SINABI lang ni Galileo sa receptionist ang pakay nitong kuwarto. Itinuro naman ng babae ang gawi ng elevator.
"Baka puwedeng bitiwan mo na ang kamay ko," mahinang sabi ni Dulce nang lulan na sila ng elevator.
"Ikaw riyan ang ayaw bumitiw sa kamay ko," tumatawang sabi ni Galileo.
Pinukol ni Dulce ito ng matalim na tingin. "Kapal talaga..."
"Uy, narinig ko 'yon," sabi nito, pagkuwa'y binitiwan ang kanyang kamay.
Hindi nagtagal ay bumukas ang elevator sa ikatlong palapag.
Palinga-linga si Galileo sa bawat pintong madaanan nila.
Nagsisisi naman si Dulce dahil sumama-sama siya rito. Kung tutuusin, maaari naman siyang magmatigas na huwag sumama. Ang dali-dali ng solusyon sa problema niya.
Pero tutol ang kalooban niyang iwan si Galileo. Interesado siyang malaman kung sino si Guila sa buhay nito.
"She's just a friend," naalala niyang sabi nito sa kanya. Kunsabagay, bakit naman siya isasama nito kung karelasyon nito ang nakatakdang puntahan nito?
Puwes, malalaman ko kung nagsasabi siya ng totoo, sa isip-isip ni Dulce.
Natagpuan na ni Galileo ang pakay na silid, pangatlong pinto mula sa dulo. Nagmuwestra itong bilisan niya ang paglalakad habang kumakatok ito sa pinto. Hindi naman niya ito sinunod, mas lalo pa niyang binagalan ang paglalakad.
Saglit lang itong kumatok at bumukas na agad ang pinto. Ganoon na lamang ang pagkabigla ni Dulce nang bigla ay nangunyapit sa leeg ni Galileo ang isang babaeng nakasuot ng halter blouse at tight-fitting capri pants. Lalong nanlaki ang mga mata ni Dulce nang halikan ng babae sa mga labi si Galileo. Pakiramdam ni Dulce ay nagkapira-piraso ang puso niya nang mga oras na iyon.
Nakita niyang binaklas ni Galileo ang mga kamay ng babae. "May kasama ako, Guila." Tila may bahid ng galit ang tinig nito nang magsalita.
"Daddy ko?" hintakot na bulalas ng babae at kagyat na lumipad ang tingin sa direksiyon ni Dulce. Pero agad ding napalitan ang ekspresyon ng babae ng magkahalong pagkadismaya at galit nang makita siya. "Sino siya, Leo? Bakit mo siya kasama?"
"Si Dulce, girlfriend ko," kaswal na sagot ni Galileo.
Hindi niya inaasahan iyon, pero nakaramdam si Dulce ng kasiyahan sa sinabi nito.
"I see, your latest fling," sarkastikong sabi ng babae. "Bilib na talaga ako sa 'yo. Two months pa lang tayong break ay nakahanap ka na agad ng kapalit ko. Hey, you, alam mo ba kung anong klaseng lalaki itong nilalandi mo?"
"Lasing ka na, Guila. Ihahatid na kita sa inyo," sansala ni Galileo sa matigas na tono.
"The hell you will!" nanlilisik ang mga matang angil ng babae. "Umalis na kayo ng babae mo. Hindi kita kailangan! I hate you, Leo! Mamatay ka na sana!"
Naagapan ni Galileo ang tangkang pagsasara nito ng pinto.
"Listen to me, Guila. Itulog mo na lang 'yan. Pagkagising mo, umuwi ka na sa inyo," narinig pa ni Dulce na sabi nito bago sumara ang pinto.
Hindi niya malaman ang kanyang gagawin. Papasok ba siya sa loob o mananatili siyang nakatayo sa labas? Pinili na lamang niya ang huli. Tutal, hindi rin naman niya gusto ang makikita sa loob.
Matagal na siyang nakatayo roon ay hindi pa lumalabas si Galileo. Nakalimutan na yata nito na naroon siya. Inihakbang niya ang mga paa palayo roon.
Hindi pa man siya nakakatatlong hakbang ay narinig ni Dulce na tinatawag siya ni Galileo.
Hindi siya lumingon.
BINABASA MO ANG
MECHANIC OF THE DAY : MR. SUAVE (Men in Blue)
RomanceNandidiri si Dulce kay Galileo dahil lagi itong nanlilimahid sa langis at grasa. Ganoon na nga ang lalaki pero nuno ng yabang at matindi ang bilib sa sarili. Never na papatol siya sa isang kagaya ni Galileo. After ten years, hindi akalain ni...