CHAPTER 01- New Home
"I'M home!!!"
Masiglang turan ni Homer nang pagbuksan siya ng pinto kanyang asawa na si Mara. Sa wakas, makalipas ang tatlong taong na pagtatrabaho sa Saudi Arabia bilang construction worker ay nakauwi na rin siya sa Pilipinas.
Napalis ang malapad na ngiti sa labi ni Homer nang makita niya ang hitsura ng misis na si Mara pagkakita sa kanya. Blangko ang ekspresiyon ng mukha nito. Walang sigla. Wala siyang nakikita na saya. Tila hindi ito natutuwa na nakauwi na siya.
"H-homer..." Pati ang boses nito ay walang buhay.
"Mara!"
Ibinaba niya ang bitbit na maleta. Mahigpit niyang niyakap ang kanyang asawa. Hindi niya naramdaman ang pag-ganti nito sa kanyang yakap. Parang isang puno lang ang kanyang niyakap.
Bahagya siyang itinulak ni Mara. "T-tuloy ka, Homer," malamig na sabi nito.
Hindi maintindihan ni Homer ang nangyayari sa kanyang asawa. Ano bang nangyayari dito?
Naguguluhan na sumunod na lamang siya sa mabagal nitong paglalakad. Sa paraan ng paglalakad ni Mara ay parang napakalaki ng problema nito. Medyo nagulat pa siya nang bigla itong humarap sa kanya. Doon lang niya napagmasdan ng maigi ang pangangalumata ng mata nito. Parang ilang gabi na itong hindi nakakatulog. Nabawasan ang kagandahan nito dahil sa humpak nitong mga pisngi. Namumutla din ang balat nito. Tumanda itong tingnan sa edad nitong bente y sais anyos.
"Nagugutom ka na ba?" tanong ni Mara.
"Mara, may problema ba?" imbes ay tanong niya.
"Problema? Ikaw ang nagdala ng problema sa buhay natin, Homer," mariin nitong sabi at tinalikuran na siya nito.
Nakita niya na lumabas ang kanyang lola na si Lola Glenda sa kwarto nito. Si Lola Glenda ay nanay ng kanyang tatay na dito na nakatira sa kanila dahil sa wala nang mag-aalaga dito. Eighty-six years old na ito. Ulyanin na at mabagal nang kumilos. Malago at puro kulay puti na ang buhok nito. Payat at walang paglagyan ng kulubot ang buong katawan.
Nagtama ang mata nila ni Lola Glenda. Wala siyang nakitang reaksiyon sa mukha nito. Maya-maya ay nakarinig siya ng pagpatak ng tubig sa sahig. Iyon pala ay umihi na ito.
Agad naman na kumuha si Mara ng basahan at pinunasan ang ihi ni Lola Glenda sa sahig.
"Si Tanya... nas'an siya?" tukoy ni Homer sa walong taon na gulang na anak nila.
Sandaling natigilan si Mara sa tanong niya. "N-nasa kwarto niya. Hindi na siya lumalabas simula nang..." tumigil sa pagsasalita si Mara at ipinagpatuloy nito ang pagpupunas sa sahig. "Ang sabi ng psychiatrist, nagkaroon si Tanya ng social withdrawal disorder."
Tumayo si Mara matapos at nagtungo sa kusina. Sumunod dito si Homer. Binuksan ni Mara ang gripo sa may lababo at itinapat nito doon ang basahan.
"Disorder?" hindi makapaniwalang tanong ni Homer. "May problema sa utak ang anak natin?!"
"Hindi na kasi kinaya ni Tanya ang pang-bubuska ng mga kaklase niya," mahinahong sagot nito. "Palagi na lang siyang nakakulong sa kwarto. Hindi lumalabas at hindi nakikipag-usap kahit kanino."
Piniga na ni Mara ang basahan.
"Bakit mo hinayaang magkaganoon ang anak natin?!" sigaw niya.
Nabitawan ni Mara ang hawak. Tiningnan siya nito na may namumuong luha sa mga mata nito.
"Homer, huwag na huwag mo akong masisisi sa nangyari kay Tanya. Unang-una, kung hindi ka nambabae sa ibang bansa, hindi kukutyain si Tanya ng mga kaklase niya!" At tuluyan nang lumaglag ang luha ni Mara ngunit mabilis din nitong pinahid 'yon.