Punyetang Brownout

36 0 0
                                    

Parang isang higanteng babae na nagme-mens ang weather natin sa Pilipinas; andaming mood swings. Napakainit ngayon, maya-maya e biglang uulan nang napakalakas na para bang may hinahabol na quota ang mga ulap. Ganito ang nangyari kagabi. Napagtripan ng panahon na biglang magpakawala ng mala-Kraken na buhos ng ulan at hangin dito sa aming lugar. Sa sobrang lakas ng hangin, lumipad ang bubong ng kapitbahay namin, nagsibagsakan ang mga puno ng Acacia sa gilid ng MacArthur Highway (may malas nga na saktong dumadaan na sasakyan ang nabagsakan nung isang Acacia, patay ang pasahero), at nasira ang mga poste ng kuryente. Marahil alam n'yo na ang ibig sabihin nun (nasa title din kasi): brownout.

Alas-7 ng gabi ng nagsimula ang brownout. Buti na lang at katatapos lang ng ulan kaya hindi ganun kainit. Walang problema kahit hindi mag-aircon o bentilador. Marami rin kaming stock na kandila, mga tira pa noong undas. Hugis orchids pa nga yung isa. Para iwas sunog, nilagay ko sa gitna ng palanggana na may tubig ang kandila. Kung sakaling matumba man e mamatay kaagad ang apoy sa tubig. At kung naengkanto man ako e makikita ko na rin agad dun sa pumatak na kandila sa tubig.

Iniwan kong naka-switch at on ang electric fan sa kwarto bago ako natulog para kapag nagka-power na e automatic na nakasindi na agad ito. 

Natulog ako.

Nagising ako na basa sa sarili kong pawis at ginawang midnight snack ng mga lamok. Alas-5 na ng umaga at brownout pa rin. 

Siguro dahil marami ngang nasira na linya ng kuryente. So hinayaan ko at pinilit kong matulog kahit mainit. Nabigo ako. HIndi na ako makatulog. 

Inabot ko ang aking cellphone para ilawan ang dadaanan ko dahil patay na yung kandila (hugis poste ng Meralco ang lumitaw sa pumatak na kandila). Naghanap ako ng kahit na anong pwedeng gamiting pamaypay. Nakakita naman ako ng isang lumang folder. Pwede na.

Nahiga ako ulit at nagpaypay gamit ang lumang folder. Ayos. Medyo pumresko naman ang aking pakiramdam. At nakatulog ulit ako.

Alas-8, nagising ulit ako. Basa na naman sa sarili kong pawis. Brownout pa rin. Ayos lang, sabi ko sa sarili ko. Malamang ginagawa pa lang nila ngayon ang mga nasirang poste. 

Lumipas ang maghapon, 5 beses na pagligo, at wala pa ring kuryente. Nagreklamo na kaming magkakapitbahay sa Angeles Electric, sa barangay, sa health center, sa bangko, sa karinderya, sa palengke, kay Mike Enriquez, kay Erwin Tulfo, kay Barrack Obama, pati sa drive-thru ng Jollibee, wala pa ring kuryente.

Malapit na kaming sumuko. Malapit na kaming magrally sa EDSA. Biglang dumating ang pinakahihintay na tagapagligtas ng mga basang kilikili: ang truck ng mga lineman.

Dinumog ng mga tao ang mga lineman. Daig pa ang pagdumog ng mga tao sa Tacloban sa mga dumarating na truck ng relief goods noong panahon ng Yolanda. Daig pa ang pagtili sa galak ng mga dalagitang kumikirengkeng sa mga KPOP band kahit hindi maintindihan ang mga kanta nila. Naging mga rockstar ang mga lineman ng Angeles Electric.

Taimtim na nanood ang lahat ng tao sa street namin habang kinukumpuni ng mga lineman ang mga nasirang linya ng kuryente. Tanging mga himig ng kuliglig ang maririnig mo sa sobrang tahimik ng buong paligid habang nanonood kaming lahat. Bawat segundo'y aming inabangan, higit pa sa kahit anong laban ni Pacquiao.

Nang malapit nang matapos ay nagcountdown pa kaming lahat.

10...

9...

8...

7...

6...

5...

4...

Hindi umabot ng 1 e sumindi na ang mga ilaw. 

Nagbunyi kaming lahat. Tagumpay! Tagumpay! Nagyakapan ang iba. Ang iba nama'y lumuha ng tears of joy. Napakasaya naming lahat. Habambuhay na tatatak sa aming mga puso ang oras na yun. Biglang nagsitakbuhan lahat ng mga tao sa kani-kanilang bahay upang magcharge ng cellphone na drain na ang mga baterya, naglaro na nga DOTA ang mga batang tambay, at ang mga babae ay nanood na ng The Legal Wife para kumuha ng teknik kung paano hulihin ang mga asawa nila kung sakaling sila ay nambabae.

Mug ShotsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon