Liham
By NeriDear …,
Sa totoo lang hindi ko alam kung paano kita tatawagin sa liham na ito. Nararapat bang tawagin kita tulad ng dati? O sa kung no ikaw ngayon?
Maligaya ako’t nasaksihan ko ang pinaka-importanteng araw sa buhay mo ngayon. Sa wakas! Nagbunga rin ang 10 taon mong pagtitiyaga at paghihintay upang maging pari. Batid kong maligayang-maligaya ka sa nakamit mo ngayon. Kung alam mo lang kung gaano kaganda ang ngiti mo sa seremonyas, lalong lalo na noong maisuot mo na ang iyong abito. Bagay na bagay ang suot mo sa iyo!
Naalala mo pa ba ang una nating pagkikita? Ako, malinaw na malinaw pa sa isip ko ang pagtatagpong iyon. Disyembre 8, 2013, pista ng Inmaculada Concepcion. Diyakono ka pa noon. Nakasabay ko kayo noon sa crew cab ni Sis. Lourdes, kasama ang mga sacristan at ilan pang mga taong simbahan, patungong handaan. Nakapuwesto tayo sa bukas at likurang parte ng sasakyan. Tuwang-tuwa akong pinagmamasdan ka noon dahil kita ko kung gaano ka kasaya kahit sa mga simpleng bagay tulad ng pagtalon ng sasakyan habang dumadaan sa mga lubak. Masaya kaming lahat noon sa biyahe dahil sa iyo. Doon pa lang nabatid kong maayos kang tao. Simula noon, sinubaybayan ko na kayo bilang bagong lingkod ng aming parokya.
Natutunan kong makilahok sa mga gawain ng parokya, lalo na sa paghubog ng mga kabataan, ang iyong major project. Inaantabayan ko palagi ang mga homiliya mo. Parati ko ring isinusulat sa aking notebook ang quotable quotes mo at ineenjoy ang bawat nalalaman ko sa inyo.
Nais ko pa sanang masaksihan ang iyong buhay pagpapari. Pero pansamantala ko munang ititigil ito.
Tanda mo siguro ang pilgrimage natin sa Batanggas, lalo na sa Caysasay Church. Paborito mo ang simbahang iyon sa lahat ng napuntahan natin noong araw na iyon. Sa lugar na iyon, nanlibre ka ng ice cream sa mga kabataang nagbebenta ng kandila. Nasaksihan ko iyon ... kung paanong naligayahan ka sa pakikipagkwentuhan at laro sa mga bata. Bago bumalik ng bus, pinagmasdan kong maigi ang scenario na iyon. Sa una'y napangiti ako sa nakikita kong mga ngiti ng mga bata, pangalawa ay ang sa iyo. Pero kalauna'y natuwa ako sa isang bagay na biglang sumagi sa isip ko. Nakakahiya man pero inaamin kong nakita ko ang mga kabataang iyon bilang anak ko at ikaw bilang kanilang ama ... ang aking kabiyak.
Nakaramdam ako ng pagkabigla at takot ng mga oras na iyon. Sinampal ako ng larawan mo sa isip ko, suot ang puting-puting sutana. Ibig kong maluha noon, nagaalala sa sarili. Bakit ko naisip yun? Bakit siya(ikaw) pa?
Simulang nangyari yung sa Caysasay, mas naging conscious ako hindi lang sa kilos, sa pananalita, kundi sa pananamit, sa itsura ko, lalo na kapag nakakaharap kita. Panakaw akong tumitingin sa iyo at natatakot na mahuli mo ako. Napapangiti ako sa tuwing nababanggit ang ngalan mo sa mga usapan, o kaya'y nakikita ang mga blog at posts mo sa Facebook. Yung mga simpleng like mo sa post ko ay pinahahalagahan ko. Nalulungkot ako sa tuwing alam kong may pinagdaraanan kang matindi, o kaya'y aalis ka at ilang araw o linggo kitang nakikita. Masayang-masaya ako sa mga nagiging tagumpay mo.
Niyakap ko ang lahat ng iyong mga salita... gayundin ang buong ikaw.
Sabi ni Rumi sa kanyang tula, at ito rin ang aking ginawa: Pinipili kong ibigin ka sa katahimikan, dahil sa katahimikan ay hindi ako matatanggihan (I choose to love you in silence for in silence I find no rejection.) Pinipili kong ibigin ka sa kalungkutan, dahil sa kalungkutan walang ibang nagma-may-ari sa iyo kundi ako. (I choose to love you in loneliness for in loneliness no one owns you but me.).
Pero ngayon, pinili kong basagin ang katahimikang minsan kong binuo. Naalala mo yung gabing umupo at nagusap tayo malapit sa matandang puno ng acacia sa parokya? Tinanong kita noon kung masaya ka ba sa pinili mong landas. Nakangiti at walang pagaalinlangan kang sumagot ng “OO, matagal ko ng pangarap ang maging pari. Dito ako masaya at walang akong pinagsisisihan at pagsisihan sa naging desisyon ko.” Sa sinabi mong iyon, nabatid kong maging sa katahimikan ay hindi rin pala kita dapat itago o hangarin. Noon pa ma’y mayroon ng nagmamayari sa iyo. Sino ako para isiping ilayo ka sa Kanya?
Binabasag ko ang aking katahimikan ngayon, una para ipaalam sa iyo na minahal ka at patuloy na minamahal. Panghuli, hayaan mong maging daan ko rin ito upang makalaya ako sa kasalukuyan kong pagkakakulong sa mga gunita, tungkol sa iyo, sa atin, at sa minsang inakala kong atin.
Nangarap akong maging katuwang ka sa hirap at ginhawa, pero hindi ko intensyon at kayang isugal ang pagkakaibigan natin. Saksi ako sa ligayang dulot sa iyo ng paglilingkod sa Diyos bilang seminarsita, ngayo’y pagiging pari. Dahil dito, nangangako akong hindi ako gagawa ng kahit anong bagay na makapagpapalayo sa iyo sa Kanya, ang totoo mong kaligayahan.
Salamat at nabigyan ako ng pagkakataon na umibig ng walang aasahang balik. Isa itong bagong karanasan. Salamat sa Diyos sa karanasang nagpaunlad ng aking pagiging babae, at nagpakita sa akin hindi lang ng pagiging lalaki mo kundi ng pagpapari mo.
Sana, ang pagpapari mo’y mapuspos ng biyaya at maging biyaya sa iba. Isama mo sana ako palagi sa iyong mga dalangin. Harinawa’y katulad mo, matagpuan ko rin ang buhay na laan sa akin ng Diyos.
Hayaan mong mag-iwan ako sa’yo ng isang munting handog. Isa sa mga paborito mong awit ay Pagkabighani ng Himig Heswita. Iyon ang pinaghalawan ko ng tono. Hindi ko alam kung papasa sa pamantayan mo. Ang maipagmamalaki ko lang, ito’y taos sa puso.
Hindi sa iyong mukhang masaya palagi
Ako naaakit na ika'y mahalin.
At hindi sa mga salitang binibitiw
Ako mapipilit ika'y maging giliw.
Kababaan ng puso'y ipinamalas
Kahit natapaka'y tumindig, yumakap.
'Yong hangad para sa iba'y kagalakan
At ang pagtanggap ng pagpapala Niya.
Naaakit ako ng iyong pag-ibig
Kaya't mahal kita kahit walang balik
Kahit walang apoy sa iyong mga tingin.
Huwag ng mag-abala upang ibigin ka.
At kung pag-asa'y bula lamang pala
Walang magbabago, mahal pa rin kita.
Nagmamahal…
Lubos na nagmamahal…
At patuloy na magmamahal sa iyo…
Bilang kaibigan…
Kapatid sa pananampalataya…
Clara.
