DAIG pa ni Clarence ang clown habang nasa harap ni Amber. Panay ang patawa nito, na hindi naman nakakatawa. Handa na nga yatang lumunok ng bubog o lumakad sa apoy ang lalaki maaliw lang siya.
"Papatayin kita, Clarence." Iyon ang madamdamin niyang babala sa kaibigan nang mahimasmasan siya pagkatapos ng muling pagtalon niya sa panahon.
Sa bahay ni Tino sila bumagsak. Nagkumahog ang kaibigan ni Clarence na dalhin sila sa ospital. Ayon na rin daw sa mentor nito, posibleng may peligrong hatid sa kalusugan ang pagtalon-talon sa panahon. Naintindihan ni Amber kung bakit. Ayon sa teorya, binabago ng paglalakbay sa panahon molecullar composition ng katawan ng isang tao para makahulagpos iyon sa pagkakagapos sa pangkasalukuyan. Pagdating sa kabilang panahon ay saka ulit bumabalik sa dati ang ayos ng naturang mga molecules. Hindi kakayanin ng katawan ng tao ang paulit-ulit na pagkakawasak at pagkakabuo ng mga ito.
Pangalang tawid na niya iyon kaya ang higpit ng pakiusap ni Tino na magpatingin sila sa doktor. Pero giit ni Amber, kailangang mabisita muna niya ang ama. Noon na umamin si Clarence. Nagsinungaling lang daw ito. Hindi inatake sa puso ang daddy niya. Sinabi lang nito iyon para makumbinsi siya na sumama na rito.
Mukhang ayos pa naman siya dahil walang nakitang problema sa kanya ang mga pangunang tests na isinagawa ng mga doktor. Pero si Clarence, hindi mananatiling maayos ang lagay. Papatayin niya ito.
"I did what I had to. Delikadong mamalagi ka sa panahong iyon. Baka hindi ka na makabalik," katwiran ng kaibigan niya.
"The decision to leave or stay should have been mine," sagot niya.
Hindi rin niya naituloy ang balak na ipadala na si Clarence sa kabilang buhay dahil humahangos na dumating ang mga magulang niya. Abot-abot ang pag-aalala ng mga ito, abot-abot din ang pasasalamat na nandoon na siya, buhay at malakas naman.
"Hindi ko akalain na nangyayari ang ganoon," anang daddy niya. "But baby, don't ever do that again." Mangiyak-ngiyak ito.
"Oo nga, anak. Muntik kaming mabaliw sa ginawa mo. Akala namin..." Hindi naituloy ng mommy niya ang sinasabi. Nabasag ang tinig nito.
"Sorry, 'my, 'dy," hingi niya ng tawad sa mga ito. Kahit paano pagbali-baligtarin ang mga pangyayari ay lalabas at lalabas pa rin na naging selfish siya.
Mukhang wala namang masamang epekto sa kanya ang paglalakbay niya. Iyon ay kung ang pisikal na lagay niya ang pag-uusapan. Ang tanging naapektuhan ng matindi, ang puso niya.
Pero at least nalaman mo na may puso ka at gumagana naman pala iyon. Tao siya, ibig sabihin. Hindi robot.
Bumabawi sa kasalanan nito si Clarence kaya hayun, halos araw-araw siyang dinadalaw, dinadalhan ng kung ano-ano, nagpapa-kenkoy. Labag man sa loob niya ay tinanggap na rin ni Amber na para sa kabutihan niya kaya nagsinungaling ito sa kanya. At baka naman darating ang panahon na iibig din siya ulit sa iba.
Sa ngayon nga lang ay ganoon na lang ang pagkirot ng puso niya sa tuwing maaalala si Gregorio. He's her great love. And her first. Mahabang panahon tiyak ang lilipas bago niya ito makalimutan.
"Tama na nga 'yan, Clarence." Sinita niya ang kaibigan na nagma-magic tricks. Kakatapos lang nitong kunin mula sa tainga niya ang baryang nawala ng basta lang sa kamay nito kanina. "I'm tired. I want to rest."
"Galit ka pa rin ba?" Para itong korderong sinipa.
"Not so much anymore. Pero pagod lang talaga ako."
"Patingin ka sa doktor. Bakit lagi kang pagod. Baka epekto ng..."
"Hindi," sabad niya. Sigurado niya, hindi ang paglalakbay niya ang dahilan. It's the kind of weariness that comes with sadness. And depression.
BINABASA MO ANG
Time After Time by : Kayla Caliente (completed)
RomanceMay different version ang story na ito sa PHR. Iba ang ending at iyong ibang pangyayari. But I hope na kahit iyong book o wattpad version ang mabasa eh okay pareho sa inyo.