Prolouge

37 1 0
                                    


Isang piging ang kasalukuyang idinaraos sa mansyon ng mga Villamonte at tanging piling mga tao lamang ang naimbitahang dumalo dito.

Isa sa mga nabigyan ng imbitasyon ay si Zena. Wala sana siyang balak na pumunta, ngunit may isang tao siyang hindi niya kayang talikuran. Ang lola niya.

Bumaba siya sa trike na nirentahan niya upang maghatid sa kanya papasok sa loob ng subdivision kung saan naroroon ang mansyon ng mga Villamonte.

Noong una'y ayaw pa silang papasukin nung guwardiyang nakabantay sa gate, dahil ito'y isang pribadong subdivision, kaya ipinakita niya ang kulay itim na imbitasyon na may kulay gintong "VM" na naka-imprenta sa harap nito at noon lang pinapasok ang trike na sinasakyan niya.

Nakatayo si Zena sa harap ng kulay itim na gate, nagdadalawang isip kung papasok ba siya o babalik na lang muli sa kaniyang apartment. Hahakbang na sana siya pabalik nang biglang lumabas ang isang guwardiyang nakasuot ng puting uniporme.

"Ma'am papasok po ba kayo?" Nag-aalinlangang tanong ng guwardiya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa.

Tiningnan niya ang itim na imbitasyong hawak ng kanang kamay niya. Kailangan niyang tumuloy. Pilit niyang isinasaksak sa utak niya ang dahilan kung bakit kailangan niyang tumuloy. "Ay, opo," sabi niya at itinaas ang kanang kamay.

Alam niyang hindi nakumbinsi ang guwardiya kahit na ipinakita na niya ang hawak na imbitasyon. Sino ba naman kasi ang magsusuot ng fitted jeans, plain white V-neck shirt, at itim na cap sa isang pang mayaman na okasyon.

Nakita niyang iniangat nung guard yung hawak nitong radyo. Alam niya kung sino ang tatawagan nito kaya't agad niyang tinanggal ang sumbrerong tumatakip sa halos kalahati ng kanyang mukha.

Namilog ang mga mata ng guwardiya nang mapagtanto kung sino ang babaeng nasa harapan niya, kaya agad itong nanghingi ng pasensya.

"Sorry Ma'am Zena, 'di ko po kayo nakilala."

Tipid na ngiti lamang ang ibinigay nito sa matanda at muling isinuot ang kaniyang sumbrero. Mabilis siyang pumasok nang buksan ng guwardiya ang gate.

Malawak ang lupa ng mga Villamonte, kaya't kakailanganin pa n'yang maglakad ng limang daang metro bago makarating sa mismong mansyon.

Mabilis ang tibok ng puso niya. Kinakabahan siya, dahil siguro sa takot na may makakita sa kanya? O dahil sa nandito siya sa lugar kung saan ayaw na niyang bumalik pa? Hindi niya alam. Halo-halo ang emosyong nararamdaman niya.

Kahit saang sulok siya tumingin ay puro nakaparadang kotse ang nakikita niya. Wala na ring tao sa labas dahil kanina pa nagsimula ang handaan.

Halos tumakbo na siya dahil sa bilis ng kanyang lakad. Habang siya'y papalapit, ay naririnig na niya ang kwentuhan at tawanan ng mga bisitang nasa loob.

Makalipas ang pitong minutong paglalakad, nasa harapan na niya ang isang magarang mansyon. Sumilip siya sa isang bintana, ngunit agad din siyang tumakbo at nagtago sa gilid na bahagi ng mansyon, nang makitang papalabas ang dalawang lalaking may tig-isang hawak na mamahaling bote ng wine.

Tumingala si Zena at napapikit. Muntikan na ko do'n, sabi niya sa sarili. Tumingin siya sa kanyang kaliwa kung saan patungo ang makipot na daan na nandoon mismo sa gilid ng mansyon.

Mabilis ngunit maingat niyang tinahak ang makipot na daang patungo sa likurang bahagi ng mansyon. Maingat siyang sumilip sa siwang nang kulay brown na pintong may naka-ukit na mga bulaklak at may mga nakadikit na mukhang mamahalin at makukulay na bato.

Mula sa siwang ay kita niya ang mga kasambahay at mga chef na abala sa paghahanda ng mga pagkain.

Kinuha niya ang kanyang cell phone mula sa bulsa ng suot niyang pantalon. Nagtipa siya ng mga numero at saka ito itinapat sa kanang tainga.

Troubled HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon