Siyang hindi na sinikatan ng araw -Unang Bahagi ( Isang Tagalog na Kwento)

24 1 0
                                    



Lunes, gaya ng nakagawian dapat alas sais impunto pa lamang siya ay bumangon na sa kanyang higaan.

Hindi ko alam kung bakit, ngunit sa unti-unting paglipas ng mga minuto mula alas sais hanggang alas sais I medya pag-aalala na ang naisip ko.

Baka wala naman siyang pasok, sambit ko sa sarili.
Ngunit alam ko kung sakali man. Alam ko kung wala siyang pasok dahil sasabihin niya ito sa akin agad agad.

Hindi na ako mapakali, dali-dali kong kinatok ang pintuan ngunit walang sumasagot. Walang tunog ni isa.

Tahimik, nakabibinging katahimikan ang bumalot sa aking paligid.

Kung ano-ano na ang pumapasok sa aking isipan, baka naman? Baka naman napahimbing lang siya ng tulog?

Ngunit kailanman ay hindi iyon nangyari, alam ko iyon dahil sa ilang taon naming pagsasama alam na alam ko na hindi nya kayang matulog at di bumangon sa takdang oras.
Baka naman may sakit siya? Pero may nasabi ba siya kagabi? Pakiwari ko'y wala.

Teka ano ba ang ginagawa ko kagabi? Bakit hindi ko naalala kung dumating siya o kung nag-usap kami?
Siguro nga nag-usap kami, siguro. Walang kasiguraduhan, madalas na naman kaming hindi magkasundo kaya't pakiwari ko'y ang bawat araw ay kaparehas lamang sa mga araw na lumipas.

Buti na lamang at naroon si Berto, si Berto na kahit kalian ay may oras sa akin. Na sa isang mensahe ko lang sa telepono ay may sagot. Sagot na hindi ko nakukuha sa kaniya.

Mag-iisang taon narin kaming ganito, magkahiwalay sa lahat. Papasok siya sa umaga at uuwi ng hatinggabi tapos sa susunod na araw ay papasok sa umaga at muli uuwi ng hatinggabi. Hindi niya na nga akong maipagtimpla ng kape sa umaga. Hindi niya na magawang hugasan ang mga plato dahil sa sobrang kapaguran. Mabuti pa ang trabaho niya, palagi siyang may oras.

Ako? Teka lang ano ba talaga ang nangyari? Bakit ba hindi siya sumasagot? Ano ba ang nangyari kagabi? Ano ba ang sinabi niya?

Sandali lang, may mensahe sa aking telepono galing kay Berto.
Para akong sinakluban ng langit at lupa sa aking nabasa. Galing ito sa kaniyang asawa na si Marie, isang mahabang mensahe na para sa akin talaga. "Alam ko ang lahat, alam ko kung paano kayo nagka kilala. Kung paano kayo nagsiping sa iisang kama. Alam ko kung bakit mo ito nagawa. Patawarin mo ako sa pagkukulang ko kay Berto dahil sa bawat gabi na magkasiping kami tanging ngalan mo lang ang kaniyang nasasambit. Salamat sa pag puno noon para sa akin. Hindi ako galit sa iyo bagkus humihingi ako ng tawad. Tawad dahil sa aking pagkukulang nakilala ka niya at nabuo kayo at ako unti-unting nadurog. Nga pala dumaan ka nalang dito sa bahay, Huwebes na ang libing ni Berto at hindi ko alam kung makakarating ako. Sa panahong nabasa mo ang mensaheng ito baka nasa istasyon na ako ng pulis at sumuko na. Mahalin mo ang iyong asawa dahil alam ko mahal ka rin niya."

Para akong binuhusan ng malamig na iyelo sa aking nabasa. Kailan, sino at paano niya nalaman ang nangyayari sa amin? Tsaka libing, istasyon ng pulis ano ba ang nangyayari?

====================================================================================================

Ito ay mula sa malikot na isipan ng author na si @tpkidkai/ Rev1lo ang pagkakahawig sa tunay na pangyayari gaya ng pangalan at kaganapan ay pawang nagkataon lamang.

Kung medyo malalim man ang aking Filipino, tingin ko ganyan talaga ako magsulat kung hindi yung regular mode which is yung medyo witty na ako. Hahah I am trying to work on how I will become a writer someday. Screenplay writer na gumagawa ng dula or something so kung may makita kayong for improvement please let me know I will definitely take that as a learning ekek.

Siyang hindi na sinikatan ng arawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon