Chapter 2: ANG PAGBABALIK NI GROGONIA

3 1 0
                                    

"Huwag! Huwag! Huwag!"

Takot na takot na magkakasunod at mahahabang sigaw iyon ng matinis na tinig ng isang babae mula sa hindi matukoy na lugar na pinaghaharian ng nag-aagawang liwanag at dilim. Mas lamang ang dilim, kung kaya, hindi malinaw na maaninaw ang pigura ng mga taong tila nagpapambuno sa isa't isa.

Palakas nang palakas ang tinig na iyon na sinasalitan pa ng pag-iyak na lubhang makabagbag-damdamin. Paulit-ulit ito na mas nangingibabaw sa ibang mabababang tinig ng ilang kalalakihang parang mga ulol na nagtatawanan. Walang abog na gumagambala sa katahimikan ng gabi ang mga iyak at tawanang iyon .

Naalimpungatan si Kim mula sa kaniyang mahimbing na pagtulog at may pag-aalalang napabalikwas ng bangon nang mapagwari niyang binabangungot siya. Naroroon siya sa kaniyang silid tulugan at suot niya ang paborito niyang damit panggabi.

Dinalaw na naman siya ng panaginip na iyon. Nanuyo na naman ang kaniyang lalamunan sa kahihingal dahil totoong kahindik-hindik ang tagpong iyon na hindi na yata siya titigilang bisitahin sa tuwing kalaliman ng gabi. Kapag nagising siya ay naririyan na naman ang hindi-pangkaraniwang malamig na simoy ng hanging magpapatindig ng kaniyang balahibo na susundan pa ng aktuwal na pagtawag ng gayunding tinig mula sa kaniyang panaginip.

"Kim! Kim! Kim!" tatlong beses na tila nagmamakaawang sambit ng tinig sa tonong parang nagmumula sa ilalim ng lupa. Bawat tawag sa pangalan niya ay may kabuntot na paghikbing parang may ipinagdaramdam na nais iluhog sa kaniya.

Kasabay ng mga paghikbi ay ang paglakas ng hihip ng hanging nagmumula sa bahagyang nabuksang bintana. Nagwala ang mga kurtina na sinamantala naman ng pagpasok ng animo mga usok ng kapaligirang nagyeyelo.

Kinakatkat ng kabang kinapa ni Kim ang munting Bibliya na isinuksok niya sa ilalim ng kaniyang unan. Natuklasan niyang nanginginig ang kaniyang mga kamay.

"Diyos ko po!" halos pangapusan ng hiningang bulong ni Kim sa sarili. Pinagpapawisan siya kahit malamig ang hangin, bagay na nakapagpapatuliro't nakapagpapataranta sa kaniya.

Ngunit sa malas ay nakapagtatakang walang nakapa ang kaniyang mga kamay. Lalo tuloy siyang pinanginigan ng takot na tuluyan nang umalipin sa kaniya.

Tanda niya ay iniipit niya ang munting Bibliya sa ilalim ng malambot at malapad niyang unan bago natulog bilang pangontra sana sa bangungot. Pero saan ito napunta at bakit wala?

Naglakbay ang puting usok palapit kay Kim na nagkukumahog sa pagkapa sa ilalim na kaniyang malapad at malambot na unan. Parang may isip na lumukob ito sa kaniya nang dahan-dahan.

Sa loob lamang ng ilang saglit ay unti-unting nanghina si Kim at napalupaypay na muling nakatulog.

DARK DREAMERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon