Uno

117 4 1
                                    

December 17

Dear diary,

Tangina this!

First time ko 'tong magsulat ng diary. Ano bang sinusulat dito? Kung ano-ano lang? Bahala na nga. 

Kahapon bumisita sa amin ang tita ko galing probinsiya. Nagkuwentuhan sila ng mama ko. Iba talaga magkuwentuhan ang matatanda, ano? Ang daming tawa. Tawa nang tawa. Di ko nga maintindihan ang pinagkukuwentuhan nila. 

Tapos narinig ko 'yong tita ko sinabi niya na nahukay niya raw sa baul ang diary niya noong high school pa siya. Bago ko ituloy ang kwento, may tanong muna ako. Ano bang itsura ng baul? Baol? Ano bang tamang spelling? Hindi pa ako nakakakita ng baul. Tatanungin ko nga ulit kung ano nga ba 'yong baul. 

Balik tayo sa kuwento. Gaya ng sabi ni tita —sige na nga— bigyan natin ng pangalan si tita. Tita Mary. Hmmm. Hindi bagay. Hindi naman parang Mary ang mukha ng tita ko. Tita Cassandra. Sige. Yan! Bagay na bagay. Bakit kamo? Tingin ko lang bagay. Kung ayaw mo ng Cassandra, suggest ka ng ibang pangalan. Basta Cassandra gusto ko. 

So, sabi ni Tita Cassandra nahukay niya 'yong diary niya nga noong high school pa siya. Tapos tumawa ulit siya. Hindi ko masyadong narinig 'yong sinabi nila pero tumawa na rin si mama.

Nasaan ba ako noong nag-uusap sila? Nasa sala ako bess, kinikiskis ang Facebook sa mukha ko. 

Ikikiskis ko sa mukha mo 'yang Facebook pag di ka pa tumigil! 

Paboritong linya pala 'yan ng mama ko. Ikiniskis ko na sa mukha ko 'yong Facebook para maunahan ko na siya. 

Pasensiya sa biglang liko. Ganito talaga ako kung magkuwento. Pasensiya na. Ayun nga, nasa salas ako. Yong bahay kasi namin hindi kalakihan. Pagkatapos ng sala, kusina na kaagad. Mga ilang metro lang siguro ang layo ng sala sa kusina. Maliit bahay namin. Bawal magtagu-taguan. Saan ka ba magtatago? Sa likod ng electric fan? 

Hay, naku! Pagod na ako sa kakasulat di ko pa natatapos ang kuwento. Saan na nga ako? Sa sala. Ayun, narinig ko nga si Tita Cassandra tungkol sa diary. Sabi niya, ang mga kabataan daw kasi noong panahon niya, walang cellphone. Tapos 'yong diary, school project daw sa Filipino. Para daw humasa ang pagsusulat nila at masanay sila sa pagpapahayag sa nararamdaman nila.

Di nga? Sabi ko sa sarili ko. Kung gusto mong magpahayag ng nararamdaman, sabihin mo. Huwag mong isulat sa diary. Kakapagod magsulat no? 

Pero sabi rin ni Tita Cassandra, natulungan daw siya ng diary niya. Sa mga problema niya, sa mga emosyon, at sa mga 'kras' niya sa school. Kaya heto ako! Nagsusulat. Ang sakit sa kamay. Wala pa akong ibang maisip. Curious lang talaga ako. 

Hanggang dito lang muna 'to ha? Mag-iisip muna ako ng ikukuwento. Bukas ulit. 


_Walang_Magawa_

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 23, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Diary ng Walang MagawaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon