August 05, 2016
NANGINGINIG ang mga paang umakyat siya ng upuan. Takot man pero ito na nakikita niyang sagot upang magwakas na ang lahat ng paghihirap niya sa kanyang buhay.
Wala na ang lahat. Nawala na sa kanya ang lahat. Tinalikuran na rin siya ng mundong akala niyang makakapitan niya.
Kasalukuyang nakakulong ang kanyang ama sa city jail sa kasong drugs. Mabigat ang kasong kinakaharap ng kanyang ama dahil matibay ang ebidensya na nagtuturo na may kinalaman nga ito sa droga. Halos mag-iisang taon na rin ito sa kulungan at halos walang nangyayari para mapawalang-bisa ang akusasyon sa kanyang ama.
At ang pinakamasaklap, hindi nakayanan ng kanyang ina ang eskandalong nangyari sa kanyang ama. Inatake ito sa puso at tatlong buwang nakaratay sa hospital. Hanggang sa isang araw tuluyan ng bumibigay ang katawan nito at iniwan siya.
Limang buwan nang patay ang kanyang ina. Halos maubos na rin ang lahat ng ipon niya sa kaso ng tatay niya at sa mga gastos sa nanay niya. Nakasanla ang bahay at lupang na ilang taon niyang pinag-ipunan. Ngayon ay nangungupahan na lamang siya sa isang maliit na apartment para mapagkasya ang perang mayroon na lamang siya sa bulsa.
Wala na rin masyadong kumukuha sa kanya para gumawa ng pelikula o di kaya bumisita sa mga t.v show para kumanta. Kapag lumalabas siya sa telebisyon ay dahil lang iyon sa kaso ng kanyang ama at sa pagkamatay ng kanyang ina. Iyong dating iniindorser niyang mga produkto ay hindi na siya binigyan ng pagkakataon para pumirma ng bagong kontrata. Nang dahil sa kaso sa kanyang ama ay wala ng nagtitiwala sa kanyang kakayahan bilang isang magaling na artista. Ngayon lang niya napagtanto na sa mundo ng showbis masasabi mong hindi lahat pwedeng pagkatiwalaan. At hindi habang buhay nananatiling kumikislap iyong mga bituin.
Siguro nga ito na ang katapusan ng lahat ng paghihirap niya. Sawang-sawa na rin siya sa mga negatibong ibinabato sa kanya. Wala na ang mga taong akala niya magiging sandigan niya. Wala na ang kanyang ina habang nakakulong naman ang kanyang ama.
Hinawakan niya ang dulo taling itinali niya sa may kahoy sa may kisame. Isinuot niya hanggang sa kanyang leeg ang tali.
"Patawad Pa, Ma." Bulong niya.
Lumuluhang inilibot niya ang mga mata sa paligid. Hindi niya magawang makapagdasal dahil alam niyang mabigat na kasalanan ang gagawin niya.
Mariing ipinikit niya ang kanyang mga mata bago sinipa ang upuang kinatatayuan niya.Labas ang kanyang dila at pilit na humihinga. Mahigpit siyang humawak sa taling sumasakal sa kanyang leeg habang hinihintay na tuluyang malagutan siya ng hininga.
Kinilabutan siya ng biglang makaramdam siya ng malamig na ihip ng hangin. At ganoon nalang ang gulat niya ng may lumitaw sa kanyang harapan na isang babae na nakatali rin ang leeg habang nakalambitin sa isang puno.
Magbibigti rin ba siya? Anas niya sa kanyang isipan.
Tatlong metro lamang ang layo ng babae sa kanya. Bigla siyang nakaramdam ng matinding takot sa kanyang nakikita.
Hindi niya malaman kung bakit may ganito siyang nakikita. Iniisip niya kung ganito ba ang lahat ng mga malapit ng mamatay, kung anu-ano nalang ang nakikita?
Hindi tulad niya na naghihintay lamang ng oras ng pagkawala niya, ang babae ay pilit na tinatanggal ang tali sa leeg nito.
Bigla itong napatingin sa kanya, gaya niya ay nanlalaki rin ang mga mata nito nang magtama ang kanilang mga mata.
Imposible?!
Mas lalo siyang kinilabutan ng magsalita ito. Malinaw sa pandinig niya ang mga sinasabi nito at ramdam na ramdam niya ang paghihirap nito.
BINABASA MO ANG
Made In The Future
Historical FictionIbahin ko lang si Rodora.. =) "Ako ay siya. Ako ay ako. At siya ay ako pa rin."