Binulaga siya ng white rose na maayos na nakapuwesto sa kaniyang office desk. Hind siya nag-make-up pero biglang namula ang kaniyang pisngi. First time niyang makakita at bigyan ng white rose na nakikita niya lang sa kasalan at burol sa simbahan.
Katulad ng ibang dalaga, may matic interpretation siya. Alam niya ang ibig sabihin ng bulaklak.
Luminga-linga at inisip na pinagt-itripan lang siya. Tahimik pa ang opisina. Lady janitor lang ang nakita niya kanina.
"Hindi naman kaya iyong messenger namin ang nagbigay nito", instinct question niya.
Marami nanunukso kay Lea. Dalaga at NBSB pa. Wala pa sa long-term plan ng utak niya ang mag-asawa. Kailangang makatapos muna si Ron-Ron, ang bunso niyang kapatid na nasa Grade 10. Moving up na this year kaya kailangang humataw nang husto. Hindi siya tinatablan ng tukso. Focused sa pagtatrabaho kasi siya lang ang inaasahan sa pamilya.
Hindi lang white rose pala. Nang binuksan ang desktop computer, may bumulaga sa kaniya.
"MAHAL NA MAHAL KITA LEAH."
Hindi alam ng dalaga kung matutuwa o matatakot siya.
"Na-hack ang computer ko? May stalker ba ako?"
Nabago ang desktop wallpaper. Collage ng kaniyang FB pics at ilang Instagram posts. Mukhang ginawa lang sa Powerpoint at si-nave as JPG file. Tagpi-tagpi ang pictures pero mukhang nag-effort. Helvetica ang font.
"Follower ko siguro ito online."
Nagtatalo sa isip niya kung isusumbong sa web administrator ang kaso o sasabay lang siya sa agos ng istorya. First time niyang makaranas ng ganitong treatment. Kahit secret admirer iyan, na-affirm ang pagkababae niya.
Wala naman siyang constant encouragement na natatanggap sa bahay. ATM ang tingin sa kaniya ng kaniyang pamilya. Kahit may sakit siya, hindi man lang siya tapunan ng pansin ng magulang at kapatid. Ang tingin nila sa kaniya: money maker. Obligasyon niya na maging padre de pamilya magmula nang pumanaw ang kaniyang ama.
Boring ang takbo ng kaniyang buhay. Papasok ng 5AM. Pipila sa MRT nang at least isang oras. Dadating sa opisina ng 9AM. Magtatrabaho hanggang 6PM. Makakauwi ng bahay ng 10PM. Repeat the cycle.
Kaya moral booster sa kaniya ang rosas na iyon at mga salitang "Mahal na Mahal Kita." Ito ang hindi maibigay ng mga taong nakapaligid sa kaniya.
"Hindi ko na lang papansin ito", sabay ngiti ng dalaga.
Time to work na. Tambak ang files sa kaniyang TO BE FINISHED folder.
Ang hindi niya alam, may kaluluwa sa di kalayuan na natutuwa sa kaniyang reaksyon.
YOU ARE READING
KILIG, KIROT and KEMBOT CHRONICLES Number 1
RomanceMga kuwentong magpapaiyak, magpapatawa at pupukpok para maayos ang kaluluwa