16

14.7K 250 6
                                    

NASA kasagsagan ng pag-e-emote si Aeriella habang binabaybay ang daanan sa kagubatan na itinuro sa kanya ni Mang Kanor—ang caretaker ng bahay ng pinsang si Sephius sa kalagitnaan ng kagubatan.

Pagkatapos niyang makita ang walang kasinsakit na eksena nina Akito o Thaddeus at Avie na halos hindi na mapaghiwalay sa pagyayakapan, idagdag pang kinausap siya ni Dustin at ipinaalam sa kanya ang relasyon ng dalawa, hindi na yata niya matatagalang manatili sa resort ni Aleika. Ang lugar kung saan, isang tawid lang ay naroon na ang lalaking sumugat nang pagkalalim-lalim sa kanyang puso. Hindi yata niya kakayaning isipin man lang na sa kabilang bahagi ng resort, naroon at nagpapakasaya ang Hudyong lalaki kasama ng babaeng totoong minamahal nito habang siya ay balde-balde na ang iniluluha sa kanyang silid.

So, umalis siya sa resort. Sa lugar na lang ni Sephius siya manggugulo. Baka sa lugar na iyon ay mahanap niya ang gamot sa sugatang puso. Hindi nga lang niya sigurado kung may mahahanap ba siya roon. Kung hindi pa siya inihatid ng piloto ng chopper ni Aleika, baka nagkandaligaw-ligaw siya sa paghahanap sa address ng pinsan. Napakaliblib ng lugar na kinatatayuan ng bahay ni Sephius sa Misamis.

Ewan ba naman niya sa kanyang pinsan at naisipan pang magburo doon. Ano ba naman kasi ang maganda sa pagtira sa kagubatan?

Well, the place was suited to the people who wanted to be alone. Katulad niya. Dapat pala talaga, mas pinili niyang manggulo sa pananahimik ni Sephius kaysa sa magpasarap sa resort ni Aleika. Tutal naman, hindi rin siya nakapagpasarap nang husto roon. Kung dito, maski boring ang lugar, at least, sigurado siyang safe ang puso niya. Walang makakapanakit sa kanya. Hindi na sana niya naranasang mawasak pa. Siguro, kung pinili niya agad ang lugar ni Sephius, nagkaroon pa ng chance na makalimutan niya si Thaddeus. Baka naka-recover pa siya sa pagka-miss sa binata at tuluyang naialis sa kanyang sistema. Posible nga kaya?

Papaliko na si Aeriella sa panlabing-apat na puno ng niyog, ayon pa rin sa direksiyong sinabi ni Mang Kanor, nang may marinig siyang mahihinang tinig. She was sure it was Sephius's voice while the other sounded like a woman's voice.

"Smile, okay? Because, you don't have all the problems in the world," sabi ng babae.

Tumaas ang isang kilay ni Aeriella. Ang akala niya, nagpapaka-loner si Sephius sa lugar na iyon? Nang tumahimik ay nagpasya siyang magdahan-dahan sa paglapit sa pinagmumulan ng mga tinig upang hindi makagawa ng ingay. Ayaw muna niyang ipaalam ang kanyang presensiya. Gusto muna niyang mag-sneak sa kung ano ang ginagawa ng mga ito at kung sino ang kausap ni Sephius. Nagulat siya sa natagpuang eksena. Kaya naman pala wiling-wili si Sephius na magburo sa kagubatan. May isang diyosa palang umaaliw rito.

Nagtago uli siya sa isang puno at ngiting-ngiting pinanood ang kanyang pinsan at ang babae na magkatabing nakaupo sa lilim ng punong-mangga. Mukhang seryoso na ang dalawa. O baka naman akala lang niya iyon. Sadya namang mailap ang mga ngiti sa mga labi ni Sephius. Napansin pa niyang tila magkandaduling na ang dalawa sa pagtititigan. She smile mischievously when she saw her cousin move closer. May naaamoy siyang kakaiba. Nagdesisyon na siyang magpakita. Dala ng walang kapitagan ay basta na lang siyang lumabas mula sa pinagtataguan.

"Seph!"

Tila nagulat ang dalawa. Si Sephius ay napatayo habang tila nailang naman ang babae. Napangiti si Aeriella sa sariling kapilyahan. But there was no place for regret on her part. Hindi niya maramdaman iyon. Siguro dahil hindi maganda ang ikot ng kanyang mundo kaya gusto niyang mandamay ng iba.

Mabilis na nilundag ni Aeriella ng halik sa pisngi ang nawiwindang na si Sephius.

"Eilla? What are you—"

"I've missed you, Seph! It's been so long. How are you?" dere-deretsong litanya niya.

"Bakit nandito ka?"

Forget Me Not COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon