CHAPTER 03- Knock! Knock!
"OH, narinig mo ba ang sinabi ng psychiatrist mo, Jenny? Stress ka na naman. 'Di ba, ang sabi ko sa iyo ay huwag kung anu-ano ang iniisip mo?"
Tiningnan ni Jenny si Gio na nagda-drive ng kotse. Kakagaling lang nila sa clinic ng psychiatrist na kaibigan ng family ni Gio. "Pero wala naman akong iniisip, Gio. Maniwala ka naman sa akin. May matandang babae akong nakita. Yumakap pa nga siya sa akin kaya nawalan ako ng malay!" giit niya.
"Jenny... Kahit hindi mo sabihin, alam kong iniisip mo pa rin ang hindi niyo pagkakasundo ng Mommy. Kaya nga ako nagpursige na makapag-ipon para sa bahay natin kasi ang gusto ko ay mailayo kita sa nanay ko. Ayoko kasi na kinakawawa ang pinakamamahal kong babae," at ngumiti pa ito sa kanya.
Napangiti na rin siya sa sinabi ng asawa. Nakakakilig kasi ang sinabi ni Gio. Ang sweet talaga nito!
Ibinaling na lang ni Jenny ang paningin sa dinaraanan nila. Marahil nga ay masyado lang ang pag-iisip na ginagawa niya. Isa pa ay baka epekto lang din iyon ng pagod niya sa pag-aayos sa nilapatan nilang bahay.
"Ah, Jenny, daan muna tayo sa gasoline station. Kailangan kong mag-CR..." untag sa kanya ni Gio.
"Sure. Walang problema..." aniya.
Kaya nang may madaanan silang gasolinahan ay agad na nag-stop over muna sila doon. Halos takbuhin ni Gio ang public restroom ng gasolinahan pagkababa nito ng kotse. Natatawa na lang sa sarili na sinundan niya ito ng tingin. Lumabas na rin si Jenny ng kotse upang makasagap ng sariwang hangin.
"Ineng, bilhin mo na naman itong tinitinda kong basahan."
Labis na nagulat si Jenny nang hindi niya namalayan ang paglapit sa kanya ng isang matandang babae na nagtitinda ng basahan. May awa na humaplos sa kanya nang makita niya ang tuyo at payat nitong katawan.
"Sige po, Lola. Magkano po bang lahat ng basahan niyo?" nakangiti niyang tanong.
"Bibilhin mong lahat, ineng?" hindi makapaniwalang tanong nito.
Tumango siya. "Opo, Lola. Magkano po ba?"
"Isangdaan piso lahat..."
Kinuha ni Jenny ang kanyang wallet sa nakasukbit na shoulder bag. Humugot siya doon ng limandaang piso at inabot sa matanda.
"Wala akong panukli dito, ineng."
"Sa inyo na pong lahat iyan, Lola!"
Mangiyak-ngiyak na tinanggap ng matanda ang pera. "Salamat! Salamat, ineng! Maibibili ko na rin ng gamot ang asawa ko! Pagpalain ka nawa ng Panginoong Diyos!" anito.
Sa pagkuha ng matanda sa pera ay nahawakan nito ang kamay niya. Labis ang pagtataka niya nang bigla itong pumikit. Bigla nitong hinawakan ang isa niyang kamay ng dalawa nitong kamay. Nang imulat nito ang mga mata ay mabilis itong nagsalita. "Mag-iingat ka sa bagong bahay niyo!" anito sa mababang tono.
Nahihintakutan na binawi niya ang kanyang kamay sa matanda. "P-papaano niyo nalaman na may bago kaming bahay?" nagtataka pa niyang tanong sa matanda.
"Isa akong manghuhula, ineng," deklara nito. "Mag-iingat ka dahil kahit hindi mo sila patuluyin ay gagawa at gagawa sila ng paraan para makapasok! Huwag na huwag mo silang pagbubuksan ng pintuan kapag sila ay kumatok! Huwag na huwag kayong mag-iiwan sa labas ng bagay na pag-aari niyo dahil gagamitin nila iyon upang pagbuksan niyo sila!"
"H-hindi ko po kayo maintindihan..." naguguluhan niyang turan.
Dahil sa kinikilabutan siya sa pinagsasabi ng matanda ay pumasok na siya ulit sa kotse matapos niyang makuha ang mga basahan. Maya-maya ay dumating na rin si Gio.