Part 1

1 0 0
                                    


Umaga na. Pinili kong maagang matulog kagabi dahil baka pagod lang ako o puyat o baka naman nananaginip lang ako at maari pang magbago ang lahat. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala na hanggang panaginip nalang ang kantang ating sabay na kinumpasan. Hindi pa rin ako makapaniwala na ang lahat ay nangyari ng parang kahapon lang. Hindi pa rin ako makapaniwala na ilang buwan na ang lumipas at ang akala kong himig na ating ipagpapatuloy kapag nabuo na ang lahat ng tugma ay matagal mo na palang iniwan.

Kasabay ng pagtugtog ng kantang minsa'y naging masaya, muli kong binalikan ang mga pahina at muling kong binasa ang mga sulat na ngayon ay natural nalang na mga letra. Wala nang halaga ang paulit ulit mong mahal kita at ikaw lang talaga. Matagal na palang walang halaga ang mga pangako mong maghihintay ka.

Patuloy akong bumalik sa mga pahina kung saan una kitang nakilala. Kung paano mo ako kinamusta--- Ikaw ay nakatawa at masayang nagpakilala. Kung paano mo sinambit mo noon sa damuhan na madalas nating tambayan ang iyong pangalan at ang iyong kalagayan. Naalala ko pa kung paano mo ako unang iniyakan dahil sa paulit-ulit na sakit na iyong naramdaman. Noong mga panahong iyon, masakit sa pakiramdam na makita kang nasasaktan—lalo na kung ang dahilan ng sakit na paulit-ulit mong naranasan, ay mga babae ring iyong iginalang at pinahalagahan.

Naalala ko pa kung paano mo ako unang sinorpresa. Kung paano ka nagtapat at nagtanong kung pwede bang tayo na. Pareho pa nga tayo noon nag aalinlangan dahil alam nating maraming maaapektuhan at hindi pa tayo sigurado kung ang pag-ibig natin ay pangmatagalan. Hanggang ngayon, sariwa pa rin ang mga panahon na pilit kong kinumbinsi ang sarili kong hindi pa ngunit pareho nating piniling kumumpas sa tugtog na dapat ay "hindi pa."

Umaga na. Tirik na ang araw. Malamig at mapait na pala ang kape na minsa'y nagbigay init sa malamig kong umaga. Nawalan na rin ang mga mensahe mo sa umaga at mga paalala mo noong tayo pa. May punto rin naman sila, pinili kong pakawalan kita. Pinili ko rin na paulit-ulit kang tanggihan dahil gusto kong sarili mo muna ang iyong pahalagahan. Pinili kitang pakawalan dahil gusto ko na hindi ako ang pumuno sa lahat ng sakit na iyong naramdaman kundi ang plano sa iyo ng Maylikha ang iyong pagkatiwalaan. Handa na rin akong harapin ang katotohanan na sya ang bumuo sa puso mo noong ikaw ay aking sinaktan, na sa kanya mo muling natutunang maging masaya, na sya ang tumupad ng mga alaala na hindi natin nagawa.

Sabi nga ni Moira sa isa sa kanyang mga kanta, masakit man magpalaya, doon ako kung saan ka sasaya, kung saan ka malaya. Unti-unti ko naring papakawalan, ang mga larawan natin na hanggang ngayon ay nariyan. Ang mga usapan nating hindi mapapalitan. Ang mga alaala natin na hindi na yata madaragdagan.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 04, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

2/3/18Where stories live. Discover now