"PUWEDE ba, tantanan n'yo na ako? Kahit ano pa'ng sabihin ninyo, confident ako sa gender ko. I'm a certified he-man," nabubugnot nang sabi ni Galileo sa mga pinsan niyang sina Gelay at Jomar. Magkapatid ang mga ito.
Pumalatak si Jomar, ang pinsan niyang numero unong alaskador at may reputasyon na babaero. Mahigit isang linggo na ang nakararaan nang palayasin ito ng asawa. Sa kanya ito kasalukuyang nanunuluyan. "Eh, bakit pumipilantik 'yang mga daliri mo, pinsan?" buska nito.
Ang lakas ng tawa ng mga ito.
Hindi naman siya napipikon. Naiinis lang siya dahil iyon na lang lagi ang paksa tuwing magkikita-kita sila. Para sa mga ito, big deal ang pagiging single niya sa edad na treinta y tres, lalo pa at tatlong buwan na lang ay treinta y kuwatro na siya.
Para tuloy gustong pagsisihan ni Galileo na pinatulan niya ang pangungulit ni Gelay sa kanya na dumayo siya sa lugar nito. May inirereto ito sa kanyang babae at mayamaya lang ay pupunta na sila sa sinasabi nitong handaan.
"'Wag mong sabihin na gusto mong sundan ang yapak ni Tito Rudy, Galileo. Tingnan mo siya. Hayun at nagsisisi kung bakit hindi siya nakaisip mag-asawa. Na-realize daw niya ang kahalagahan ng may anak at asawang makakasama sa pagtanda niya," hirit ni Gelay na nakapagbihis na ng isang bulaklaking bestida na para sa kanya ay mas bagay na maging kurtina.
Hindi alam ni Galileo kung kinulang sa tela o sadyang ginusto ni Gelay na maging hapit sa katawan nito ang tabas kaya lalo tuloy na-emphasize ang pigura nitong susun-suson ang bilbil.
Umasim ang mukha ni Galileo. Hindi naman kasi dating ganoon ang pigura ni Gelay. Natatandaan niyang bago siya nagtrabaho sa Middle East ay hugis-gitara ang hubog ng katawan nito. Ang sabi nito, nagsimula raw itong tumaba nang ipanganak nito ang panganay hanggang sa parang hinipang lobo na ito.
Hindi niya ma-imagine na magiging ganoon din ang kanyang misis pagdating ng panahon. Kung sakali, gaganahan pa kaya siya?
Ang babaw mo, Galileo, kastigo ng kanyang konsiyensiya.
Napahiya siya sa sarili nang maisip na hindi lang naman ang mga babae ang dumaranas ng pagbabago sa pisikal na kaanyuan. Maaari ding lumaki ang kanyang tiyan kagaya ng kanyang tatay at posible ring mapanot ang bumbunan niya. Thank God, wala sa lahi nila ang nakakalbo.
Nagpakawala siya ng hininga. Kaya nga dapat lamang na mahal na mahal niya ang babaeng pakakasalan and vice versa. Pero matagal pa iyon, siguro mga tatlong taon pa bago siya maghahanap ng babaeng seseryosuhin.
"Puwede pa naman si Tito Rudy," hirit ni Jomar. "Wala pa naman siyang singkuwenta. Iyong iba nga, sesenta na, lolo na pero nakabuo pa rin. Kagaya n'ong lolo ng kabarkada ko."
"Hay, naku, wala nang martir na babae sa ngayon, 'no! Alam ni Tito Rudy na malabong may magkagusto sa kanya, lalo na kapag nalamang may diabetes siya. Nakita n'yo naman, putol na ang isang binti niya."
Sa sinabing iyon ni Gelay ay nalungkot si Galileo para sa kanilang tiyuhin. Isa siya sa mga tumutustos para sa pagpapagamot nito. Malapit siya rito mula pagkabata. Kapatid ito ng kanyang ina. Ito rin ang tumulong sa kanya para makapagtrabaho siya sa abroad kaya naman ibinabalik niya ang lahat ng kabutihan nito sa kanya noon.
Sa kanya nakatira si Tito Rudy pero noong isang linggo pa ito nasa Maynila. Sinundo ito ng bunsong kapatid para sa regular na checkup at tuloy ay para ipasyal na rin.
"Kaya ikaw, Galileo, mag-isip-isip ka. Alam ko naman kung bakit wala kang interes na mag-asawa. Natatandaan ko ang katwiran mo noon, ayaw mong magpakain ng taong hindi mo kaanu-ano."
BINABASA MO ANG
MECHANIC OF THE DAY : MR. SUAVE (Men in Blue)
RomanceNandidiri si Dulce kay Galileo dahil lagi itong nanlilimahid sa langis at grasa. Ganoon na nga ang lalaki pero nuno ng yabang at matindi ang bilib sa sarili. Never na papatol siya sa isang kagaya ni Galileo. After ten years, hindi akalain ni...