NAUDLOT ang pagtipa ni Amber sa computer - nagsimula ring magdilim ang paningin - nang may mga kamay na dumantay sa magkabilang balikat niya. Ayaw na ayaw niyang ini-istorbo siya, lalo kapag ganoong obvious na abalang-abala siya sa ginagawa. Mabuti na lang at niya masuntok ang nang-istorbo ay naalala niya kung sino ang madalas gumawa ng ganoon. Ang nag-iisang kaibigan niya sa mundo. Si Clarence. Binalingan ito ni Amber, tatalakan dapat niya, pero nagpigil siya.
What's the use? Wa epek sa lalaking ito ang matatalas na salitang ginagamit niya. Hindi nito iniinda. Hahayaan lang nitong maubos ang galit niya saka sasabihin ang pakay. Na kadalasan ay wala namang kakaturan. Simpleng I just wanna hang out with you ang ikakatwiran.
Hang out with me? Duda siya sa katinuan ni Clarence. Sinong matinong tao ba ang gugustuhing mag-hang out kasama niya? Siya na hindi lang saksakan ng weird, medyo masungit pa. Ayon iyon mismo sa mommy niya And they say mothers know best, right?
Nagkakilala sila ni Clarence noong mga batang munti pa sila. Kinagat niya ito nang agawin nito ang laruan niya. Itinulak naman siya nito sa pool bilang ganti. Pero nagsisi rin naman yata ito agad, ito rin ang mismong sumubok na iligtas siya. Hindi nga lang iyon umubra dahil hindi pala ito marunong lumangoy. Ang resulta, dalawa pa silang kinaiangang hanguin mula sa pool. Salamat na lang at napadaan sa gawing iyon ang daddy niya.
Magkaibigan ang mga magulang nila kaya natural lang na maya't maya silang magkita. Likas na mabait na tao lang siguro si Clarence, walang masamang tinapay dito, kaya sa kalaunan ay nakawilihan na rin itong kasama ni Amber. At least to the extent that she can be close to another human being. Naiintindihan siya ni Clarence at siya, nakasanayan na ang presensiya ng lalaki sa buhay niya, kaya ito ang namumukod-tanging nakakalapit-lapit sa kanya, nakapang-iistorbo pa nga, na hindi nanganganib ang kalusugan.
"Uy, you're learning." Ngumisi ang lalaki sa kanya.
"Learning not to kill you? Don't count on it. Nag-iisip pa lang ako ng pinakamasakit na paraang bagay sa iyo," ganti niya.
"Huwag ka ngang ganyan. Nandito lang naman ako sa utos ni Tita Rachelle."
"At ikaw na walang backbone, susunod ka naman agad-agad sa ipinagagawa ng mahal kong ina?" Iyon lang ang isa sa mga ikinaiinis ni Amber sa lalaki. Tsu-tsu ito sa mga magulang niya. Kung umasta ay parang ama't ina na rin niya ang mga ito porke lang close friends ang mga ito ng sariling mga magulang nito.
"Oo naman. Parang hindi mo 'ko kilala ah." Ni hindi man lang napahiya, o nainsulto, si Clarence.
"Ano na naman ba ang ipinag-uutos niya sa iyo ngayon? Wait, let me guess. Gusto niyang kaladkarin mo na naman ako kung saan, right?"
"Mismo!" Ngumisi ito. Masarap piratin ang ilong nito kapag umaasta ito ng ganoon. Masyadong nakakaloko ang dating nito. Kung sabagay, luko-luko talaga ang lalaki Kaya nga siguro nagkakasundo sila. Pareho silang may sayad, sa magkaibang paraan lang. "Pasalamat ka nga at naiisip ka niyang pahanginan at paarawan. Kung hindi baka ang dami mo ng amag. Kaya tayo na!" Sinimulang hilahin ni Clarence ang braso niya.
"Heh!" Ipinagpag ni Amber ang kamay na kapit-tuko sa braso niya. "In case hindi mo pa nahahalata, may ginagawa ako."
"Lagi naman eh. At paulit-ulit din lang. Hindi rin umuubra."
Pasalamat si Clarence at weird lang siya, hindi bayolente. Kung hindi, tiyak na ginulpi na niya ito. Natumbok nito, bull's eye pa nga, ang inseguridad niya. Mula pa kasi noong iilang dangkal pa lang ang taas niya mula sa lupa ay nagpupursige na siyang matuklasan ang tamang paraan upang makapaglakbay sa panahon. And she kept at it throughout her growing up years. Mas pinag-uukulan pa niya ng panahon ang pagbuo ng mga formula na posibleng umubra para marating niya ang hinaharap kesa ang pagpili ng isusuot niya sa prom. Mas pinaglalaanan pa niya ng inipong allowance ang pagbili ng mga gamit sa pag-e-eksperimento niya kesa damit o pang-kikay na hilig ng mga kaedad niya. Mas kabisado pa niya ang talambuhay ni Einstein kesa sa mga teen idols na nagsulputan noong bagets siya.
BINABASA MO ANG
Time After Time by : Kayla Caliente (completed)
RomanceMay different version ang story na ito sa PHR. Iba ang ending at iyong ibang pangyayari. But I hope na kahit iyong book o wattpad version ang mabasa eh okay pareho sa inyo.