ano'ng pangalan mo?" mababa ang boses na tanong ng pari.

"C-Crystal po, Father."

"Kung ganoon, ikaw ang debutante na nabanggit ni Hermana Ligaya."

Ngumiti ang pari at bumalik sa harap niya. Idinantay nito ang kanang kamay sa ulo niya. "Happy birthday. God bless you."

Ilang minuto nang nakaalis si Father Raze ay hindi pa rin natitinag si Crystal sa kinatatayuan. Hindi normal ang pintig ng puso niya...

Kissed By Twilight (Blood And Rose)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon