Kabanata 11 (edited/revised)

1K 66 6
                                    

Hindi malaman ni Impa kung nasaan na siya dahil sa laki ng palasyo, hindi niya alam ang pasikot-sikot doon. Gayon pa man, kailangan niyang manghiram ng gunting para butasan ang bahaging labi ng kaniyang maskara para masaluhan niya sina Prinsipe Sagani at Haring Mabuti. Gusto man niyang umalis na ngunit hindi niya gustong bastusin ang mag-ama. Maaaring masira ang imahe niya sa hari ganoon na rin sa prinsipe kapag ginawa niya iyon.

Dinala si Impa ng kaniyang mga paa sa hardin na nasa likod ng palasyo. Hindi niya maiwasang mamangha dahil mas maganda pa iyon kung ihahambing sa hardin ng kanilang palasyo. Unang nakaagaw-pansin sa kaniya ay ang punong ginapangan na ng paborito niyang bulaklak na Dapo. Sa tabi ng puno ay may nakahilerang iba't ibang uri ng mga bulaklak.

Awtomatikong napangiti si Impa matapos makita ang isang lalaking ginugupit ang mga damo. Hindi na siya nag-alinlangan pang lapitan ito dahil may ideyang pumasok sa kaniyang isipan. Kahit alam niyang mahihirapan siya sa kaniyang gagawin ay itutuloy pa rin niya iyon dahil batid niyang naghihintay na sa kaniya ang prinsipe at ang hari.

"Prinsesa Impa." Bahagyang yumuko ang hardinero.

"Kilala mo ako?" pagtatakang tanong ni Impa habang turo niya ang kaniyang sarili.

"Nakita ko kayong pumasok sa palasyo kasama si Prinsipe Sagani. Nalaman ko na ikaw pala ang sinasabi nilang misteryosong prinsesa ng Maganlahi." Umayos ng tayo ang hardinero at bahagya itong ngumiti. "May ipag-uutos ba kayo sa akin?"

"Wala naman." Napalunok si Impa nang batuhin niya ng tingin ang nakaumbok sa suot na pajama ng hardinero. Ang hawak nitong may kalakihang gunting sana ang titingnan niya ngunit hindi talaga niya napigilang hindi tingnan ang nakaumbok sa ibaba ng lalaki. Alam niyang kung hindi cute ang hardinero, hindi niya iintindihin kung ano man ang nakaumbok sa harap nito.

"Kung ganoon, babalik na ako sa aking pagtatrabaho."

"Sandali lang," pagpigil ni Impa sa hardinero nang akmang tatalikod na ito. "Puwede ko bang hiramin 'yang hawak mo?"

Sandaling tiningnan ng hardinero ang hawak nitong gunting. "Ano ang gagawin ninyo rito, Prinsesa Impa?"

"May importante lang akong gagawin." Si Impa na ang kumuha ng gunting mula sa hardinero. "Huwag mo akong susundan."

Pumunta si Impa sa isang tagong lugar at siniguro niyang walang ibang tao roon bago niya gawin ang balak. Matapos makatiyak ay tinanggal na niya ang suot na maskara para magupit ang bahaging labi. Alam niyang mahihirapan siya dahil malaki ang gagamitin niyang panggupit sa maskara ngunit wala na siyang iba pang magagawa.

Dali-daling ginupit ni Impa ang bahaging likuran ng maskara. Kung sakali mang magupit niya iyon ay hindi makikita ang kaniyang labi dahil kahit papaano ay nakaumbok iyon. Halos pagpawisan na siya ng malamig habang ginugupit ang maskara dahil nangangamba siyang baka may makakita sa kaniyang itsura.

Dahil sa labis na pagmamadali, hindi naging maayos ang naging paggupit ni Impa sa maskara. Hindi iyon pantay sa kaniyang labi at masyado niyang nalakihan ang butas. Halos manlumo siya habang pinagmamasdan ang maskara. Tila nais niyang humagulhol ng iyak dahil hindi niya alam kung saan pa siya kukuha ng panibagong maskarang gagamitin niya para itago ang kaniyang itsura.

"Prinsesa?"

Nanlaki ang mga mata ni Impa nang marinig ang tinig na iyon sa kaniyang likuran. Tila naparalisa ang kaniyang katawan nang marinig ang bawat paghakbang ng tumawag sa kaniya. Pakiwari nga niya ay tumigil sa pagtibok ang kaniyang puso dahil nakasisiguro siyang ang hardinero iyon.

Huli na para isuot ni Impa ang maskara sa kaniyang mukha dahil nasa harapan na niya ang hardinero. Titig na titig ito sa kaniya na tila malapit nang lumuwa ng mga mata nito. Tila rin nakakita ito ng maligno.

The Sleeping ChakaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon