Huling Biyahe

1K 68 2
                                    

Haunted Jeepney

Galing sa inuman ang kambal na Anderson at Samson nang makita nila ang mabilis na pag-usad ng isang jeepney. Huminto ito sa isang waiting shed kung saan naghihintay ang isang dalaga.

“B-bro, si Kara ‘yun ah.” Susuray-suray na tinuro ni Samson ang dalaga.

Pupungas-pungas na tumingin si Anderson sa dalaga. “O-oo nga ano? S-saan kaya ang punta n’ya sa ganitong oras? Hik! A-alas tres na nang madaling araw ah hik!” Sinisinok na sabi n’ya.

Hinila ni Samson ang kanyang kapatid. “T-tara nga, at sundan natin. Baka kung saan pa mapunta ‘yun, mapahamak pa.”

Susuray-suray na naglakad ang dalawa palapit sa dalaga. Malapit na sila nang sumakay sa jeep si Kara.

“S-sandali lang Kara!” Sigaw ni Samson sa dalaga ngunit hindi man lang ito lumingon sa kanila.

Kumaripas nang takbo ang jeep na sinasakyan ni Kara at sa isang iglap lang ay hindi na nila ito matanaw.

“A-ang bilis naman ng jeep na ‘yun.” Naiiling na sabi ni Anderson.

“T-tara na nga, umuwi na tayo, inaantok na talaga ako eh.” Hinila na ulit ni Samson si Anderson at pasuray-suray silang naglakad  patungo sa kanilang tirahan.

Kinabukasan, alas dose na nang tanghali nagising ang magkapatid. Kung hindi pa sila sinigawan ng kanilang ina, hindi pa sila babangon.

“Magsigising na kayo d’yan mga tumador!” Singhal ng kanilang ina na si Aling Epang.

Pupungas-pungas na bumangon ang dalawa.

“Akala ko naman may sunog.” Sabi ni Anderson habang pinupunasan ang kanyang mga mata.

“Aba, anong petsa na! Hindi porket wala kayong pasok, matutulog na lang kayo maghapon! Aba, kumain naman kayo nang magkalaman ‘yang mga utak n’yo, at nang hindi puro alak ang inaatupag n’yo!” Panenermon ni Aling Epang.

“Opo Inay.” Sabay na tugon  ng dalawa at bumaba na sila para kumain.

Habang kumakain ang dalawa, napansin ni Anderson na maraming tao sa may tapat nila.

“Inay, ano pong meron kina Aling Karen?” Tanong ni Anderson na nanghahaba ang leeg.

Naghugas ng kamay si Aling Epang. “Naku, namatay daw si Kara. Inatake sa puso kagabi.” Napailing si Aling Epang. “Kawawang bata, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.” Nag-sign of the cross pa ang ginang.

Napatigil naman sa pagsubo ng kanin ang dalawang binata. Napatulala sila at nagkatinginan. Napatingin naman sa kanila ang kanilang Ina.

“Oh? Anong nangyari sa inyo? Bakit tila natuklaw kayo ng ahas?”

“Panong nangyari ‘yun? Nakita po namin si Kara na sumakay ng jeep kaninang alas-tres ng madaling araw sa may waiting shed sa bayan.” Naguguluhang sabi ni Samson.

“Oo nga po Inay, kitang kita naming dalawa na si Kara ‘yun.” Pagsang-ayon ni Anderson.

“Anong pinagsasabi nyo d’yan? Alas-dose daw namatay si Kara.” Napaisip ang ginang sa sinabi nila at napahawak sa kanyang baba. “Hindi kaya ‘yun ang jeep na usap-usapan na kumukuha ng kaluluwa ng pumanaw?” kinikilabutang sabi n’ya.

Napailing si Anderson. “Ang tanda nyo na, nagpapaniwala pa kayo sa ganyang kwentong barbero Inay?”

Binatukan ni Aling Epang si Anderson. “Tigilan mo nga ako! Usap-usapan na dito ang tungkol sa jeep na ‘yan, at sa tingin ko totoo nga ang kwento base na din sa sinabi n’yong dalawa.”

Tumindig ang balahibo ng kambal sa sinabi ni Epang.

Dumalaw ang dalawang binata sa lamay ni Kara sa tapat ng kanilang bahay upang makiramay. Maaliwalas naman ang mukha ng dalaga habang nakahiga ito sa kanyang kabaong. Nai-kwento din nila sa ina ni Kara na si Aling Karen ang nakita nila sa waiting shed.

Lalo pang bumuhos ang masaganang luha ni Aling Karen nang maalala ang sinapit ng kanyang anak. Ayon sa ilang tao na nakarinig sa kanilang kwento, marami na daw ang nakakita sa haunted jeepney na nakita nila Anderson at Samson.

“Alam n’yo, nakita ko na rin ang jeep na ‘yan noong isang buwan. Kung hindi ako nagkakamali, kulay grey ang jeep na ‘yan at lumang-luma na ang itsura. Meron din akong nakita na nakasulat na ‘huling biyahe’ sa unahan ng jeep.” Sabi ng isang matandang lalaki na si Ka Ampong.

Nanlaki ang mga mata ni Samson. “Iyan nga rin po ang nakita namin na jeep!”

“Nakita kong sinundo ng jeep ang kaibigan kong si Anastacio. Ilang ulit ko siyang tinawag ngunit hindi n’ya ako nilingon.” Kwento pa ng matanda at sobrang kinilabutan sila.

Nailibing na si Kara, ngunit palaisipan pa rin sa mga taga Barrio Walang Kupas ang misteryosong jeep na sumusundo ng kaluluwa. Hanggang sa isang gabi, sa kabilugan ng buwan, nakita ni Aling Karen na tumigil sa harapan ng tirahan nila Ka Ampong ang nasabing jeep.

Nakita n’ya sa loob ng jeep si Kara at Mang Anastacio na nakangiti sa kanya. Kinilabutan ang buo n’yang pagkatao sa nasaksihan ng kanyang mga mata.

Maya-maya pa ay lumapit si Ka Ampong sa jeep at masiglang sumakay sa loob. Kinabukasan, nabalitaan na lang nila na pumanaw na din si Ka Ampong.

Horror Stories CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon