CHAPTER 02- Old Lady
YUKUNG-YUKO si Jenny habang papalabas siya ng bahay nina Gio. Paano kasi ay nasa bungad ng pintuan ng bahay ang nanay ni Gio na si Helena. Nakataas ang kilay nito at nakasimangot. Inilalagay na kasi nilang dalawa ni Gio ang mga gamit nila sa van upang dalhin sa kanilang bagong bahay. Buong linggo ay may mga tao silang inupahan upang ayusin ang mga sira sa bahay. Pininturahan at nilinis na rin ang bahay na kanilang lilipatan. Naroon na rin ang mga gamit nila. Ang tanging kulang na lamang ay mga personal na mga gamit nilang mag-asawa.
"Hindi ko alam kung anong mahika ang ginawa mo, Jenny, at napapayag mo ang anak ko na umalis sa bahay namin na ito. Bata pa lang si Gio ay pinangarap ko nang habang buhay ko siyang makakasama dito. But you ruined my dream! Mas lalo mong ginawang miserable ang buhay ko dito, mas lalong miserable kesa sa pagkamatay ng daddy ni Gio!" Kahit na hindi pagalit ang tono ng kanyang biyenan ay alam niyang nagpupuyos ang damdamin nito sa kanya.
"'Ma, kung iniisip niyo na inaagaw ko sa inyo si Gio, nagkakamali po kayo. Opo, aalis siya dito pero alam kung ang puso niya ay nandito pa rin sa bahay kung saan siya lumaki," sabi niya.
"Hindi ang puso ni Gio ang gusto kong makasama dito kundi siya mismo. Inggrata!"
Hindi na siya nagsalita dahil paniguradong hindi naman siya papakinggan nito tulad ng dati. Siya lagi ang mali at wala sa katwiran para dito. Kahit minsan ay hindi niya naalala na umayon ito sa kanya.
Maya-maya ay pumasok na si Gio. Kinuha nito ang bitbit niyang kahon. "May gamit pa ba tayo sa loob, Jenny?" tanong ni Gio sa kanya.
"Wala na, Gio..." sagot ko.
Humarap si Gio sa ina at kinausap ito. "'Mommy, aalis na po kami ni Jenny. Mag-iingat po kayo dito, okey?" Akmang hahalikan ni Gio ang ina sa pisngi nang ipaling nito sa kaliwa ang mukha bilang pag-iwas. Hindi naituloy ni Gio ang paghalik sa ina.
"Kung aalis na kayo, umalis na lang kayo!" masungit nitong turan at iniwan na sila nito.
Nagkatinginan na lang sila ni Gio. Nagkibit-balikat at inilagay na nila sa kanilang van ang huling kahon ng kanilang mga gamit.
-----
WALANG pagsidlan ng saya si Jenny nang sa wakas ay maayos na niya ang master's bedroom sa kanilang bagong bahay. Ganito pala ang pakiramdam kapag sariling bahay mo na ang inaayos mo, walang pagsidlan ang kanyang kaligayahan. Laking pasasalamat na rin niya at nagkaroon siya ng asawang tulad ni Gio. Napakabait nito at sa loob ng isang taon pa lang na pagsasama nila ay hindi siya nito binigyan ng kahit na anong problema. Kung meron mang "perfect husband" ito na siguro iyon.
Napangiti siya nang mula sa kanyang likod ay may yumakap sa kanya.
"Mr. Gio Karlo Birondo!" nangingiti niyang tawag sa buong pangalan ng kanyang asawa.
"Mrs. Jenny Paraiso- Birondo!" ganting tawag ni Gio sa kanya. "Kumusta naman ang pag-aayos mo sa ating magiging kwarto?"
Umikot si Jenny upang makaharap ang kanyang asawa. "Perfectly fine! Sobrang nag-enjoy ako, Gio. Kaya lang parang gusto kong ipabago iyong pintura na kulay pula doon sa dingding na iyon..." aniya. At itinuro niya sa kanyang asawa ang dingding sa may tapat ng paanan ng kanilang kama.
Kapansin-pansin ang kalat-kalat na parang kulay pulang pintura doon. Halos masakop na ng pulang pintura ang bahaging iyon ng dingding. Ang pangit lang kasi sa paningin dahil sa parang hindi inayos ang pagkakapintura.
May pagtataka na nilapitan ni Gio iyong dingding. Sumunod siya dito. Pinadaanan ni Gio ng mga daliri nito ang mga markang pula. "Pintura ba talaga ito?" tanong ni Gio.