1

47K 473 6
                                    


"I'LL miss you, babe."

Dapat ay malungkot na sinasabi ni Thaddeus sa kasintahang si Avie ang mga salita dahil matagal din silang hindi magkikita. Subalit ni hindi niya maramdaman ang katotohan sa mga binitiwang mga salita. Mas pakiramdam niya ay saglit lang ang isa o dalawang buwan na kanyang pag-alis. Parang naiiksian pa nga siya sa panahon sa pag-alis at nais pang dagdagan para kahit paano ay magkaroon naman siya ng panahong mas makapagpokus sa kanyang negosyo sa New York.

Naroroon sila sa departure area at inihatid siya ni Avie. Tutulak siya patungong New York para asikasuhin ang furniture business na nakabase sa Amerika. Masyado na siyang natutok sa mga negosyo sa Pilipinas at halos hindi na nasusubaybayan ang nasa New York. Balak sana niyang mamalagi at personal na asikasuhin iyon ng mga isa o dalawang buwan o baka higit pa. Niyaya niya si Avie na sumama sa kanya at para na rin makapagbakasyon sila.

Anim na taon nang steady ang kanilang relasyon. Mula pa noong nasa kolehiyo at ipagkasundo sila ng mga magulang na ipakasal sa isa't isa. Noong una ay tutol siya. Ayaw niyang matulad sa naging relasyon ng kanyang mga magulang—kasalang walang pag-ibig. Kapag magkakasama sila sa bahay, pansin niya kung gaano kawalang kuwenta ang pagsasama ng mga magulang. Parang hindi totoong mag-asawa ang kanyang mga magulang kundi mag-business partner lamang. Ayaw naman niyang ganoon din ang kahinatnan nila ni Avie. Kaya pinili niyang kilalanin si Avie. Para na rin maipaalam sa mga magulang niya na hindi naman talaga siya isang suwail na anak. At masasabi naman niyang maski paano ay may naging improvement ang manipulated relationship nila ni Avie. Natutunan na rin niya itong magustuhan sa pagdaan ng panahon. O baka nga totoong mahal na niya ito.

Sa mga panahong magkasintahan sila, halos wala silang gaanong oras para sa isa't isa dahil pareho silang abala sa sari-sariling negosyo. Ngayong may pagkakataon sanang magkasarilihan sila sa isang trip out of the country, hindi naman makapagpaunlak si Avie dahil sa sisimulan na ni Dustin—ang best friend niya—ang construction ng bagong café ni Avie.

Si Dustin ang consistent architecture na kinukuha ni Avie at sang-ayon siya roon. Mga college pa lamang sila ay talagang malapit na ang dalawa sa isa't isa. Mas naging malapit pa nga si Avie sa best friend niya kaysa sa kanya. Napansin na niya iyon mula pa noong unang beses na ipakilala niya kay Avie si Dustin. Mabilis na nagkagaanan ng loob ang dalawa at hindi naman niya binibigyan ng ibang kulay ang pagiging malapit ng mga ito. Bukod doon, alam naman ni Dustin na fiancée niya si Avie. Alam ni Dustin ang tungkol sa arranged marriage na pinlano ng mga magulang nila ni Avie. Ganoon din ang lahat tungkol sa kanila ng kasintahan. Dahil si Dustin ang best friend niya, ito ang pinagsasabihan niya ng lahat. Naging best friend na rin ang turing dito ni Avie. Best friend noong nasa kolehiyo at numero unong kaaway naman pagdating sa trabaho ngayong mga propesyonal na silang tatlo.

"I'll miss you too, babe," saad ni Avie. "Pasensiya na kung hindi kita masamahan. Alam mo naman ako, gusto kong personal na tinitingnan ang construction."

"Mas mahalaga pa talaga ang trabaho mo kaysa sa akin?" pabirong tanong ni Thaddeus.

"Hindi naman sa gano'n, pero kasi, ayoko na si Dustin lang ang mag-isang mag-aasikaso ng construction ng bago kong café. Alam mo naman ang isang 'yon, minsan, hindi ko trip ang design," defensive na saad ni Avie.

Napanguso pa ang dalaga nang banggitin ang pangalan ni Dustin. Ganoon ito kapag naaalala ang mga trabahong pinagtatalunan ng mga ito. Hindi rin naman niya maintindihan ang kasintahan kung bakit si Dustin pa rin ang kinukuha nitong architect kung gayong madalas na maghalo ang balat sa tinalupan tuwing magiging kliyente ng mga ito ang isa't isa. Ganoon din kay Dustin na panay ang reklamo sa panlalait daw ni Avie, pero hindi minsan man tumanggi kapag kukunin ang serbisyo nito. Minsan nga, pakiramdam niya, para siyang nasa gitna ng nag-uumpugang mga bato kapag sabay na magsusumbong ang dalawa sa kanya. It was always a battle between his fiancée and his best friend. Para walang gulo, nagiging shock absorber na lang siya.

"Baka sa pagbabalik ko, malaman ko na lang na nagkaroon na naman ng world war." World war ang tawag niya sa away nina Avie at Dustin. Parang magugunaw ang daigdig kapag nagbabangayan ang dalawa.

"Hmp! Sabihan mo kasi ang best friend mo na umayos siya, kung hindi, masasaktan siya sa 'kin."

"Parang gusto kong magselos," ani Thaddeus.

Namilog naman ang mga mata ni Avie kasabay ng pamumula ng mga pisngi. "What is that supposed to mean?"

"Diyan daw kasi nagsisimula ang lahat. Cat-dog relationship na nauuwi sa love," nakangising paliwanag niya.

Kung makapag-usap sila, para bang walang anumang namamagitan sa kanila. He used to tease her with his best friend. Kung hindi lang niya alam na noon pa man ay gusto na siya ng dalaga, lalakas ang pag-asa niyang may future sina Avie at Dustin. Alam niyang kaya hindi minsan man tumutol si Avie sa arrange marriage ay dahil crush siya nito noon pa mang nasa junior year siya sa college. Hindi niya sinasadyang mag-eavesdrop sa pag-uusap ni Avie at ng mga kaibigan nito na kinalaunan ay inamin din naman sa kanya.

At upang hindi masaktan ang damdamin ni Avie ay hindi na lang siya nagkomento. Sa halip, ipinakilala niya ito kay Dustin. Binibiro na niya ang dalawa sa isa't isa. Naisip niya noon na kung sakaling magkaka-develop-an ang dalawa, baka may chance na siyang makatakas sa plano ng kanilang mga magulang. Pero hindi naman na pala kailangan.

Avie rolled her eyes. "Duh?! Ikaw ang gusto ko, at kung nakakalimutan mo, ikaw ang fiancé ko." Napaka-vocal nitong magsalita tungkol sa damdamin daw nito sa kanya, pero nang mga sandaling iyon, parang may kulang na sa tono ni Avie. Para itong napipikon na napipilitan.

Sumeryoso siya. Napansin niyang nawawala na sa mood si Avie. Pagdating talaga kay Dustin, madaling mapatid ang pasensiya ng dalaga. "Yeah, right. Alam nga pala ng lahat na engage na tayo." Walang mababakas na bitterness sa kanyang tono. Hindi tulad noong unang mga pagkakataon na pinaalalahanan siya nito tungkol sa kanilang relasyon.

Ngumiti si Avie. "Oy, pikon ka na naman?"

Nakangiting umiling si Thaddeus.

"O siya. Lumakad ka na. Hinihintay na din ako ni Dustin. May usapan kami."

"Puro ka na lang Dustin." Plano niyang lakipan ng kunwaring pagtatampo ang tinig pero hindi naman siya nagwagi. Sa halip, panunudyo ang lumabas sa kanyang mga labi. Umani siya ng nakamamatay na irap mula kay Avie na pinagtawanan lang naman niya.

Mami-miss niya sina Avie at Dustin.

Mayamaya pa ay naririnig na nilang tinatawag na ang mga pasahero sa flight niya. Nagyakap sina Thaddeus at Avie bago tuluyang pinakawalan ang isa't isa. Patalikod na siya sa kasintahang nang magsalita ito.

"I love you, Thad."

Nginitian niya si Avie. "I'll be back in a month or two. I love you, too."

Bago siya tumalikod ay nakita pa niya kung paanong nagningning ang mga mata ni Avie sa kaligayahan. Palagi itong nagsasabi ng "I love you" sa kanya pero ni minsan ay hindi niya ito sinagot. Ngayon pa lamang. Kaya nauunawaan niya ang naging reaksiyon ng kasintahan.

Forget Me Not COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon