2

25K 335 1
                                    

East Hampton, New York

"Ano'ng bago rito?"

"Eilla!"

Gulat na nilingon si Aeriella ng pinsang si Aleika. May-ari ito ng All Seasons Resto bar sa East Hampton Village kung saan siya nakatira. Matagal nang residente roon ang pamilya niya—halos kalahati ng buhay niya. Pero may mansiyon din sila sa Brooklyn kung saan nakatira ang kanyang mga magulang. Sa Brooklyn talaga siya lumaki at naging vacation house na lamang ng pamilya ang villa sa East Hampton tuwing summer.

Anak siya ng pinakakilala sa larangan ng pagbabangko sa Amerika—si Mr. Cedrix Lloyd Eisenhauer—German-American. Ang kanyang ina naman ay isang sikat na fashion designer. Kaya napakaimposible na mawala siya sa latest fashion trend. Sa yaman ng kanyang ama at talent ng kanyang ina, paano pang mawawala siya sa uso? Siya pa nga ang madalas magpauso.

Binansagan siyang brat-multibillionaire-daughter ng mga taong nakakakilala sa kanya. Well, wala namang hindi nakakakilala sa kanya, lalo na sa East Hampton. Prinsesa yata kung ituring siya ng lahat, mga residente man o guest. Hindi lang dahil galing siya sa angkan ng mga Eisenhauer kundi dahil magaling din siyang makisama.

Bale-walang ibinaba ni Aeriella ang bitbit na black designer pouch sa ibabaw ng bar counter, naupo sa high stool, at bagot na nangalumbaba sa harap ng pinsan.

"Kailan ka pa dumating?" tanong ni Aleika.

Kapag gayong sila-sila lang ng mga pinsan niyang Pilipino at Pilipina ang magkakausap ay nagta-Tagalog sila. Hindi lang para maging private ang pag-uusap kundi dahil mga bata pa lamang sila ay sinasanay na sila ng kanilang mga magulang na matutunan ang wikang Tagalog. Ilang beses na rin siyang nakatuntong sa Pilipinas para magbakasyon kaya tila dama pa rin niya ang kultura ng mga kalahi.

Pinsan niya si Aleika sa mother's side. Sa lahat ng mga pinsan sa side ng ina, sina Aleika at Sephius lamang ang pinaka-close niya. Magkakapatid ang kanilang mga ina. Bukod sa dalawa, pulos mga Eisenhauer na ang malapit sa kanya. Sa Pilipinas lumaki si Aleika pero sa Amerika nagkolehiyo at nagpakadalubhasa sa larangan ng pagnenegosyo. May sarili na rin itong resort sa Pilipinas na kailan lamang ipinatayo. Umuuwi sa Pilipinas si Aleika at mamamalagi roon ng kung gaano man katagal nito gustuhin, pagkatapos ay babalik lamang sa New York kapag nais naman nitong intindihin ang All Seasons na tambayan niya kapag naroroon siya sa East Hampton. Ang resto bar ni Aleika ay twenty-four hours na nag-o-operate kaya kahit anong oras ay puwede siyang magpakalat-kalat doon.

"Obviously, kani-kanina lang," ani Aeriella na binistahan ang sariling suot. Kagagaling lang niya sa Europe. "Dito na nga ako dumeretso pagkatapos kong maipadala ang mga gamit sa villa."

"At kumusta naman ang paglalamyerda mo? Nahanap mo ba naman ang hinahanap mo?" tila walang anumang tanong ni Aleika. Hindi na ito nae-excite magtanong sa kanya kapag ganoong walang kalatoy-latoy ang kanyang aura. Alam na ni Aleika na walang magandang nangyari. Though, dala ng kagandahang-asal ay nangungumusta pa rin.

"Well, katulad pa rin ng dati. Shopping and gallivanting na wala namang magandang resulta. At hindi ko pa rin nahahanap, rather, hindi pa ako nakakahanap," pabuntong-hiningang tugon ni Aeriella. Kinawayan niya ang isa sa mga bartender at humingi ng session cocktail. Oo, partygoer siya, pero hindi ganoon kataas ang alcohol tolerance niya. Kaya para hindi kaagad malasing ay mga hindi nakakalasing na drinks o kaya ay mga inuming may mababang alcohol content ang ibinibigay ng mga bartender sa kanya. Mabuti na lang at magagaling ang mga bartender ng All Seasons dahil maski yata ilang galon ang ubusin niya, hindi siya gaanong tinatablan ng ispiritu ng alak.

Pagkatapos iabot sa kanya ni Gio—ang bartender na tinawag—ang inumin ay nakasimangot na hinarap naman siya ng pinsan.

"You're just wasting your time. Hindi naman yata soul ang hinahanap mo kundi soul mate," sita ni Aleika.

Forget Me Not COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon