ILANG araw nang mabigat ang pakiramdam ni Dulce. Simula kasi nang maitakda ang kasal nila ni Galileo ay hindi na ito nagpakita sa kanya. Tanging sa cellphone lamang sila nagkakausap nito. Laging idinadahilan ni Galileo na abala raw ito sa farm kaya hindi siya madadalaw nito sa bahay nila. Bumalik na silang mag-ina sa Maynila. Dalawang buwan pa naman kasi bago sila ikasal ni Galileo sa malaking simbahan ng Alfonso, Cavite.
Dumaan ang Valentine's Day nang hindi siya niyayayang mag-date nito. Pinadalhan lamang siya ni Galileo ng bulaklak at pulang lobo sa bahay nila. At ang nakalagay sa card, simpleng Hope you'll like the flowers lang. Ni wala siyang nabasang katagang "love" sa card.
Hindi pa siya gaanong kinakausap ng kanyang mama. Alam ni Dulce na masama pa rin ang loob nito sa kanya dahil mag-aasawa na siya. Wala tuloy siyang mapaghingahan ng sama ng loob.
Gustung-gusto na niyang tawagan si Galileo pero nagpipigil lang siya. Baka lumaki ang ulo nito at lalo pang yumabang kapag nahalata nitong bigla siyang naatat dito, na siya namang totoo. Gusto niyang makita at makasama ito. Nasasabik siyang maulit ang nangyari sa kanila sa bahay nito.
Pero magtitiis si Dulce hanggang kaya niya at kahit na may mga bagay pa siyang gustong liwanagin sa lalaki. Pasasaan ba't makakatiyempo rin siya na makausap si Galileo nang masinsinan. Gusto niyang malaman ang motibo nito sa pagpayag na makasal sa kanya.
Dahil ba nalaman nitong virgin siya nang angkinin siya nito? Ang babaw na dahilan niyon.
Gusto sana niyang isipin na baka nahulog ang loob nito sa kanya pero malabo namang mangyari iyon. Kung gusto siya ni Galieo, eh bakit hindi man lang siya magawang dalawin nito?
O baka naman dahil napilitan lang ito? Ang mga kaanak lang naman kasi niya ang nagdesisyong magpakasal sila. Tuwang-tuwa pa nga ang mga magulang ni Galileo nang malaman ng mga itong ikakasal na ito. Uso pala sa pamilya nito ang maagang pag-aasawa.
Si Gelay, ang pinsan nito ang nagbisto sa kanya ng bagay na iyon. Nalaman din ni Dulce kay Gelay na sentro na nga raw ng kantiyaw at panunukso ang binata. At nalaman din niya na maraming naging kasintahan si Galileo pero walang sineryoso. Masuwerte na raw na tumagal nang tatlong buwan ang naging relasyon nito sa mga babae.
Kaya raw hindi na siya pinakawalan ni Galileo ay dahil hindi naman daw ito bulag para hindi nito makita ang magagandang katangian niya. Kumbaga, naging wais lang daw ang pinsan nito kaya hindi tinanggihan ang grasyang dumating sa buhay nito. Siya raw ang grasya.
Sa naisip na iyon, para siyang dinaluyan ng adrenaline at biglang sumigla ang kanyang katawan.
Agad na tinawag ni Dulce ang kanyang sekretarya at nagbilin siya ritong ibigay muna sa isa nilang opisyales ang pamumuno sa brainstorming na gaganapin mamayang ala-una ng hapon.
Uuwi siya sa Alfonso. Panahon na para magkaharap sila ni Galileo.
ILANG araw nang aburido si Galileo. Hindi kasi siya makaalis dahil sa dami ng mga inaasikaso sa farm at sa talyer. Idagdag pang kailangan ng titingin sa ipinagagawa niyang bahay.
Ngayon nga ay nasa talyer siya at personal na kumukumpuni ang sasakyan ni Fabio. Nahiya siyang ipaubaya ang sasakyan nito sa tauhan dahil isa ito sa magiging ninong sa kasal nila ni Dulce.
Bigla, guminhawa ang pakiramdam ni Galileo nang maalala ang dalaga. Nasasabik na siyang makita ito. Kung sana ay malapit lang ang Quezon City sa Alfonso, kahit paano ay masisilayan niya ang magandang mukha nito.
Hindi pa man siya natatapos sa ginagawa ay may ipinasok na namang sasakyan sa talyer. Ayon sa tauhan ni Galileo, siya ang hinahanap ng may-ari.
Nagulat siya nang makita sa opisina niya ang pinsang si Connie—madalang pa sa patak ng ulan kung magawi ito roon— kasama ang isang seksing babae. Mukha itong bold star dahil sa suot na tube blouse at napakaikling palda. Kaunting liyad lang ay makikita na ang pang-upo nito. Sa dami ng suot na alahas sa katawan ay nagmukha itong Christmas tree.
BINABASA MO ANG
MECHANIC OF THE DAY : MR. SUAVE (Men in Blue)
RomanceNandidiri si Dulce kay Galileo dahil lagi itong nanlilimahid sa langis at grasa. Ganoon na nga ang lalaki pero nuno ng yabang at matindi ang bilib sa sarili. Never na papatol siya sa isang kagaya ni Galileo. After ten years, hindi akalain ni...