Chapter Fourteen

7.5K 202 10
                                    

"WALA ka nang magagawa," ani Nemesio. Kararating lang nila sa bahay at hindi pa rin matigil sa pagsesentimyento si Ampy. "At saka, kaunting pera lang naman ang natangay."

"Ang alahas ko? Ang cellphone?"

"Nangyari na nga, eh. Hindi mo tinandaan ang plaka, kaya malabo mo nang mabawi. Makakabili ka rin ng ganoon." Naupo ito sa tabi niya. "Ang mahalaga, hindi ka sinaktan."

"Hindi mo naiintindihan."

"Talagang hindi. Cellphone lang, nagkakaganyan ka na?"

"Paano ang SIM ko? Lahat ng kakilala ko, nandoon ang number at saka..."

"Ano?"

"May picture ako ro'n na naka-bikini. Baka ikalat ng holdaper, i-forward niya sa lahat."

Ganoon na lang ang halakhak ni Nemesio. "At bakit mo naman p-in-icture-an ang sarili mo na naka-bikini? Ano ka, Hot Babe?"

"Hindi nga, eh! Kaya nga nakakahiya. Baka laitin pa ako ng makakakita n'on."

Tawa pa rin ito nang tawa. "Sa susunod, huwag ka nang bibili ng cellphone na de-camera. Gayahin mo na lang ako, thirty-two-ten lang, ayos na."

"Ang baduy."

"Ikaw ang baduy! Ang mindset mo ang baduy! Ang babaw, ineng. Huwag kang ganyan, nate-turn off ako."

Pahiya si Ampy. "Paano ang picture ko?" tanong uli niya.

Pinagmasdan siya nito. His eyes were laughing. "Magsabi ka ng totoo. Isa lang ba ang picture mo na naka-bold doon? O meron pang litaw na lahat, pati an-an sa singit?"

"Wala akong an-an."

"Ano nga?" giit nito.

"M-meron pang isa. Pero... boobs lang."

"Naka!" Ganoon na lang ang nganga nito. "Bakit mo kinukuhanan ang sarili mo na nakaburles? Gusto mong maging escort girl?"

"Nagkatuwaan lang kami nina Jenna noon. Nag-inuman kami."

Napakamot si Nemesio sa ulo. "Paano 'yan, malalaman ng marami na... lalaki ka pala!" Sinundan nito iyon ng halakhak.

"Hayup ka!" Binatukan niya ito nang walang humpay.

"Ano ba?" Tumatawa pa rin ito. "Nai-imagine ko na ang picture. Nai-imagine ko na rin na ang saya-saya ngayon ng holdaper. Nagkapera na, na-entertain pa siya!"

"Hayup! Hayup ka sa dilang hayup! Mamamatay ka rin!"

"Ano ba? May magagawa pa ba ako? Sa 'yon ang kapalaran mo."

"Ire-report ko sa Smart, para ma-block ang phone."

"Ngayon mo lang naisip? Wala na. Makikita na ng marami ang sekreto mo."

"Basta. Samahan mo ako sa Smart at sa pulis, magbabayad ako kung kinakailangan."

"Tatawag na lang ako," sabi ni Nemesio.

"Puntahan mo."

"Hoy, hindi ako si Cesar Montano na kayang magbayad ng milyon-milyon, huwag lang maipalabas ang pelikula ng asawa."

"Basta!" But she knew it was futile. Wala na nga siyang magagawa.

"Magpahinga ka na lang. Bibili ako ng pagkain," anito.

She sighed. Nahiga siya sa sofa.

He went out. After an hour and a half, he came back. "I have something for you," saad nito pagdating nito.

Nakahiga pa rin siya sa sofa.

Naupo ito roon, sumingit sa bandang gitna, at inilabas mula sa supot ang kahon ng brand-new cellphone.

"Wala nga lang camera," anito. "May SIM na rin 'yan."

She was touched.

"Salamat." Sinimulan niyang kutingtingin ang bagong cellphone.

"Mamaya na 'yan. Maghain ka muna. Gutom na ako, eh. Ginutom mo ako."

"Bakit? Galing lang tayo sa handaan, ah."

"Nagutom ako sa pagpa-panic sa 'yo. Hindi ako nakakain masyado dahil nga bigla ka na lang naglaho sa reception. Ako pa tuloy ang nasisi ng kaibigan mo. Bakit ka ba nag-walk out?"

Lumabi lang si Ampy. Wala siyang balak sabihin na sumama ang loob niya nang marinig na mas mamatamisin pa nito na maging bading kaysa magkagusto sa kanya. Nagalit siya dahil hindi sila pareho ng damdamin.

"Naisipan ko lang," sabi na lang niya.

"Ang laki ng topak mo. Maghain ka na muna."

"Oo na." Sumunod na lang siya para hindi na siya nito kulitin tungkol sa kanyang memorable walkout.

Pancit Malabon, mga dambuhalang siopao, at isang malaking bote ng soft drink ang dala ng herodes. Inayos niya ang mga iyon sa mesa at tinawag ito.

"Nalabhan mo ba 'yong mga briefs at medyas ko?" tanong nito pagdulog sa mesa.

"Oo, nasa drawer sa cabinet."

"Dito na lang ako matutulog para tipid sa gasoline. Kung uuwi pa ako, babalik din ako bukas ng umaga dahil pupuntahan natin si Mr. Calipol."

"Oo. Aayusin ko 'yong isang kuwarto."

Blush Series 1:  EncrushedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon