"SA SUSUNOD na linggo na ang kaarawan mo, anak. Ano ba'ng plano mo?"
Napatingin si Dulce sa kanyang mama. Grabe, hindi niya namalayan ang pagpapalit ng buwan. Pebrero na pala. Parang kailan lang ay naririnig pa niya ang mga awiting Pamasko mula sa component ng kapitbahay nila. At ngayon, nalalapit na pala ang Araw ng mga Puso.
Kaya siguro ang lungkut-lungkot niya nang magising siya. She felt empty. Pakiramdam niya ay walang katuturang nagigising siya sa araw-araw. Nang sandaling nakaharap niya ang kanyang mama, saka lamang niya na-realize kung bakit.
Wala pa rin siyang love life.
Ang saklap, besh!
"Gusto mo bang doon sa lolo mo natin iselebra ang birthday mo?"
Hindi niya agad nasakyan ang sinabi nito dahil okupado ang isip niya ng ibang bagay. "Ano'ng sabi n'yo, 'Ma?"
"'Kako, sa Lolo Kanor mo na lang natin i-celebrate ang birthday mo." Si Lolo Kanor ay tatay ng kanyang mama na nakatira sa Alfonso, Cavite. Biyudo na ito at ang mga kasama sa bahay ay dalawang kapatid ng mama niya at mga pinsan niya. "Matagal-tagal na rin tayong hindi nakakadalaw sa lolo mo."
"Bahala na, 'Ma. Titingnan ko kung maluwag ang schedule ko sa opisina."
"Tatapat naman ng Sabado ang birthday mo kaya tamang-tama lang. Umaga pa ay bibiyahe na tayo. Tiyak magpapalitson ang Lolo Kanor mo. Makakatipid tayo."
Napailing siya. Mukhang pinagplanuhan na nito ang nalalapit na birthday niya. Hindi niya alam kung dapat niyang ikatuwa o ikasama ng loob iyon. Tinanong nga siya nito pero may nabuo na pala itong plano. Hindi man lang itinanong ni madir kung may lakad ba siya sa araw na iyon. Siguro ay nasanay na itong wala siyang espesyal na lakad nang mga nagdaang birthday niya kaya hindi na ito nagtanong.
Limang taon na rin naman kasi siyang walang boyfriend. Single. Zero Lovelife.
Nadala na kasi siya sa masaklap na karanasan niya sa unang boyfriend. First heartbreak. Kaya masakit talaga, besh!
Mahal na mahal niya ang hinayupak pero natuklasan niyang niloloko lang pala siya nito. Two-timer! Ang masaklap, hindi iba sa kanya ang babaeng pinatulan nito. Best friend lang naman niya.
O di ba naman, ang gagaling ng mga hudas!
Hindi na niya inubos ang kape at tumayo na. "Aalis na ako, 'Ma." Humalik na siya sa pisngi ng ina.
"Aalis ka na? Ni hindi mo nagalaw ang almusal mo. Ano ka ba naman, anak? Tingnan mo nga ang katawan mo. Kaunti na lang, buto't balat ka na. 'Wag mo namang patayin ang sarili mo sa pagtatrabaho. Mabubuhay tayo nang maayos kahit hindi ka magpapakakuba sa pagtatrabaho. Malaking halaga rin naman ang dumarating na buwanang pensiyon ko. Puwera pa ro'n, may ipon tayo na puwede nating ipagsimula ng maski maliit na negosyo."
Napahugot siya ng malalim na hininga. Kapag ganoon na ang tema ay ayaw na niyang palawigin pa ang usapan. Matagal na kasi siyang kinukulit nitong magbitiw sa trabaho at magtayo na lamang daw sila ng tindahan sa bakanteng espasyo sa harap ng bahay nila.
Tutol siya sa ideyang iyon. Ayaw niyang makipag-kompetensiya sa tindahan na pag-aari ni Diana, ang ex-best friend niya at asawa na ngayon ni Ariel na ex-boyfriend niya. Sa kabilang bloke lamang nakatira ang mga ito. Nasa Kuwait si Ariel at doon nagtatrabaho. Dalawa na ang anak ng mga ito. Aminado siyang kahit matagal na niyang napatawad ang mga ito ay bitter pa rin siya dahil sa nangyari sa kanila ni Ariel.
"Mag-almusal ka muna, anak."
"Kailangan ko na talagang umalis, 'Ma. May dadaanan pa ho ako."
"Pinaghirapan kong gawin ang paborito mong tapa, 'tapos, hindi mo man lang titikman. O siya sige mag-iingat ka." Halata sa tinig nito ang pagtatampo.
BINABASA MO ANG
MECHANIC OF THE DAY : MR. SUAVE (Men in Blue)
RomanceNandidiri si Dulce kay Galileo dahil lagi itong nanlilimahid sa langis at grasa. Ganoon na nga ang lalaki pero nuno ng yabang at matindi ang bilib sa sarili. Never na papatol siya sa isang kagaya ni Galileo. After ten years, hindi akalain ni...