Paunang salita: Ang mga sumusunod ay kathang isip lamang. Anumang pagkakapareha ng istoryang ito sa reyalidad at iba pang mga kuwento ay hindi sinasadiya ng may akda. No to plagiarism.
Maligayang pagbabasa.
Isinulat ni Angel Medenilla.
I AM A BAD GENIE
"MAMA! PAPA!"
Nagpipigil ako ng mga hikbi habang pinapakinggan ang aking kaibigang tumatangis. Kasalanan ko ito. Kasalanan ko lahat.
Napapunas ako sa mga basa kong pisngi. Nangangawit na ako. Mahigit kalahating oras na din akong tahimik na nakatayo sa harap ng pinto niya. Aalukin ko sana siyang kumain kaso hindi ko siya kayang harapin.
Kinakain ako ng konsensiya ko.
"Ano? Kakain pa ba kayong magkapatid? Mga palamunin, hala sige, huwag na kayong kumain. Magpagutom na lang kayo!" Sigaw ito ng tiyahin ni Celine mula sa kusina. Madami pa siyang ibinubunganga pero wala na akong lakas pang pakinggan siya.
Patuloy ang pag-agos ng aking mga luha para sa mag-asawang tumayong pangalawa kong mga magulang. Isa akong ampon. Pero kailanman ay hindi nila ako itinuring na ganoon.
"HOY BATA!" Naabutan ako ng tiyo at idinuro. "Patahimikin mo nga iyang kapatid mo. Ang ingay-ingay. Akala mo naman kahapon lang namatay ang mga magulang eh dalawang araw na ang lumipas."
Nilunok ko muna ang galit ko at saka naglakas-loob na buksan ang pinto.
Halos mapaluhod ako sa naabutan. Basag ang cellphone niya na ihinagis sa kalayuan, lukot na parang papel ang bedsheet, ang mga damit niya ay nagkalat sa sahig. Inuuntog-untog pa niya ang noo sa gilid ng kama.
Hindi ko maiibsan ang sakit na nararamdaman niya ngayon. Malalim akong napabuntong hininga. Hindi nagtagal ay nanlamig ang mga palad ko at napako ako sa katayuan.
May kung anong mainit na pwersa ang bumalot sa aking buong katawan, naglalaro ito mula sa talampakan paakyat sa aking ulo. Paikot-ikot. Dama ko ang pagpintig nito sa mga ugat.
Hindi. Hindi maaari. Pinagmasdan ko ang mga palad na naglalabas ng usok. Napalunok ako sa kaba. Gusto kong ihakbang ang mga paa ko. Gustong-gusto kong tumakbo palayo pero hindi ko kaya.
"Ben," tumingin ito sa akin na walang buhay ang mga mata.
Ibinalik ako ng mga pangyayari sa simula.
"Don, pakiusap. Maawa kayo sa amin. Wala na kaming ibang hanapbuhay kundi ang pagsasaka." Bakas sa mukha ng magsasaka ang takot at hinagpis. Ipinagbigay alam ni papa sa kanila na kukunin na nito ang kanilang lupa biglang kabayaran sa kanilang utang.
YOU ARE READING
Bad Genie [Book One-Completed]
Fantasy"Be careful what you wish for, you might just get it." At kung naniniwala ka man, na may dragon na tutupad sa mga hiling mo kapag nakumpleto mo ang pitong dragon balls, o 'di kaya'y may isang fairy godmother na tutupad ng hiling mo kapag iiyak ka sa...