Clara,
Salamat at patawad.
Salamat sa biyaya ng pag-ibig kahit hindi ako nararapat na tumanggap ng pagpapalang iyon. Salamat dahil lubos mong pinahahalagahan ang aking pagpapari. Tama ka. Hanggang langit ang tuwa ko ng maisuot ko na ang aking abito. Pero sa totoo lang, may kaba rin sa parte ko dahil alam kong mas magiging malaki na ang responsibilidad ko at pananagutan ko sa Diyos. Patuloy mo sana akong isama sa iyong mga panalangin. Nawa’y maging matatag akong katulad mo.
Humihingi rin ako ng iyong kapatawaran. Una, dahil matagal mo na palang dinadala ang pag-ibig na iyan sa puso’t isip mo. Batid kong mahirap sa parte mo iyon, at hindi ko nais na danasin mo iyon. Pangalawa, dahil hinding-hindi ko kayang ibalik ang eksaktong pag-ibig na iyon sa’yo. Mahalaga ka sa akin bilang kapatid sa pananampalataya. Kakambal noon ay ang pagpapahalaga ko sa aking pagpapari upang makapaglingkod sa’yo at sa marami pa nating mga kapatid.
Bata ka pa, Clara. Maganda ka at busilak pa ang kalooban. Matalino ka rin at maabilidad sa buhay. Marami pang daraang tao sa buhay mo. Salamat sa Diyos at dumaan ako sa buhay mo, at dumaan ka sa buhay ko. Pero pareho nating batid na hindi ako ang dapat na maging buhay mo, at ikaw ay hindi rin dapat maging buhay ko. Iisa ang mundong ating ginagalawan pero hindi natin mundo ang isa’t isa.
Katulad mo, gumawa rin ako ng version ng Pagkabighani. Ito ang sagot ko sa nilikha mong version.
Hindi ako nararapat na balingan
Ng damdaming hindi kayang mapantayan.
At hindi sa tuwang naibabahagi
Ako nararapat na iyong itangi.
Pagtugon sa iyo, papaano nga ba?
Kung sa pasasalamat, salita o gawa.
Kung sa pagsasambit, hindi pa sasapat
At kung sa gawa, anong nararapat?Nabighani ako ng iyong pag-ibig
Kaya mahal kita, ngunit hindi higit
Sa'ting Ama na lumalang daigdig.
Ika'y mahalaga sa akin, kapatid.
At kahit pag-asa'y bula lamang pala.
Walang magbabago, mahal pa rin kita.
Walang magbabago, mahal pa rin kita. Walang magbabago sa ating pagkakaibigan. Parati kitang isasama sa aking mga dalangin.
Siya nga pala, ilang linggo na lang ang ilalagi ko sa parokya natin. Madedestino na ako sa Porac, Pampanga. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako sa kabundukan, kapiling ng mga kapatid nating katutubong ita. Hindi ko rin alam kung anong magiging buhay natin sa mga panahong magkahiwalay tayo. Sa mga panahong magkakawalay tayo, sana’y matagpuan mo ang tao o mga bagay na lubos na magpapamalas ng langit sa’yo sa lupa. Nawa’y gumaling ang mga sugat na maaring naging dulot ko sa iyo. Pag-ibig lang din ang sagot sa paghilom na hinahangad mo. Pero ang pag-ibig na iyon ay maraming mukha at pinagmumulan. Sana’y matagpuan mo ang tunay na pag-ibig na pupuno sa iyong puso.
Pagpalain ka nawa at ang iyong pamilya ng ating mahabaging at mapagpalang Ama sa langit.
Lubos na gumagalang,
Ang iyong kaibigan,
Kapatid sa pananampalataya,
Kiko.
BINABASA MO ANG
Antholovegy
ContoHugotSeminarista's compilation of Seminarian-related #Oneshots by different authors.