The Maestro: Crissa's Hero

1K 20 3
                                    


Pagkalipas ng ilang taong nahawi ang mga itim na ulap...

PALAPIT na nang palapit sa batang si Crissa ang tinatakasang asong kalye. Hindi alam ni Crissa kung saan nagmula ang aso. Pagkalabas niya ng kagubatang regular na pinagkukunan ng kahoy at mga ligaw na prutas ng papay niya ay kinakahulan na siya ng aso. Nang tumakbo siya ay lalo iyong nagalit, hinabol siya na para bang butong papawi sa buong maghapong gutom nito.

Sa halos isa't kalahating kilometrong layo ng kagubatang iyon sa bahay nila ay nasisiguro ni Crissa na maabutan siya ng aso bago siya makapasok sa bakuran nila. Alam niyang magagalit ang papay niyang si Amado; tinakasan na naman kasi niya ang ama. Sa oras na malaman nitong nanganib ang kaligtasan niya dahil sa pagiging sutil ay malamang na ihagis pa siya ng ama sa mismong harap ng aso para parusahan. Wala siyang pagpipilian ngayon kundi iligtas ang sarili mula sa mga ngipin ng aso. Hindi siya mapapahamak. Alam niyang tulad ng ilang pagkakataong nasuong siya sa delikadong sitwasyon ay malalampasan niya iyon.

Naniniwala si Crissa na nasa paligid lang ang walang mukhang tagapagligtas na sumasagip lagi sa kanya—ang una ay noong suungin niya ang kagubatan para tuklasin kung gaano iyon kaluwang. Gusto niyang malaman kung ano-ano ang mga nasa loob ng kagubatan, may mga hayop bang naroon na mababangis at kung gaano katayog ang matatandang puno. Nakita niya ang mga nais niyang makita subalit isang ahas ang nag-aabang sa kanya nang palabas na siya ng kagubatan. Nagitla siya sa laki ng ahas at sa nakaangat na ulo niyon. Unang pagkakataon iyon na nakakita siya ng buhay na ahas. Tumili siya nang pagkalakas-lakas habang mariing nakapikit. Pagmulat niya ay may nakabaon nang patalim sa leeg ng ahas. Isang itim na pigura na mabilis na kumubli sa kakahuyan ang nahagip ng kanyang mga mata. Ilang beses niyang hinanap iyon pero wala siyang natagpuan.

Ang ikalawang pagkakataon naman ay sa malalim na ilog na matapang niyang sinubukan kung gaano kalalim. Hindi na siya nakaahon. Pawala na ang malay niya nang maramdaman niyang may nag-ahon sa kanya.

Darating kaya ang tagapagligtas niya?

Sa pag-iisip ni Crissa at paulit-ulit na paglingon sa aso ay napatid siya sa kung ano. Paluhod siyang bumagsak sa malubak na kalsada. Ramdam niya ang maliliit na batong binagsakan ng mga tuhod at palad niya. Hindi niya ininda ang sakit pero nang paglingon niya at makitang susunggaban na ng aso ay tumili siya nang ubod-lakas at isinalag sa tapat ng mukha ang kanyang mga braso para protektahan ang sarili.

Pero hindi niya naramdaman ang pagbaon ng mga ngipin ng aso sa kanyang balat. Ang naramdaman ni Crissa ay ang pag-angat niya sa ere at muling paglapat ng mga paa sa kalsada ilang metro ang layo mula sa lumampas na aso. Nang muling mahagip ng mga mata niya ang hayop ay bagsak na ito sa gitna ng kalsada, nakabaon sa gitna ng tiyan ang matalas na patalim.

Naramdaman ni Crissa ang pag-ihip ng hangin, tinangay sa mukha niya ang mahaba at itim na itim na buhok. At saka lang niya napagmasdan ang sarili, tinangay siya ng isang taong nakasuot ng itim at mahabang damit na bumabalot sa buong katawan at pati sa mga braso, nakaguwantes din ng itim, at mahaba ang buhok...

Aswang?

Pero hindi pa naman takipsilim...

Naalala ni Crissa ang kuwento ng tatay niya tuwing pinapatulog siya. May aswang daw sa lugar nila at dinadagit ang mga batang tulad niya na hindi natutulog kaagad sa gabi. Nagsisimula raw gumala ang mga aswang para maghanap ng biktima pagsapit ng takipsilim. Inilarawan pa ng tatay niya ang anyo ng aswang—maitim na taong puno ng balahibo at natatakpan ang mukha ng mahaba at maitim na buhok! At may kakayahan daw na magpalit ng iba't ibang anyo ng hayop.

Nanlalaki ang mga matang unti-unting nag-angat ng tingin si Crissa para makita ang tunay na anyo ng aswang sa kuwento ng tatay niya...

Napakurap siya nang makitang hindi maitim kundi maputing-maputi ang balat ng aswang! Hindi ito ang aswang na nasa kuwento ng tatay niya... Pero sino ito? Bakit siya nito tinulungan? Kaibigan ba ito ng tatay niya kaya kilala siya?

Niyuko si Crissa ng taong itim ng—at namilog ang mga mata niya. Berde ang mga mata nito? Hindi. Mapusyaw na mapusyaw na brown na nagiging berde? May ganoon bang kulay ng mga mata?

Engkanto?

Isa pa ang nilalang na iyon sa mga ikinukuwento ng tatay ni Crissa. Ang mga engkanto raw ay mga nilalang na puting-puti ang balat, may makintab at puti ring buhok at may kakaibang kulay ng mga mata. Hindi niya alam kung alin sa mga kuwento ng ama niya ang totoo. Mahilig kasing magdagdag ang tatay niya sa alinmang kuwento nito.

Hindi aswang ang taong nakaitim na damit dahil hindi ito maitim na nilalang. Hindi rin ito engkanto dahil maitim ang mahabang buhok at hindi maputi at makintab. Kung wala ito sa dalawang nilalang na iniisip niya, ano ito?

Kalahating aswang at kalahating engkanto?

Hinawakan ni Crissa ang buhok nitong inililipad pa rin ng hangin sa tapat ng mukha niya sa pagkakayuko nito sa kanya. Ang lambot ng buhok nito... parang buhok ng engkanto sa kuwento ng tatay niya... at natatakpan pala ng mahabang buhok nito ang kalahati ng mukha.

"Umuwi ka na," sabi nito.

Lalong napatitig si Crissa sa mukha nito. Lalaki pala ito. Sa haba ng buhok at sa maganda at makinis na puting-puting mukha ay naisip niyang babae ito. "I-ikaw po ba ang Anino sa gubat?" Matagal siyang tinitigan ng lalaki bago marahang tumango. Napasinghap at namilog ang kanyang mga mata. "Ikaw po ang mabait na anino?" Ang saya niya ngayon. May mukha na ang aninong hinahanap niya sa gubat! "Ano'ng pangalan mo, Anino?"

"Isa akong magsasaka. Sa gubat ang tahanan ko kaya nakikita ko ang mga batang sutil na gumagawa ng kalokohan at hindi sumusunod sa mga magulang."

Napangiwi si Crissa. Hindi yata niya kakampi ang Anino. Baka isumbong pa siya nito sa papay niya!

"Zefro ang pangalan ko," sabi nito. "Sa susunod na mahuli kitang sinusuway ang utos ng Tatay mo, ako mismo ang magpapakain sa 'yo sa asong kalye."


Namilog ang mga mata ni Crissa. Hindi pala niya kakampi ang anino!


Kissed By Twilight (Blood And Rose)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon