Ang mala-anghel na mukha nya agad ang bumungad sa'kin sa paglabas ko ng bahay. Naghihintay sya, alam ko.
Tumingin sya sa'kin at binigyan ako ng isang napaka-tamis na ngiti, sinuklian ko ang ngiting iyon.
Pero unti-unti ring nawala ang ngiti sa mga labi ko nang lumabas na ang taong hinihintay nya...ang kanyang kasintahan. Nakatira kasi ito sa tapat ng bahay namin, araw-araw nya tong sinusundo para magkasabay silang pumasok sa trabaho. Muli syang tumingin sa kin at kumaway bilang senyales ng pagpapaalam.
Napabuntong-hininga ako habang pinapanuod syang lumakad palayo sa'kin...kasama ang babaeng nagpapatibok ng puso nya. Magkahawak sila ng kamay at nagku-kwentuhan. Ang saya nilang tignan. Muli akong ngumiti.
Ngiting mapait.
Ngiting pilit.
Ngiting nasasaktan.
Meron ba nun?
Sabi kasi nila, ang ngiti daw ay senyales ng kasiyahan. Pero bakit ganun? Para sa'kin, ang mga ngiting binibigay ko sa kanya ay ngiti ng kalungkutan. Ewan ko ba pero nalulungkot akong makita syang masaya...
Masaya sa piling ng iba.
Selfish ba ako kung ayaw ko syang makitang masaya lalo na kung hindi naman ako ang dahilan ng kasiyahang iyon? Nagmamahal lang naman ako eh. Masama ba yun?
Ako dapat yung kasama nya.
Ako dapat yung nakahawak sa kamay nya.
Ako dapat yung nagpapasaya sa kanya.
Ako dapat.
Kaso hindi.
Hindi ako yun.
At hinding-hindi magiging ako yun.
Namalayan ko na lang na may pumapatak na palang mga luha sa mata ko.
Palagi na lang ganito.
Sawa na ako.
Sawang-sawa.
Ayoko na....pero gusto ko pa.
Ayoko nang umiyak at masaktan pero gusto ko pa rin syang mahalin.
Ang tanga ko shet!
Nagulat ako ng biglang bumukas ang pinto namin.
"Oh, nak bakit nandyan ka pa? Baka ma-late ka na nyan." Pinunasan ko muna ang luha ko't inayos ang pagkakasukbit ng bag sa balikat ko. Humarap ako kay Mama at ngumiti.
"Sige, Ma. Alis na po ako." Nagsimula na akong lumakad papunta sa office.
Sa office kung saan kaming tatlo nagtra-trabaho. Makikita ko na naman sya...sila. Masasaktan na naman ako.